2022
Pagtulong at ang Espiritu Santo
Pebrero 2022


Pagtulong at ang Espiritu Santo

Madarama mo ang Espiritu Santo bago ka pa man mabinyagan.

a boy helping his dad at a fruit stand

Magkasamang naglakad si Mateo at ang kanyang ama papunta sa tindahan ng prutas ng kanilang pamilya. Sumunod sa kanila ang aso ni Mateo na si Zeus.

“Tinanong po ba ninyo ang bishop tungkol sa binyag ko?” tanong ni Mateo. Walong taong gulang na siya, pero hindi pa siya nabinyagan dahil sa pandemya.

“Sabi niya hindi ka mabibinyagan sa buwang ito,” sabi ni Itay. “Baka sa susunod na buwan.”

“OK po.” Sumimangot si Mateo. Gusto na talaga niyang mabinyagan at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Pero parang hindi ito mangyayari kahit kailan!

Binuksan ni Itay ang tindahan. Tumulong si Mateo na buhatin palabas ang mga kahon ng kahel, lemon, mangga, at saging. Pagkatapos ay tumulong siyang ilagay ang mga iyon sa mga istante.

Patuloy na inisip ni Mateo ang Espiritu Santo habang nagtatrabaho sila. “Ano ang pakiramdam ng nariyan ang Espiritu Santo?” tanong niya.

“Pinapanatag ako ng Espiritu Santo kapag nalulungkot ako,” sabi ni Itay. “At pinagaganda Niya ang pakiramdam ko kapag tinutulungan ko ang isang tao.”

“Hindi na ako makapaghintay na mabinyagan para madama ko rin ang Espiritu Santo!”

“Bago ka pa man mabinyagan at makumpirma, madarama mo na ang Espiritu Santo,” sabi ni Itay. “Maaari mong madama ngayon na inaaliw ka Niya. Tulad ng kapag nagdarasal ka o gumagawa ng kabaitan para sa isang tao. At pagkatapos kang makumpirma, maaaring sumaiyo ang Espiritu Santo sa tuwina.”

Pinag-isipan iyon ni Mateo. Nadama na ba niya ang Espiritu Santo dati?

Hindi nagtagal ay naalis na nila ang mga laman ng mga kahon. “Handa ka bang tulungan ang mga Sosa?” tanong ni Itay.

Tumango si Mateo. Nahihirapang maglakad pareho sina Mr. at Mrs. Sosa. Kaya namalengke si Mateo para sa kanila. Tinulungan din niya silang gawin ang mga gawaing-bahay kung minsan.

boy helping take out trash

Naglakad sina Mateo at Zeus papunta sa bahay ng mga Sosa. Kumaway si Mrs. Sosa mula sa balkon sa harapan. “Magandang umaga!”

“Kailangan po ba ninyo ng mga groseri ngayon?” tanong ni Mateo.

“Oo. Kailangan ko ng tinapay, patatas, at karne ng baka.” Nagbilang si Mrs. Sosa ng ilang barya. “Dapat ay sapat na iyan.”

Kinuha ni Mateo ang pera. Nakakita siya ng isang bag ng basura sa may pintuan. “Puwede ko po bang ilabas na ito para sa inyo?” tanong niya.

“Oo. Salamat!” sabi ni Mrs. Sosa.

Matapos niyang ilabas ang basura, binili ni Mateo ang pagkain. Naisip niya ang lahat ng nagawa niya nang umagang iyon. Tinulungan niya si Itay sa tindahan ng prutas. Tinulungan niya ang mga Sosa na bumili ng pagkain. At talagang maganda ang pakiramdam niya. Nadama niya ang Espiritu Santo tulad ng sabi ni Itay!

Umasa si Mateo na hindi na siya maghihintay nang matagal para mabinyagan. Gusto niyang sumakanya ang Espiritu Santo sa lahat ng oras!

Page from the February 2022 Friend Magazine.

Larawang-guhit ni Carolina Farías