2022
Kayang Gawin ni Tim ang Mahihirap na Bagay!
Pebrero 2022


Kayang Gawin ni Tim ang Mahihirap na Bagay!

boy standing triumphantly

Magaling na hiker si Tim. Pero parang masyadong mahaba ang hike na ito. Nakapag-hike na sila ng pamilya niya papunta sa isang lawa. Gusto ni Tim na nakakakita ng maliliit na isda sa tubig. Gusto niyang naghahagis ng mga bato sa lawa. Pero ngayon ay pagod na siya at gutom. Mahirap mag-hiking!

“Kakargahin po ba ninyo ako?” tanong niya kay Itay.

“Sori,” sabi ni Itay. “Kailangan kong kargahin ang kapatid mong maliit.”

Nagsimulang umiyak si Tim. Sobra na ang pagod niya. Ayaw na niyang maglakad.

“Kakargahin po ba ninyo ako?” tanong niya kay Inay.

“Kailangan kong kargahin si baby Mia,” sabi ni Inay. “Pero puwede kong hawakan ang kamay mo. Sabay tayong maglalakad.”

Hinawakan ni Inay ang kamay ni Tim. “Kaya mo iyan, Tim. Kaya nating gawin ang mahihirap na bagay.”

Nang mapagod si Tim, itinuro ni Inay ang makukulay na bulaklak. Tumigil sila para uminom ng kaunting tubig.

Pagkatapos ay nag-hike pa sila nang kaunti. “Kaya nating gawin ang mahihirap na bagay,” sabi ni Inay kay Tim. “Ang galing-galing mo.”

Hindi nagtagal ay nakita ni Tim ang kotse. “Tingnan ninyo! Malapit na tayo!”

Nang makabalik sila sa kotse, niyakap nang mahigpit ni Inay si Tim. “Nagawa mo nga!” sabi niya. “Talagang kaya mong gawin ang mahihirap na bagay.”

Ngumiti si Tim. Nakadama siya ng pagmamalaki. Na-hike niya ang kahabaan ng daan!

Kalaunan nang linggong iyon, kinailangang gawin ni Tim ang isa pang mahirap na bagay. Nag-aaral siyang magbisikleta. Kinailangan niyang magpraktis nang magpraktis. Nahulog pa nga siya sa bisikleta.

“Gusto mo bang patuloy na sumubok?” tanong ni Itay.

Naisip ni Tim ang hike. Mahirap din iyon. Pero nagawa niya.

“Opo!” sabi ni Tim. “Kaya kong gawin ang mahihirap na bagay!”

Muling sumakay si Tim sa kanyang bisikleta. Gusto niyang subukang muli!

Page from the February 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit nina Rachael at Philippa Corcutt