2022
Tatay ni Danilo
Pebrero 2022


Tatay ni Danilo

Paano nagagawang balewalain ng kanyang ama ang masasakit na salita nila?

boys at school pointing at the janitor cleaning

Nagmamadaling pumasok si Danilo sa mga pasilyo ng paaralan. Sa unahan niya, nagtatapon ng basura ang tatay niya. Umasa si Danilo na hindi siya makikita ng kanyang ama. Nagyuko siya ng ulo, na sinisikap na makihalo sa iba pang mga estudyante. Nahiya siya na ang tatay niya ang custodian ng paaralan.

“Magandang umaga, anak,” sabi ng tatay niya habang dumadaan si Danilo.

Binilisan ni Danilo ang lakad, na kunwari’y hindi iyon narinig. Pero napansin na iyon ng iba pang mga batang lalaki.

“Oy, Danilo,” sabi ng isang bata. “Hayun ang tatay mo, ang tagawalis sa paaralan! Baka kailangan niya ang tulong mo.”

“Huwag mong maliitin si Danilo,” sabi ng isa pang bata. “Hindi lang pagwawalis ang kayang gawin ni Mr. Santos. Tingnan mo, kaya rin niyang magtapon ng basura!”

Nagtawanan ang lahat ng bata.

Hindi na makapaghintay si Danilo na mapunta sa middle school sa susunod na taon. Siguro matitigil na ang panunukso sa panahong iyon. Lumingon siya. Nakangiting nagtatrabaho ang tatay niya. Paano niya nagagawang balewalain ang masasakit na salita nila?

Tumakbo si Danilo papunta sa auditorium. May pagtitipon sa paaralan para ipahayag ang guro ng taon. Nagreserba ng upuan ang matatalik niyang kaibigang sina Nathaniel at Frances para sa kanya.

“Sino sa palagay ninyo ang pinili ng mga guro?” tanong ni Nathaniel.

“Sana si Miss Ocampo,” sabi ni Frances.

“Mahusay siya talaga,” sabi ni Nathaniel. “Pero si Mr. Torres ang pinakagusto ko. “Sino ang gusto mong manalo, Danilo?”

Nag-isip si Danilo tungkol sa kanyang mga guro. “Gusto ko ang lahat ng guro ko. Mahirap pumili ng isa lang.”

Tumayo ang prinsipal. Nagsisimula na ang pagtitipon!

“Oras na para sabihin kung sino ang guro ng taon,” sabi ng prinsipal. “Sa taong ito, marami tayong mahuhusay na guro. Pero sa huli, medyo naiiba ang napili namin.” Itinaas niya ang plake. “Ang ating guro ng taon ay si Mr. Santos, ang custodian ng ating paaralan!”

Hindi makapaniwala si Danilo! Ang tatay niya, guro ng taon? Pero ni hindi siya isang guro!

Lumakad ang tatay ni Danilo papunta sa harapan ng silid. Nagpalakpakan at nagbunyi ang lahat para sa kanya. Kinamayan siya ng prinsipal. Pagkatapos ay sinabi niya, “Hindi siguro iniisip ng ilan sa inyo na si Mr. Santos ay isang guro. Pero tinuturuan niya tayo araw-araw sa pamamagitan ng kanyang halimbawa. Tuwing umaga, dumarating siya sa paaralan bago dumating ang sinuman. Sa oras ng labasan, madalas ay siya ang huling umaalis. Anumang trabaho ay marangal kung magsisikap kang mabuti at magtatrabaho nang masaya. Ito ang naituro sa atin ni Angelo Santos. Iyan ang dahilan kung bakit si Angelo Santos ang guro ng taon.”

Naisip ni Danilo ang tatay niya na nagtatapon ng mga basura. Alam niya kung gaano kasipag magtrabaho ang kanyang ama. At hindi siya nabahala sa sinasabi ng iba. Siguro matutulungan niya si Danilo na matutuhan kung paano gawin iyon.

Pagkatapos ng pagtitipon, tumayo si Danilo. “Mauna na kayo,” sabi niya sa kanyang mga kaibigan.

Naglakad si Danilo papunta sa harapan ng auditorium. Nakapaligid ang lahat ng tao sa kanyang ama, kinakamayan ito at tinatapik sa likod. Pinasalamatan siya ng bawat isa sa kanila para sa kanyang halimbawa. Naghintay si Danilo sa tabi hanggang sa makaalis na ang lahat ng tao.

Tumingala ang tatay niya matapos tingnan ang kanyang plake at ngumiti.

“Sino ang mag-iisip na posible ito?” tanong ng kanyang ama. “Ako, na custodian ng paaralan.”

“Ipinagmamalaki po kita, Itay.” Nagmamadaling lumapit si Danilo at niyakap ang kanyang ama. Ang kanyang ama. Ang guro ng taon.

boy hugging his dad
Page from the February 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Jimmy Holder