“Pagkakaroon ng Paggalang,” Kaibigan, Setyembre 2023, 4–5.
Pagkakaroon ng Paggalang
“Huwag mo namang sabihin iyan,” sabi ni Noah.
Ang kuwentong ito ay naganap sa Australia.
Tinulungan ni Noah ang kapatid niyang si Claire na maglagay ng mabalahibong kumot sa mga silya.
“Dito ba natin ilalagay ang isang ito?” tanong niya. Itinaas niya ang asul na kumot na may nakadrowing na mga balyena.
“Oo! At puwede nating gawin itong pintuan.” Itinuro ni Claire ang isang panig ng kuta.
“Oras na para pumasok sa paaralan!” pagtawag ni Inay.
Tumingin si Noah sa ate niya. “Puwede siguro nating tapusin ang ating kuta paglabas ng paaralan?”
“At puwede nating tanungin sina Inay at Itay kung maaari tayong maglaro sa loob nito,” sabi ni Claire.
Ngumiti at tumango si Noah. Natuwa siyang makapagtayo ng mga kuta at makipaglaro sa ate niya!
Sa araw na iyon sa recess, nakipaglaro si Noah sa mga kaibigan niyang sina Ty at Mark.
“Lumuksu-lukso tayo sa isang paa,” sabi ni Ty.
“OK,” sabi ni Noah. “Tingnan natin kung sino ang pinakamatagal na makakalukso!”
Nagsimulang lumukso ang mga bata. Natawa si Noah nang bumangga siya kay Mark.
Maya-maya, dumaan si Claire kasama ang ilang batang babaeng kaklase niya.
“Hi,” sabi ni Claire, na kumakaway.
“Naku. Parating na ang mga babae! Ayaw naming makipaglaro sa kanila,” sabi ni Ty. Pagkatapos ay binansagan niya si Claire at ang mga kaibigan nito ng masagwang pangalan.
Hindi nagustuhan ni Noah ang naramdaman niya sa mga salita. Hindi magandang bansagan ang mga tao ng masagwang pangalan.
Minasdan niya si Claire at ang mga kaibigan nito na balewalain si Ty at lumakad palayo.
Naisip ni Noah na dapat siyang manindigan para kay Claire, kahit hindi nito talaga kinailangang ipagawa iyon sa kanya. Kapatid niya ito, at mahal niya.
Huminga nang malalim si Noah. “Huwag mo namang sabihin iyan,” sabi niya kay Ty. “Ayaw niyang sinasabi mo iyan. At ayaw ko rin.”
“OK. Sige,” sabi ni Ty sabay kibit ng balikat.
Bumuntong-hininga si Noah. Gumanda na ang pakiramdam niya ngayon.
Nang gabing iyon, naglaro sina Noah at Claire sa kanilang kuta kasama sina Inay at Itay.
“Kumusta ang klase ngayon?” tanong ni Itay habang naglalagay ng isang baraha sa tumpok.
“Kanina pong recess, binansagan ni Ty si Claire ng masagwang pangalan,” sabi ni Noah. “Pinatigil ko po siya.”
Tumingala si Claire mula sa kanyang mga baraha. “Totoo?” tanong nito.
Tumango si Noah. “Oo. Alam kong hindi maganda o totoo ang sinabi niya.”
Ngumiti sina Inay, Itay, at Claire.
“Salamat,” sabi ni Claire.
“Natutuwa ako’t nagpakita ka ng paggalang sa ate mo,” sabi ni Inay.
“Tama, ang tapang-tapang mo,” sabi ni Itay. “Mahalagang magpakita ng paggalang sa bawat isa. Kahit kailangan nating manindigan sa ating mga kaibigan.”
Gumanti ng ngiti si Noah. Maganda ang pakiramdam niya dahil alam niya na tama ang nagawa niya.