Ang Pagbati ng Bahaghari
Tumalon si Darcy sa ibabaw ng natipon na tubig sa daan. Humagikgik siya. Masaya kapag umuulan. Sila ni Inay ay nagkarera ng mga bangkang-dahon sa tubig. Napasigaw sa saya si Darcy habang inaagos ang kanyang dahon.
Dahan-dahan siyang naglakad sa pagitan ng mga natipong tubig habang hawak ang tisang may kulay sa magkabilang kamay. Kinulayan niya ang bangketa at maging ang isang malaking bato. Napakagandang tingnan ng mga kulay na kabaligtaran ng kulay abong kalangitan. Ayos lang kay Darcy kahit malamig.
Tumingala si Darcy sa maulap na kalangitan.
“Inay, nakikita po ba ako ng Ama sa Langit ngayon?” tanong ni Darcy.
“Oo. Nakikita ka ng Ama sa Langit ngayon,“ sabi ni Inay.
Nag-isip sandali si Darcy. Pagkatapos ay iniangat niya ang kanyang kamay at kumaway.
“Kumusta po?” sabi niya, habang kumakaway sa langit. Siguro nakikita ng Ama sa Langit na kumakaway siya sa Kanya!
Kalaunan ay pumasok sina Darcy at Inay para magpainit.
Kumuha si Darcy ng ilang papel at nagpinta siya ng isang makulay na bahaghari. Ipinakita niya ito kay Itay pag-uwi nito. Ikinuwento niya rito ang tungkol sa kanyang masayang karanasan sa ulan.
Pagkatapos ng hapunan, palubog na ang araw. “Tingnan natin ang paglubog ng araw,” sabi ni Itay.
Naglakad sila sa labas. Tila amoy bagong ligo ang mundo. Ang mga ulap ay malalaki at kulay rosas. At makikita sa kalangitan ang pinakamaningning at pinakamagandang bahaghari!
“Naaalala mo ba kung sino ang gumagawa ng mga bahaghari?” tanong ni Inay.
“Ginagawa po ang mga ito ng Ama sa Langit!” sabi ni Darcy.
Ipinalibot ni Darcy ang kanyang mga bisig sa sarili niya na tila ba niyayakap ang sarili niya. “Sa palagay ko po, binabati Niya rin ako ng ‘kumusta’!”