2022
Pagsisisi sa Ginawa sa Elevator
Pebrero 2022


Kaibigan sa Kaibigan

Pagsisisi sa Ginawa sa Elevator

boy in elevator with all the buttons lit up

Noong 11 anyos ako, nakatira ang pamilya ko sa isang 12-palapag na gusali sa Hong Kong. Araw-araw pagkatapos ng pasok sa eskuwela, tumatakbo ako papunta sa gusali at sumasakay sa elevator paakyat sa apartment namin.

Isang araw sumakay ako sa elevator at pinindot ko ang lahat ng button kaya umilaw ang mga ito. Ngayon ay titigil ang elevator sa bawat palapag. Nagsimulang magsara ang mga pinto, pero biglang may isang taong nagpasok ng kamay at nagbukas sa mga pinto. Isa iyon sa mga kapitbahay namin sa itaas ng gusali. Wala siyang sinabi tungkol sa mga button, pero kinabahan ako. Parang ang tagal-tagal makauwi!

Siyempre, tumigil ang elevator sa sumunod na palapag, naghintay, at pagkatapos ay nagpatuloy. Pagkabukas ng pintuan sa aking palapag, nagmadali akong lumabas. Pawisan ako pagdating sa bahay dahil mabilis ang takbo ko!

Hindi nagtagal pag-uwi ko, tumunog ang telepono. Ang kapitbahay namin iyon mula sa elevator. Kabadung-kabado ako habang hinihintay kong ibaba ng nanay ko ang telepono.

Nang ibaba na niya ang telepono, nagtanong ang nanay ko, “Pinindot mo ba ang lahat ng button sa elevator?”

Hindi ako makapagsinungaling sa nanay ko. “Opo,” sabi ko.

Ngumiti ang nanay ko. “OK, halika, pumunta tayo sa itaas at kausapin natin ang kapitbahay natin.”

Magkasama kaming umakyat. Pinindot ko ang doorbell, at binuksan ng kapitbahay ko ang pinto. Nakayuko ako nang magsori ako na pinindot ko ang lahat ng button. Nangako ako na hindi ko na uulitn iyon kailanman.

Mabait ang kapitbahay namin. Sabi niya, “Basta’t hinding-hindi mo na uulitin iyon, palagay ko ayos lang iyon.”

Pagkatapos kong magsori sa kanya, gumanda ang pakiramdam ko. At hindi ko na muling pinindot ang lahat ng button sa elevator kahit kailan.

Natulungan ako ng karanasang ito na matutuhan ang tungkol sa pagsisisi. Alam ko na may ginawa akong mali. Nalungkot ako at humingi ng tawad. At hindi ko na iyon inulit kailanman. Pagkatapos ay masaya na ako! Ang pagsisisi ay maaari ding magdulot sa iyo ng kaligayahan.

Page from the February 2022 Friend Magazine.

Larawang-guhit ni Alyssa Tallent