2022
Hindi Na Masyadong Nalulumbay
Enero 2022


Hindi Na Masyadong Nalulumbay

Ang kuwentong ito ay naganap sa Ecuador.

Naisip ni Damián na sana ay makapagsimba ang kanyang buong pamilya nang magkakasama.

boy holding bag to travel

Tiningnan ni Damián ang loob ng kanyang backpack para makita kung naroon na ang lahat ng kailangan niya. Mga damit pansimba? Tsek. Mga sapatos? Tsek. Aklat ni Mormon? Tsek. Isinara niya ang kanyang backpack, isinukbit niya ito sa kanyang balikat, at nagtungo siya sa pinto.

“Mamá!” tawag ni Damián. “Pupunta na po ako kina Abuela at Abuelo!”

Nagtitiklop si Mamá ng mga tuwalya. “Tulungan mo ang iyong lolo’t lola.” Tumigil siya para yakapin nang mahigpit si Damián. “Alam kong gusto mong sumasama sa kanila sa pagsisimba. Sana masiyahan ka bukas.”

“Opo!” sabi ni Damián. Pero sana’y sumasama po kayo sa akin, naisip niya.

Naglakad si Damián papunta sa sakayan ng bus. Tuwing Sabado, sumasakay siya ng bus mula sa kanyang bayan sa Ecuador papunta sa bahay nina Abuela at Abuelo. Doon na siya natutulog. Pagkatapos ay nagsisimba siya kasama nila kinabukasan.

Pagsapit ng Linggo ng umaga, nagbihis si Damián para magsimba. Ibinutones niya ang kanyang polo. Isinuot niya ang kanyang mga sapatos. Pagkatapos ay naglakad siya papunta sa simbahan kasama nina Abuela at Abuelo.

Hilig ni Damián na magsimba. Mahilig siyang kumanta ng mga awitin at tumanggap ng sakramento. Gusto rin niyang nakikita ang kanyang mga kaibigan. Pero naisip niya na sana’y kasama niya roon ang iba pa niyang kapamilya.

Noong hapong iyon, sina Damián, Abuela, at Abuelo ay naglakad papunta sa bahay nina Brother at Sister Ruiz. Magkakasama silang magdaraos ng home evening. Nagdala si Abuela ng isang pinggan ng leche flan na panghimagas.

Ang aralin ay tungkol kay Jesus. Nagkulay si Damián ng larawan ni Jesus habang nakikinig siya sa aralin. “Nauunawaan ni Jesus ang lahat ng nadarama natin,” sabi ni Brother Ruiz. “Kahit na kapag nalulungkot tayo.”

Tiningnan ni Damián ang kanyang larawan ni Jesus. Naging masaya siya dahil alam ni Jesus kung ano ang nadarama niya.

Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, sabi ni Abuela, “Nagdala ako ng leche flan. Sino ang may gusto?”

“Ako po!” sabi ni Damián. Ang makrema at matamis na panghimagas na iyon ang paborito ni Damián! At si Abuela ang gumagawa ng pinakamasarap na leche flan.

Pagkatapos ng home evening, sinamahan ni Abuela si Damián papunta sa sakayan ng bus para makauwi siya. Nakatitig lang si Damián sa lupa.

“May problema ba?” tanong ni Abuela.

Sumimangot si Damián. “Naisip ko lang po na sana’y kasama natin sa pagsisimba ang iba ko pang kapamilya.”

“Oo nga,” sabi ni Abuela. Niyakap niya si Damián. “Pero mahal na mahal ka ng pamilya mo. At gayon din si Abuelo at ako at ng marami pang iba!”

Dumating na ang bus. Umupo si Damián sa tabi ng bintana at kumaway siya kay Abuela habang papalayo ang bus.

Inisip ni Damián ang sinabi ni Abuela. Naisip niya si Mamá at ang kanyang mga kapatid. Alam niyang mahal na mahal nila siya. Pagkatapos ay naisip niya ang kanyang Primary teacher. At ang pamilya Ruiz. At sina Abuela at Abuelo. Siya ay minamahal din nilang lahat.

Higit sa lahat, alam ni Damián na mahal siya ng Ama sa Langit at ni Jesus. At dahil doon, siya ay hindi na masyadong nalulumbay.

Page from the January 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Julissa Mora