2023
Ang Panauhin sa Hapunan
Setyembre 2023


“Ang Panauhin sa Hapunan,” Kaibigan, Setyembre 2023, 12–13.

Ang Panauhin sa Hapunan

Nasabik si Johne na pag-aralan ang isa pang Apostol.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Guam.

alt text here

Minasdan ni Johne ang kanyang ina-inahan na maghain sa mesa. Idinikit nito ang isang larawan ni Elder Dieter F. Uchtdorf sa isang ekstrang upuan, kasama ang isang cartoon na larawan ng isang eroplano.

“Kakain na!” pagtawag ni Inay.

Mabilis na tumayo ang kinakapatid ni Johne na si Lydia mula sa sopa. “Gutom na gutom na ako!”

“Ako rin,” sabi ni Johne.

Itinulak ni Inay ang wheelchair ni Johne papunta sa mesa at naupo sa tabi niya. Naupo rin sina Itay at Lydia sa harap ng mesa. Gustung-gusto ni Johne kapag nasa bahay silang lahat para maghapunan.

Binasbasan ni Itay ang pagkain, at ipinasa ni Inay ang manok at kanin. “Pag-aaralan natin ngayong gabi ang isa sa mga Apostol,” sabi ni Inay. Itinuro niya ang larawang nasa upuan. “Alam ba ninyo kung sino siya?”

“Si Elder Uchtdorf po iyan,” sabi ni Johne.

Tumango si Itay. “Siya ang pinili kong maging panauhin natin ngayong gabi.”

“Puwede po bang ako ang pumili bukas?” tanong ni Lydia.

“Sige,” sabi ni Inay.

Nasabik si Johne na mag-aral tungkol kay Elder Uchtdorf. Dalawang linggo na lang at pangkalahatang kumperensya na, at may magandang tradisyon ang foster family ni Johne para paghandaan iyon. Tuwing gabi, pumipili sila ng isang Apostol na pag-aaralan. Nagdikit si Inay ng isang larawan ng Apostol sa isang silya. Pagkatapos ay ikinuwento niya sa pamilya ang mga detalye tungkol dito at tungkol sa kabataan nito.

“Ano ang alam ninyo tungkol kay Elder Uchtdorf?” tanong ni Itay.

“Ay, ako po!” sabi ni Lydia. “Nagpalipad siya ng mga eroplano!” Itinuro niya ang larawan ng eroplano na nasa silya.

“Tama,” sabi ni Inay. “Bago siya tinawag na Apostol, isa siyang piloto sa Germany.”

Ikinampay-kampay ni Johne ang kanyang kamay at ginaya ang ingay ng eroplano. “Fwoosh!”

“Bata pa si Elder Uchtdorf nang sumapi sa Simbahan,” sabi ni Itay. “Katulad mo, Johne.”

Tiningnan ni Johne ang larawan. Mahirap wariin si Elder Uchtdorf noong bata pa itong katulad niya!

“At nagkaroon siya ng espesyal na trabaho sa simbahan tuwing Linggo,” sabi ni Inay. “Kinailangang bombahan ng hangin ang organo para gumana ito. Sa mga oras ng pagkanta, tumulong siyang bombahan ng hangin ang organo para matugtog ang mga himno.”

“Sigurado kong mahirap ang trabahong iyon,” sabi ni Itay. “Pero mahilig siya sa musika. Ang paborito niyang kanta ay ‘Isang Sinag ng Araw.’”

Ngumiti si Lydia. “Iyan din po ang paborito kong kanta!”

“Katulad na katulad natin si Elder Uchtdorf,” sabi ni Inay. “At sa loob lang ng ilang linggo, maririnig natin siyang magsalita sa buong Simbahan. Magbabahagi siya ng isang mensahe na nais ni Jesucristo na marinig nating lahat!”

Pagkatapos maghapunan, tinanggal ni Inay ang larawan sa silya. Idinikit niya iyon sa dingding sa tabi ng mga larawan ng iba pang mga Apostol. Hahayaan nila roon ang mga larawan hanggang sa sumapit ang pangkalahatang kumperensya para tulungan silang makilala ang mga tagapagsalita.

Tinulungan ni Johne si Itay sa paghuhugas ng mga pinggan. Hinugasan ni Itay ang mga iyon, at pinunasan ni Johne ng tuyong tuwalya ang mga iyon. Habang nagtatrabaho siya, nginitian niya ang mga larawan sa dingding.

Gustung-gustong mag-aral ni Johne tungkol sa mga Apostol! Hindi siya makapaghintay na marinig sila sa kumperensya.

alt text here

Larawang-guhit ni Brooke Smart