Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Nakahanap si Dinis ng Sagot
Lumangitngit ang kutson sa pag-ikot ni Dinis. Buong magdamag siyang paikot-ikot sa higaan. Pero hindi siya makatulog!
Paano kung mali ang mga missionary? Naisip ni Dinis. Paano kung hindi ito ang totoong simbahan sa kabila ng lahat? Paano kung nasa maling landas ako? Patuloy siyang nabahala sa mga tanong.
Ang pamilya ni Dinis ay sumapi sa Simbahan dalawang taon na ang nakararaan, noong siya ay 10 taong gulang. Noong una silang tinuruan ng mga missionary, nadama kaagad ni Dinis na ang itinuturo nila ay totoo. Si Dinis at ang kanyang pamilya ay ilan sa mga unang taong sumapi sa Simbahan sa Portugal. Si Dinis ay isang pioneer!
Pero nitong mga nakaraang araw ay nagsimula siyang mag-alala. Paano kung hindi tama ang magpabinyag?
Hindi sinabi ni Dinis sa sinuman na nag-aalala siya. Kahit sa kanyang mga kapatid. O sa kanyang mga magulang. Pero ngayong gabi, iyon lang ang nasa isip niya.
Napabuntong-hininga si Dinis. Sumilip siya sa ilalim ng kanyang kama. Mahimbing ang tulog ng kanyang mga kapatid sa ibabang kama. Si Dinis ay nag-iisa.
Alam niya na kailangan niyang itanong sa Diyos kung totoo ang Simbahan. Lumuhod siya sa gitna ng kanyang kama. Iniyuko niya ang kanyang ulo at nagsimula siyang manalangin.
“Pakiusap, Diyos,” mahinang sabi ni Dinis. “Ipaalam po Ninyo sa akin kung talagang Kayo at si Jesus ay nakita ni Joseph Smith.”
Maraming beses nang nanalangin si Dinis. Pero kakaiba ang pagkakataong ito. Talagang kailangang malaman ni Dinis. Nanalangin siya nang mas taimtim kaysa dati para humingi ng tulong.
“Ayaw ko pong maging mali,” bulong niya. “Gusto ko lang pong malaman kung ano ang tama.”
Pagkatapos ay may nadama si Dinis. Malakas at tumitimo sa puso ang pakiramdam na ito. Tumindi ito hanggang sa madama niya ito sa buong katawan niya. Pakiramdam niya ay maaari siyang sumabog sa kagalakan!
Alam ni Dinis na ang nadama niya ay ang Espiritu Santo. Sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin! Tama ang mga missionary. Si Joseph Smith ay isang totoong propeta. At ang pagpapabinyag ay hindi lang isang mabuting pagpili. Iyon ang pinakamabuting pagpili.
Tumihaya si Dinis at tumingin siya sa kisame. Nawala na ang kanyang mga alalahanin. Hinila niya ang kanyang kumot malapit sa kanya. Nang hindi niya namamalayan, nakatulog na siya.
Sa pagtanda ni Dinis, palagi niyang naaalala ang gabing nanalangin siya sa kanyang kama. Alam niya na nasa tamang landas siya bilang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. At alam niya na palaging diringgin ng Ama sa Langit ang kanyang mga panalangin.