Paano Tayo Makatutulong?
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Naganap ang kuwentong ito sa Auckland, New Zealand.
Ang pamilya ni Tadiana ay namigay ng mga bunga ng kanilang halamanan. Ngayon ano pa ang maaari nilang ibahagi?
“Magpatuloy sa paglakad nang may … pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20).
“Handa ka na bang putulin ang mga saging?” tanong ni Itay. Nanood si Tadiana kasama ang kanyang mga kapatid, sina Alicia at Kavi. Gumamit si Itay ng itak para putulin ang buong buwig ng mga saging.
Maraming bunga ang halamanan sa taong ito! Ngunit maraming iba pang bagay na mahirap. Nagkaroon ng quarantine sa New Zealand dahil sa coronavirus. Hindi nakikita ni Tadiana ang kanyang mga kaibigan o nakakapasok sa eskuwela. Pero masaya siya na nakakapag-ukol siya ng maraming oras sa kanyang pamilya.
Nanlaki ang mga mata ni Kavi habang tinitingnan ang lahat ng bunga. “Hindi po natin kayang ubusing lahat iyan!” sabi niya.
Tumango si Inay. “Sigurado ako gusto ni Sister Banks ng ilan. Hindi na siya nakakagawa sa kanyang halamanan mula nang mamatay ang asawa niya.”
“Alam kong malungkot din si Sister Finau,” sabi ni Tadiana. “Puwede ko siyang dalhan ng ilang saging!”
“Sino pa?” sabi ni Itay. Naupo silang lahat sa damuhan. Gumawa sila ng listahan ng mga taong maaaring nangangailangan ng kaunting tulong.
Kinabukasan pinuno nila ang mga sako ng silverbeet (chard), kumara (kamote), at saging. Sakay ng sasakyan, naglibot sina Inay at Itay sa mga kapitbahay. Sa bawat bahay na nasa listahan nila, nag-iwan sila ng isang sako.
Sumilip si Tadiana sa bintana ng sasakyan at tiningnan ang pagbukas ni Sister Banks ng pintuan. Ginamit ni Sister Banks ang kanyang tungkod para dahan-dahang maglakad papunta sa sako. Napakalaki ng ngiti niya kaya nakita ito ni Tadiana kahit papalayo na sila.
Ang saya ng pakiramdam ni Tadiana. Pero medyo nalungkot din siya. Kasama niya ang kanyang pamilya sa panahon ng quarantine. Pero si Sister Banks ay nag-iisa lang. Malamang ilang linggo na siyang walang nakakausap!
“May iba pa tayong magagawa para sa ating kapitbahay,” sabi ni Tadiana. “Bakit hindi natin sila yayaing mag-video call para sa family scripture night natin?”
“Maganda ang naisip mo,” sabi ni Itay.
Pagdating nila sa bahay, tinawagan ni Tadiana si Sister Banks. “Hi, Sister Banks! May scripture night po ang pamilya namin ngayong gabi. Gusto po ba ninyong sumali sa video call?”
“Gustung-gusto ko iyan!” sabi ni Sister Banks. Pagkatapos ng tawag na iyon, iniabot ni Tadiana ang telepono kay Alicia. Naghalinhinan sila sa pagtawag sa mga tao sa ward at pag-anyaya sa kanila.
Nang gabing iyon kinakabahang naghintay si Tadiana sa harap ng computer. Sasali kaya ang mga tao? Pagkatapos, isa-isang lumitaw ang mga mukha ng kanilang mga kapitbahay sa screen ng computer. Ang ilan sa kanila ay nahirapan sa paggamit ng teknolohiya, kaya tinulungan sila ni Inay.
Isang babae ang nagpakita ng isang plato ng hokey pokey (honeycomb toffee). “Alam ko na wala ni isa sa inyo na makakakain nito,” sabi niya. “Pero dahil sa sobrang natutuwa ako sa gabing ito kaya nagluto ako ng espesyal na panghimagas! Siguro kunwari na lang naaamoy ninyo ito sa screen!”
Nagtawanan ang lahat at pinag-usapan kung paano nila ginugugol ang kanilang panahon. Maraming tao ang nahihirapan, pero mas sumaya ang lahat dahil nakausap nila ang isa’t isa.
Nang matapos na silang magkuwentuhan, nagbahagi si Tadiana ng banal na kasulatan, 2 Nephi 31:20: “Magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”
Nagkaroon sila ng maikling lesson at nagsalitan sa pagbasa ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay nanalangin si Kavi.
“Huwag ninyong kalimutang sumali ulit sa susunod na linggo!” sabi ni Tadiana. Isa-isang kumaway ang mga tao at umalis na sa video call.
Nang nakaalis na ang huling tao, tinipon nina Inay at Itay ang pamilya para mag-group hug. Masaya si Tadiana dahil nakatulong siya at ang kanyang pamilya sa kanilang mga kapitbahay. Lahat sila ay sama-samang magpapatuloy sa paglakad.