“Pagkanta sa Araw ng Linggo,” Kaibigan, Setyembre 2023, 20–21.
Pagkanta sa Araw ng Linggo
Hindi naman ganoon kasama kung minsan lang hindi makasimba si Alejandra, hindi ba?
Ang kuwentong ito ay naganap sa Guatemala.
Nakahinga nang maluwag si Alejandra. Katatapos lang niyang kantahin ang kanyang solo sa music room para sa kanyang guro. Sulit ang maraming linggong pagpapraktis niya! Ni hindi man lang siya nahirapan sa kumplikadong bahagi.
“Napakaganda ng boses.” Tumayo si Ms. Pérez, ang guro sa musika sa paaralan, at pumalakpak. “Makakausad ka sa susunod na round sa talent contest.”
Tuwang-tuwa si Alejandra! Sa contest na ito, kakanta, sasayaw, o tutugtog ng isang instrumento ang mga estudyante mula sa iba-ibang paaralan para magpaligsahan at manalo ng mga premyo. Si Ms. Pérez ang hahatol kung sino ang mananatili sa contest. At nakapasa na ngayon si Alejandra para sa susunod na round!
“Kailangan mong pumasa sa dalawa pang round ng audition,” sabi ni Ms. Pérez. “Kapag nagawa mo iyan, makakapasok ka sa final contest. Araw ng Linggo iyon kalaunan sa buwang ito.”
Naglaho ang tuwa ni Alejandra na simbilis ng pagdating nito. Pakiramdam niya ay may mabigat sa tiyan niya.
Alam niya na ang Linggo ay araw para magsimba at mag-aral tungkol kay Jesucristo. Araw iyon para tumanggap ng sakramento. Araw iyon para magpahinga at makasama ang pamilya.
“Linggo po?” tanong niya. “Hindi ko po alam kung puwede ako.”
“Kung hindi ka makakarating doon sa huling araw, hindi ka makakasali sa contest. Alam kong magaling ka kung sasali ka, pero ikaw ang magpasiya. Pag-isipan mo ito sa katapusan ng linggo at sabihan mo ako sa Lunes.”
Kinabukasan, patuloy na pinag-isipan ni Alejandra kung ano ang gagawin. Lagi silang nagsisimba ng pamilya niya sa araw ng Linggo. Pero kailangan ba niya talagang magsimba linggu-linggo? Hindi naman ganoon kasama kung minsan lang siya hindi makasimba, hindi ba?
Sa oras ng pagtulog, tinanong niya si Papá kung ano ang dapat niyang gawin. “Dapat po ba akong kumanta sa contest o magsimba?” tanong niya.
“Ang Sabbath ay araw na ibinibigay natin sa Diyos.” Kinumutan siya ni Papá hanggang baba niya at naupo sa tabi niya sa kama. “May anim na araw tayo para sa ating sarili. Isang araw lang ang hinihingi ng Diyos. Pero hindi ako maaaring magpasiya para sa iyo.”
Kinabukasan sa simbahan, kinanta ni Alejandra at ng lahat ng kaibigan niya sa Primary ang “Panalangin ng Isang Bata” sa harap ng buong ward. Matagal na nilang pinapraktis ang kantang ito!
Buong pusong kumanta si Alejandra. Nalimutan niya ang mahirap na desisyong kailangan niyang gawin kinabukasan dahil sa kanta. Pagkatapos nilang kumanta, buong-pagmamalaki siyang umupong muli katabi ng kanyang pamilya.
Niyakap siya ni Mamá. “Ang ganda ng pagkanta mo!”
“Ipinagmamalaki ka namin,” sabi ni Papá. “Ang pagbabahagi ng iyong talento ay nagpakita ng patotoo at pananampalataya mo sa Diyos.”
Masaya si Alejandra na gamitin ang kanyang mga talento sa pagkanta ng mga awitin sa Primary. Alam niya na nagpasaya rin iyon sa kanyang pamilya.
Pagkatapos ay may naisip si Alejandra. Kung ngayong araw ang contest, hindi sana siya nagkaroon ng pagkakataong kumanta tungkol sa Ama sa Langit. Ano ang hindi niya magagawa kung hindi siya nagsimba sa araw ng contest? Hindi niya magagawang kantahin ang kanyang patotoo sa Primary na kasama ang kanyang mga kaibigan. At hindi siya makakatanggap ng sakramento.
Pagsapit ng Lunes, alam na ni Alejandra kung ano ang gagawin niya. Nagpunta siya sa music room para kausapin ang kanyang guro.
“Salamat po sa oportunidad,” sabi niya. “Pero ayaw ko pong sumali sa talent contest kung kailangan kong gawin iyon sa araw ng Linggo.”
Inilapag ni Ms. Pérez ang sheet music na tinitingnan niya at sumimangot. “Sigurado ka ba na ayaw mong sumali sa contest?”
“Opo, sigurado po ako.” Ipinagmalaki ni Alejandra ang kanyang desisyon. Mahirap iyong gawin, pero alam niya na iyon ang tamang pasiya. “Hindi ko magagawa ang isang bagay na mas mahalaga kung pupunta ako.”