2023
Isang Di-Inaasahang Solusyon
Setyembre 2023


“Isang Di-Inaasahang Solusyon,” Kaibigan, Setyembre 2023, 40–41.

Isang Di-Inaasahang Solusyon

Puwede ba talagang gumana ang ideya ni Itay?

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Alt text

Tumunog ang bell habang isinusulat ni Mr. Nickel sa pisara ang kanilang lingguhang math homework. Napakaraming math problem na sasagutan! Matatagalan ito bago matapos.

“Ipasa ninyo sa Biyernes ang homework ninyo,” sabi ni Mr. Nickels. “Walang magdadahilan.”

Nagdaingan ang lahat. Isiniksik ni Derek ang math book niya sa punung-puno nang backpack niya.

Ibang-iba ang bagong paaralan ni Derek kaysa sa dati niyang paaralan. Ngayong nasa ikaanim na baitang na siya, nag-aral na siya sa mas malaking paaralan, na may mas maraming estudyante. Mas mahirap ang mga klase, at mas marami rin siyang homework.

Pero ang ipinag-alala ni Derek higit sa lahat ay ang iba pang mga bata. Parang napakasalbahe ng ilan sa kanila! Ayaw niyang magalit sa kanya ang sinuman.

Isinabit ni Derek ang backpack niya sa kanyang balikat at pumasok sa bulwagan. Naglipana ang mga bata sa lahat ng dako. Nanatili siyang nakatingin sa ibaba at sinikap niyang dumaan sa pagitan nila nang walang nabubunggo. Kung minsa’y parang magagalit na sila kapag tiningnan lang sila.

Alt text

“Kumusta ang paaralan ngayon?” tanong ni Itay noong gabing iyon. “Mas okay ba?”

“Hindi naman po,” sabi ni Derek.

Ibinaba ni Itay ang binabasa niyang aklat. “Alam mo ba kung paano mo sinabi sa akin na kung minsa’y nag-aalala ka na baka may magalit sa iyo sa paaralan nang walang dahilan?”

Tumango si Derek habang nakatitig sa homework niya.

“May naisip ako,” sabi ni Itay. “Subukan mong ngitian sila.”

Ano po? Hindi iyon ang inaasahan ni Derek. “Hindi ko po alam,” sabi niya. “Parang kakatwa iyon.”

“Walang masyadong kakatwa sa pagngiti,” sabi ni Inay.

Tumango si Itay. “Hindi masamang sumubok. Magtaas ka ng ulo at subukan mong ngitian ang sinumang makita mo. Medyo mahirap magalit nang dahil sa pagngiti.”

Pinag-isipan ni Derek ang ideya ni Itay. Ipinagdasal niya ito bago matulog, at nakadama siya ng kapayapaan. OK. Susubukan niya iyon.

Kinaumagahan, umibis ng bus si Derek. Isang pulutong ng mga bata ang nagsiksikang pumasok sa pintuan sa harapan ng paaralan. Pumasok si Derek na nakayuko, na parang normal.

Pero naalala ni Derek ang ideya ni Itay. Ngiti lang, naisip niya.

Alt text

Matapos huminga nang malalim, nagtaas ng ulo si Derek. Isang batang lalaking mas matanda sa kanya ang naglalakad palapit sa kanya. Mas mataas yata siya ng isang grado kay Derek. Baka dalawa. May suot itong sports jersey at malaki at mabilis ang mga hakbang.

Muntik nang tumingin sa malayo si Derek. Ito mismo ang klase ng bata na inakala niyang maaaring itulak siya sa daan nang walang babala. Pero nangako siyang susubukan niya.

Kaya ngumiti siya.

Medyo nagliwanag ang mukha ng kasalubong niyang bata. Nang makalampas ito, tumigil sandali si Derek sa paglakad. Hindi na siya masyadong kabado ngayon!

Ngumiti si Derek sa mas maraming tao papunta sa klase. Halos lahat sila ay gumanti ng ngiti! Tama si Itay. Walang nagagalit sa ngiti.

Habang naglalakad siya papasok sa klase, naisip ni Derek na hindi naman pala gaanong nakakatakot sa middle school. Marami pa ring dapat matutuhan, at may mga ipinag-aalala pa rin siya. Pero nakatulong ang pagngiti. Makakatulong siguro ang kanyang ngiti sa ibang tao para gumaan din ang pakiramdam.

alt text here

Mga larawang-guhit ni Daniel Duncan