Mga Bisikletaat mga Pangako
“Inay, nahulog po yata ang batang iyon sa bisikleta niya!” sabi ni Annie. Nakaupo ang isang batang lalaki sa bangketa sa bandang unahan. Nasa lupa ang kanyang bisikleta, at umiiyak siya. Nakaupo sa tabi niya ang isang nakatatandang batang lalaki.
“Nasaktan ka ba?” tanong ni Annie habang papalapit sila ni Inay.
“Nahulog ang kapatid ko at nasaktan ang tuhod niya,” sabi ng nakatatandang bata. “Kailangan ko siyang iuwi. Pero parang hindi ko kayang sabay na itulak ang dalawang bisikleta at tulungan siyang maglakad.”
“Matutulungan namin kayo!” sabi ni Annie.
Tumango si Inay. “Matutulungan namin kayong makauwi.”
Nagpahid ng luha ang mas batang lalaki. Tinulungan siya ng kuya niya na tumayo. Kinuha nina Inay at Annie ang mga bisikleta. Dahan-dahan silang naglakad sa kalsada.
Hindi nagtagal ay naroon na sila sa bahay ng mga bata. Lumabas ang isang babae na nakapamaywang. “Ano’ng nangyari?” tanong niya.
“Nahulog ang anak ninyo sa bisikleta niya at nasaktan ang tuhod niya,” sabi ni Inay. “Napadaan kami. Kaya tumigil kami para tumulong.”
Tiningnan sila ng babae. Pero wala itong sinabi. Hinawakan niya sa kamay ang batang lalaki. “Pumasok ka. Huhugasan ko ang tuhod mo. Jason, ilagay mo ang mga bisikleta sa garahe.”
Kinuha ng nakatatandang bata ang mga bisikleta. Isinara ng babae ang pinto sa harapan.
Nagsimulang maglakad sina Inay at Annie pauwi.
Sumimangot si Annie. “Ni hindi man lang nila tayo pinasalamatan!”
“Hindi nga,” sabi ni Inay. “Pero tinutulungan ba natin ang mga tao para lang pasalamatan nila tayo?”
Nag-isip sandali si Annie. “Hindi po. Tinutulungan natin sila dahil kailangan nila ang tulong natin. Nang mabinyagan ako, nangako akong tutulungan ang ibang tao.”
“Tama ka,” sabi ni Inay. “Iyan ang ipinapangako nating lahat.”
Nag-isip pa si Annie. “Hindi palaging nagpasalamat ang mga tao kay Jesus sa mabubuting bagay na ginawa Niya. Pero hindi iyon nakapigil sa Kanya. Kaya hindi ko rin iyon hahayaang pigilan ako.”
“At tandaan na masaya rin ang Ama sa Langit kapag tumutulong tayo,” sabi ni Inay.
Ngumiti si Annie. “Sapat nang pasasalamat iyon para sa akin.”