2022
Mga Awitin at Bula ng Sabon
Enero 2022


Mga Awitin at Bula ng Sabon

Humagikgik si Alice nang maisip niya ang tungkol sa pagkanta ni Pangulong Kimball kasama ang isang baka.

girl washing dishes

Nilagyan ni Alice ng isang sandok ng macaroni ang mangkok ng kanyang kapatid. Mahal niya ang kanyang maliliit na kapatid—lahat silang lima! Maganda sa pakiramdam na tulungan sila. Pero mahirap maging panganay kung minsan. Mula nang dumating ang bagong-silang na sanggol, kinailangan niyang tumulong nang higit pa kaysa dati. Napakaraming nangyayari sa bahay nila!

“Ano ang natutuhan ninyo sa simbahan ngayon?” tanong ni Itay.

“Tungkol po kay Jesus!” sabi ng nakababatang kapatid ni Alice na si Sarah. Ikinalat niya ang applesauce sa kanyang pinggan.

Ngumiti si Alice. Napaka-cute ni Sarah. At medyo makalat din.

“Natutuhan ko po ang tungkol kay Pangulong Kimball …” nagsimulang magsalita si Alice. Pero tumawag si Inay mula sa kabilang silid. Kailangan niya ang tulong ni Itay sa sanggol.

“Pasensya na,” sabi ni Itay. “Babalik ako kaagad.”

Habang tinutulungan ni Itay si Inay, tinulungan ni Alice ang lahat ng iba pa. Natabig ni Eric ang kanyang baso ng gatas. Nilinis ito ni Alice. Nagsimulang umiyak si Sarah. Niyakap siya ni Alice. Gusto pa ni Clara ng macaroni. Binigyan pa siya ni Alice.

Kahit noong bumalik na si Itay, maingay at magulo pa rin ang kusina. Naisip ni Alice na sana ay mas madaling makadama ng kapayapaan.

Sa wakas, natapos din ang tanghalian. Tinulungan ni Alice ang kanyang mga kapatid na dalhin ang kanilang mga pinggan sa lababo. Sapat na ang edad ni Alice para hindi makabasag ng mga bagay-bagay. Kaya sa kanya nakatoka ang paghuhugas ng mga pinggan. Pinuno niya ang lababo ng tubig na may sabon.

Sana hindi ko na kailangang gumawa ng mga gawaing-bahay kailanman, naisip ni Alice. Pagkatapos ay naalala niya ang natutuhan niya sa Primary tungkol kay Pangulong Spencer W. Kimball. Noong bata pa ito, kinailangan din nitong gumawa ng mga gawaing-bahay. Madalas siyang kumanta ng mga himno habang ginagatasan niya ang baka!

Naisip ni Alice si Pangulong Kimball na kumakanta kasama ang isang baka. Humagikgik siya.

Pagkatapos ay may naisip siyang ideya. Maaari niyang tularan ang propeta! Kinuha niya ang himnaryo at binuksan niya ito sa unang himno.

Kinailangan niya itong panatilihing nakabukas. Ipinatong ni Alice ang aklat sa tapat ng bintana. Inipit niya ang isang sulok ng himnaryo sa likod ng isang paso. At pagkatapos ay inipit niya ang isa pang sulok sa likod ng isang mabigat na tasa. Ngayon ay nakikita na niya ito habang nagtatrabaho siya.

hymnbook propped up on windowsill

Habang naghuhugas si Alice ng mga mangkok, tasa, at kutsara, kinanta niya ang himno. Maganda ang pakiramdam ng medyo mainit na bula sa kanyang mga kamay. At pinasaya ng awitin ang kanyang puso.

Kinabukasan, kumanta muli si Alice. At sa araw pagkatapos niyon. Sinubukan niyang alalahanin ang mga salita ng himno. Pagkatapos ay lumipat siya sa susunod na himno. Natuto rin si Alice ng mga bagong himno! Ilang taon siyang nag-aral tumugtog ng piyano. Kapag may hindi siya alam na himno, pinag-aaralan niya ang mga nota nito sa piyano.

Hindi nagtagal ay naging maliit na bagay na lang para kay Alice ang paghuhugas ng mga pinggan. Kung minsan ay gusto pa nga niyang ginagawa ito! Nakakatuwang kumanta at mag-isip tungkol kay Jesus. Ang pag-aaral ng bawat bagong himno ay parang pagkakaroon ng isang bagong kaibigan. Gaano man kaingay ang paligid niya, natulungan siya ng mga himno na makadama ng kapayapaan.

Page from the January 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Erin Taylor