Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Lulubog o Lulutang?
Para sa Genesis 6–11; Moises 8
Kuwento: Sinabi ng Diyos sa propetang si Noe na bumuo ng isang malaking barko na tinatawag na arka. Nang magkaroon ng malaking baha, nanatili si Noe, ang kanyang pamilya, at ang mga hayop sa arka habang nakalutang ito sa tubig, at naging ligtas sila. Ngayon, maaari tayong manatiling ligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa propeta.
Awitin: Ikatlong taludtod ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59)
Aktibidad: Punuin ng tubig ang isang mangkok. Maghalinhinan sa paglalagay ng mga dahon, bato, at iba pang mga bagay na hindi tinatagusan ng tubig. Lumulutang ba ang mga ito o lumulubog? Tuwing may isang bagay na nakalutang, magsabi ng isang bagay na magagawa mo para masunod ang propeta.
Mabubuting Kalasag
Para sa Genesis 12–17; Abraham 1–2
Kuwento: Sinabi ng Diyos sa propetang si Abraham, “Huwag matakot … Ako ang iyong kalasag” (Genesis 15:1). Sinabi niya kay Abraham na tutulungan at poprotektahan Niya siya.
Awitin: “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 72)
Aktibidad: Magdrowing o gumawa ng isang kalasag. Isulat sa iyong kalasag ang mga paraan na masusunod mo ang Diyos.
Sumusunod sa mga Kautusan
Para sa Genesis 18–23
Kuwento: Binibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan upang tulungan tayo at panatilihin tayong ligtas. Sinabi ng mga anghel sa lalaking nagngangalang Lot na lisanin ang kanyang tahanan na nasa isang masamang lungsod. Dahil nakinig at sumunod si Lot, nanatili siyang ligtas.
Awitin: “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69).
Aktibidad: Ngayon ay maglaro! Maghalinhinan sa pagiging lider. Sinasabihan ng lider ang iba na gumawa ng mga galaw, tulad ng “tumalon-talon” o “tumakbo nang pabilog.” Susundan sila ng lahat ng iba pa. Paano makakatulong sa inyo ang pagsunod sa mga kautusan?
Kabaitan sa Sampung Kamelyo
Para sa Genesis 24–27.
Kuwento: Tinulungan ni Rebeca ang alipin ni Abraham sa pagdadala ng tubig para sa kanyang 10 kamelyo (tingnan sa Genesis 24:10–20). Nagpasalamat ang alipin ni Abraham sa kanyang kabaitan.
Awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41)
Aktibidad: Maaari kayong maglingkod na tulad ni Rebeca! Magdrowing ng 10 kamelyo (tingnan sa pahina 12 para malaman kung paano). Isabit ang mga ito kung saan makikita ng inyong pamilya ang mga ito. Tuwing may ginagawa kang kabaitan para sa isang tao, kulayan ang isang kamelyo.