2022
Solo ni Sarah
Pebrero 2022


Solo ni Sarah

Maayos ang lahat … hanggang sa makarating si Sarah sa koro.

girl singing at microphone

“Sarah, gusto mo bang kumanta sa isang programa?” tanong ni Ms. Gardner, ang voice teacher ni Sarah.

“Gustung-gusto ko po!” sabi ni Sarah.

“Makakabuti para sa iyo na kumanta sa harap ng iba,” sabi ni Ms. Gardner, na nagsusulat sa kanyang notebook. “Sa katapusan ng Agosto ang programa, kaya makakapaghanda ka buong summer.”

Sinabi ni Sarah sa kanyang mga magulang ang tungkol sa programa pagkauwi niya. Tinawagan niya ang kanyang lolo’t lola pagkatapos ng hapunan. Masayang-masaya siya!

Sa sumunod na lesson niya, pumili ng dalawang awitin sina Sarah at Ms. Gardner para sa programa. Ang isang awitin ay mula sa opera, at ang isa naman ay mula sa isang musikal na dula. Pagkatapos ay kumilos na si Sarah.

Pinraktis niya ang kanyang mga awitin kasama si Ms. Gardner. At nagpraktis siya sa bahay araw-araw. Hindi nagtagal ay naisaulo na niya ang kanyang mga awitin. Gayunpaman, patuloy siyang nagpraktis.

Sa wakas, sumapit ang araw ng programa. Naghanda si Sarah. Isinuot niya ang kanyang asul na damit. Sinuklay niya ang kanyang buhok. Pagkatapos ay lumuhod siya sa tabi ng kanyang kama at humingi ng tulong sa Ama sa Langit.

Hindi nagtagal ay papunta na sila sa programa. “Natatakot ka ba?” tanong ng kanyang ina.

Umiling si Sarah. “Alam na alam ko na po ang mga kakantahin ko at kaya kong kantahin nang paatras ang mga ito!”

Ngumiti si Inay. “Nagpraktis ka talaga nang todo nitong summer.”

Pagdating nila sa programa, umupo si Sarah sa tabi ng kanyang mga magulang at lolo’t lola. Ang kaibigan niyang si Megan ang unang kumanta. Si Evan ang sumunod na kumanta. Pumalakpak si Sarah at ang iba pang mga manonood pagkatapos ng bawat awitin.

Nang si Sarah na ang kakanta, huminga siya nang malalim at nagpunta sa mikropono. Napakagaling ng pagkanta niya sa unang awitin. Ngumiti sa kanya si Ms. Gardner. Pagkatapos ay sinimulan ni Sarah ang pangalawang awitin.

Maayos ang lahat hanggang sa makarating siya sa koro. At nangyari iyon. Nalimutan niya ang mga titik! Lubos na nablangko ang isipan niya. Kinakabahang tumingin siya sa mga manonood at sumenyas sa piyanista na tumigil.

girl at microphone looking nervous

“Sori po,” sabi ni Sarah. “Gusto ko pong umulit sa simula.”

Medyo pawisan ang mga kamay niya. Naramdaman niya na kumakabog ang puso niya sa kanyang dibdib. Muli siyang huminga nang malalim, tumango sa piyanista, at nagsimulang muli.

Sa pagkakataong ito, naalala niya ang lahat ng titik. Nagpalakpakan ang mga manonood nang matapos siya. Ngumiti si Sarah, pero nahiya siya.

Pagkatapos ng programa, nakita ni Sarah ang kanyang guro.

“Sori po, Ms. Gardner,” sabi niya. “Nagkamali ako talaga.”

“Hindi naman, Sarah,” sabi ng kanyang guro. “Nalimutan mo lang ang mga titik. Maaari itong mangyari kahit kanino. Ang mahalaga, nagpatuloy ka.”

“Tama,” sabi ni Lola, na sumali sa usapan nila. “Ipinagmamalaki ka namin.”

Nang gabing iyon, nag-isip si Sarah tungkol sa programa. Masama pa rin ang loob niya na nagkamali siya. Pero tama si Ms. Gardner. Nagpatuloy nga si Sarah. Maipagmamalaki niya iyon.

Parang katulad ito ng pagsisisi, naisip niya.

“Inay!” pagtawag ni Sarah, habang tumatakbo papunta sa kuwarto ng kanyang mga magulang. “Naisip ko po na ang programa ay parang buhay.”

“Paano nagkaganoon, mahal ko?” tanong ni Inay. Sumalampak si Sarah sa kama sa tabi ni Inay.

“Nagkamali po ako sa solo ko, pero inayos ko iyon at nagpatuloy ako. Sa buhay, kapag nagkamali ako ng pasiya, maaari kong ayusin iyon sa pamamagitan ng pagsisisi. Pagkatapos ay maaari akong magpatuloy at magpakahusay pa.”

“Alam mo, parang magandang tema iyan para sa home evening,” sabi ni Inay. “Gusto mo bang ikaw ang magbigay ng lesson?”

“Sige po!” sabi ni Sarah. Hindi siya makapaghintay na ibahagi ang natutuhan niya.

Page from the February 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Alyssa Tallent