Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Ang Ating Tahanan sa Langit
Kuwento: Lahat tayo ay nanirahan kasama ni Jesus at ng Ama sa Langit bago tayo isinilang. Gumawa ng plano ang Ama sa Langit na pumarito tayo sa mundo. (Tingnan sa Abraham 3:24–25.)
Awit: “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 8)
Aktibidad: Basahin ang kuwento mula sa banal na kasulatan sa pahina 8. Pagkatapos ay lumikha ng sining na gawa sa bato! Magtipon ng iba’t ibang bato. Gamit ang mga ito, gumawa ng isang tagpo kung saan kasama mo ang Ama sa Langit at si Jesus bago tayo pumarito sa mundo.
Larong Memorya ng Pagpapasalamat
Para sa Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5
Kuwento: Sinabi ng Ama sa Langit kay Jesucristo na likhain ang mundo para may matirhan tayo (tingnan sa Genesis 1–2). Lumikha si Jesus ng mga halaman at hayop para pangalagaan natin. Maaari tayong magpasalamat para sa mundo.
Awit: “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17)
Aktibidad: Ngayon ay maglaro! Sasabihin ng unang tao, “Nagpapasalamat ako para sa …” at pagkatapos ay magbabanggit siya ng isang bagay na nilikha ng Ama sa Langit at ni Jesus. Uulitin ito ng susunod na tao at pagkatapos ay magdaragdag siya ng isa pang bagay. Ipagpatuloy ito hangga’t kaya ninyo.
Pagpapasa-pasahan ng Mabubuting Pagpili
Para sa Genesis 3–4; Moises 4–5
Kuwento: Sa Halamanan ng Eden, pinili ni Eva na kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman. Inialok niya ang bunga kay Adan. Pinili rin ni Adan na kainin ang bunga. (Tingnan sa Moises 4:12.) Matapos nilang kainin ang bunga, nalaman nila ang pagkakaiba ng tama at mali.
Awit: “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82–83)
Aktibidad: Umupo nang pabilog at pagpasa-pasahan ang isang bola. Kapag nasalo mo ang bola, magkuwento tungkol sa isang magandang pagpiling ginawa mo sa linggong ito.
Aklat ng Patotoo ng Pamilya
Kuwento: Ang pamilya nina Adan at Eva ay gumawa ng “aklat ng alaala” (Moises 6:5). Nagsulat sila tungkol kay Jesucristo at sa plano ng Ama sa Langit. Ang aklat na ito ang naging simula ng mga banal na kasulatan.
Awit: “Dito ay May Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102–103)
Aktibidad: Maaari ka ring gumawa ng isang aklat ng alaala! Hilingin sa lahat ng miyembro ng iyong pamilya na isulat ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo. Pagkatapos ay pagsama-samahin ang mga pahina para makagawa ng isang aklat. Idagdag ito sa iyong kahon ng kayamanan sa pahina 30.
Pagtatayo ng Pagmamahal
Para sa Moises 7
Kuwento: Si Enoc at ang kanyang mga tao ay nagtayo ng isang lungsod na tinatawag na Sion. Ang mga tao sa Sion ay mabubuti at “may isang puso at isang isipan” (Moises 7:18). Ang ibig sabihin niyon ay minahal at pinangalagaan nila ang isa’t isa. Hindi sila nakipaglaban o nanakit sa isa’t isa.
Awit: “Pag-ibig sa Tahanan,” (Mga Himno, blg. 183)
Aktibidad: Basahin ang Moises 7:19–21. Pagkatapos ay magtayo ng isang lungsod gamit ang mga bloke, bato, o patpat. Habang nagtatayo kayo ng lungsod, pag-usapan kung paano ninyo magagawang higit na katulad ng Sion ang inyong pamilya. Maaari kayong magpadala ng mga larawan ng inyong natapos na lungsod sa Kaibigan!