Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Tatlong-Taon ng Paghihintay ni Carol
Pinangarap ni Carol na mabinyagan siya.
Ding-dong! Tumunog ang doorbell. Tumakbo si Carol at ang kapatid niyang si Jacqui papunta sa pinto. “Inay!” sabi ni Carol. “Narito po si Dee. “Pupunta na po kami sa simbahan!”
“Enjoy,” sabi ni Inay.
Binuksan ni Carol ang pinto. “Hi, Dee,” sabi niya. “Tara na!”
Naglakad sina Carol, Jacqui, at Dee papunta sa sakayan ng bus. Sabik silang bumisita sa isang bagong simbahan. Nabasa na nila ang tungkol dito sa isang magasin. Inanyayahan nila ang ilang kaibigan na sumama rin sa kanila.
Dumating na ang matingkad na pulang bus. Sumakay na ang mga bata. Sa London, bus ang sinasakyan ni Carol at ng kanyang mga kaibigan halos kahit saan sila magpunta.
Pagtigil ng bus habang nasa daan, mas marami pang kaibigan ang sumakay. Sina Vanessa, Sheila, at Angela—sasama silang lahat!
Tumigil ang bus sa harap ng isang community center. Dito idinaraos ang mga miting ng simbahan noon. Nang pumasok si Carol sa pintuan, may nadama siyang espesyal dito.
Nakinig si Carol sa mga awitin, mga dasal, at mga mensahe. Nakapunta na siya sa ibang mga simbahan dati. Pero iba ang pakiramdam sa simbahang ito.
Nang matapos na ang pagsisimba, sumakay ng bus ang mga batang babae pauwi. “Gusto mo bang pumunta ulit sa susunod na linggo?” tanong ni Dee.
Ngumiti si Carol. “Iyon ang iniisip ko!”
Pabalik-balik na nagsimba ang mga batang babae. Napakabait ng mga tao roon. Palaging may nagsasabi na umupo sila sa kanilang tabi. At kapag may mga aktibidad noon sa buong linggo, lagi silang inaanyayahan. Pakiramdam ni Carol ay bahagi siya ng isang malaking pamilya sa simbahan.
Nang makilala ni Carol ang mga missionary, gusto na niyang magpabinyag. Ganoon din si Jacqui. Pero hindi pumayag ang mga magulang ni Carol. Inisip nila na wala pa sa hustong edad ang mga bata para magdesisyon na magpabinyag.
Karamihan sa mga kaibigan ni Carol ay hindi rin pinayagang magpabinyag. Pero tuwing Linggo, sumasakay silang lahat ng bus papunta sa simbahan. Nalungkot si Carol na hindi makakasama ang iba pa niyang kapamilya. Pero alam niyang mahalagang magpunta.
Lumipas ang tatlong taon. Gusto pa ring magpabinyag ni Carol. Gusto niyang umahon mula sa tubig, na malinis at dalisay. At alam niya na malaki ang maitutulong ng kaloob na Espiritu Santo sa kanya!
“Inay,” sabi ni Carol isang araw, “puwede po ba akong magpabinyag?”
Tumahimik sandali ang kanyang Inay. “Nakita kong nagbago ka mula nang magsimba ka,” sabi nito. “Nakikita ko kung gaano mo sinisikap na gumawa ng mabubuting pagpili bawat araw. Kung payag ang tatay mo, ako rin.”
Sa wakas ay nabinyagan na sina Carol at Jacqui. Nang ipatong ng mga missionary ang kanilang mga kamay sa ulo ni Carol para ikumpirma siya, pakiramdam niya ay malinis at malakas siya. Masaya siya na nakagawa siya ng mga pangako sa Diyos. At ngayon opisyal na miyembro na siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!
Niyakap ni Carol si Jacqui habang hinihintay nila ang bus na sasakyan nila pauwi. Sila ang mga unang miyembro ng Simbahan sa kanilang pamilya. Sila ay mga pioneer! At isang pagpapala iyon na hindi kailanman babalewalain ni Carol.
Ang England ay isang bansa sa kanlurang Europa. Bahagi ito ng United Kingdom.
Ang England ay may dalawang templo.
Mahigit 8,500 ang mga bus sa London, ang kabiserang lungsod ng England.
Si Carol ay 11 taong gulang nang una siyang nagsimba.
Kalaunan ay nabinyagan din si Dee. Matalik na magkaibigan pa rin ngayon sina Carol at Dee!
Si Carol ay naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Young Women general advisory council.