2023
Ang Pagkakamali sa Paggawa ng Cake
Setyembre 2023


“Ang Pagkakamali sa Paggawa ng Cake,” Kaibigan, Setyembre 2023, 10–11.

Ang Pagkakamali sa Paggawa ng Cake

Gusto ni Shiloh na maging perpekto ang kanyang cake.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Scotland.

Alt text

Natapos nang kulayan ni Shiloh ang kanyang drowing at inilagay ang krayola niya sa ibabaw ng kanyang mesa. “Hayan!”

“Ano iyan?” tanong ng kaibigan niyang si Lacey.

“Ito ang cake na gagawin ko para sa school contest.” Itinaas ni Shiloh ang larawan para makita ni Lacey.

“Ang ganda talaga!” sabi ni Lacey.

“Salamat!” ngumiti si Shiloh. Magiging perpekto ang cake niya. Planado na niyang lahat iyon. Magkakaroon ng apat na patong ang cake. Asul ang dalawang patong, at pula naman ang dalawa pa—kapareho ng mga kulay ng watawat ng United Kingdom. Lalagyan niya ng puting frosting ang pagitan ng bawat patong. Sa huli, ilalagay niya sa ibabaw ang pinakamasarap niyang cookies na gawang-bahay! Sigurado siyang mangunguna siya.

“Ano ang lulutuin mo?” tanong ni Shiloh.

“Hindi ko pa sigurado,” sabi ni Lacey. “Cake din siguro.”

“Sabik na akong makita ang gagawin mo,” sabi ni Shiloh.

Pagkauwing-pagkauwi niya, handa nang mag-bake si Shiloh. Inilagay niya ang drowing ng cake niya sa counter para makita niya iyon habang nagluluto siya.

Sinukat na maigi ni Shiloh ang lahat ng sangkap. Pinaghalu-halo niya ang mga iyon at ibinuhos ang batter sa cake pan. Pagkatapos ay inilagay niya ang pan sa oven para i-bake ang unang patong ng cake.

Nang tumunog ang timer, inilabas ni Shiloh ang cake mula sa oven. Sinikap niyang tanggalin ang cake sa pan. Pero nang ibaligtad niya iyon, nakadikit ang kalahati ng cake sa ilalim!

“Naku!” sigaw ni Shiloh. Ipinakita niya kay Inay ang nasirang cake. “Nasira po ang cake ko!”

Tinapik ni Inay si Shiloh sa likod. “OK lang iyan. Kaya nating ayusin ito.”

Tinulungan ni Inay si Shiloh na ilabas ang natitirang bahagi ng cake. Maingat nilang pinagdikit-dikit ang putul-putol na mga piraso.

“Hayan,” sabi ni Inay. “Ni hindi mo masasabing nasira siya.”

Medyo gumaan ang pakiramdam ni Shiloh. Maaari pa rin niyang pagmukhaing perpekto ang natitirang bahagi ng cake. Sinimulan niyang gawin ang kasunod na patong. Sa pagkakataong ito, hinayaan ni Shiloh na lumamig ang cake bago tanggalin iyon sa pan. Hindi iyon nasira!

Nang magawa na ang lahat ng patong ng cake, pinagpatung-patong ni Shiloh ang mga iyon. Nilagyan niya ng frosting ang pagitan ng bawat patong. Pagkatapos ay maingat niyang inilagay ang ilang cookies na gawang-bahay sa pinakaibabaw ng cake. Tapos na!

Pero sumimangot si Shiloh. Hindi kamukha ng drowing niya ang cake. Tumutulo ang frosting, hindi pantay-pantay ang mga patong, at nakapaling ang buong cake sa isang panig. Ang pangit! Nagsimulang umiyak si Shiloh.

Alt text

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Inay.

“Gusto ko pong magmukhang perpekto ang cake! Nasira nang lahat ngayon!” Pinahid ni Shiloh ang luha mula sa kanyang mukha.

Niyakap ni Inay si Shiloh. “Sa tingin ko maganda ang cake mo. At pihado kong mas masarap pa ang lasa niyan!”

Umiling si Shiloh. “Dapat po itapon ko na lang ito. Huling puwesto na ngayon ang makukuha ko!”

“Makakatulong ba kung magdarasal ako?” tanong ni Inay.

Tumango si Shiloh.

“Mahal na Ama sa Langit,” sabi ni Inay, “maraming salamat po kay Shiloh at sa lahat ng pagsisikap niyang gawin ang cake na ito. Tulungan Mo po sana siyang maging masaya sa nagawa niya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Mas kumalma si Shiloh. Minasdan niyang muli ang cake niya. Siguro hindi ito kamukha ng nasa drowing niya, pero mukhang OK pa rin ito. At nasiyahan siyang gawin iyon.

Kinabukasan sa paaralan, luminga-linga si Shiloh sa lahat ng iba pang panghimagas na nagawa ng mga bata. Hindi niya inisip na mananalo siya. Ang gaganda ng iba pang mga cake.

Pero nang ipahayag ang mga nanalo, nakuha ni Shiloh ang pangalawang gantimpala! At si Lacey ang nakakuha ng unang gantimpala!

Tumakbo si Lacey kay Shiloh at niyakap siya. “Pareho tayong nanalo!”

Ngumiti si Shiloh. Kahit hindi siya nanalo, natutuwa siya dahil patuloy siyang nagsumikap.

Alt text

Mga larawang-guhit ni Maryssa Dennis