“Paglilingkod sa Storehouse,” Kaibigan, Hunyo 2024, 4–5.
Paglilingkod sa Storehouse
“Nagtutulungan ang lahat ng miyembro ng Simbahan, kaya walang sinuman sa atin ang nagugutom.”
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Sumakay sa kotse si Dominic at ikinabit ang kanyang seat belt. “Saan po tayo pupunta?” tanong niya kay Inay.
“Maglilingkod tayo sa isang tao,” sabi ni Inay. “Kailangan ng tulong ng isang pamilya para makakuha ng kaunting pagkain.”
Nagpunta sila sa isang malaking gusaling kulay-abo. Noon lang nakapunta roon si Dominic.
“Ano pong lugar ito?” tanong niya. “Akala ko po pupunta tayo sa tindahan para kumuha ng pagkain.”
Isinara ni Inay ang pinto ng kotse. “Ang tawag dito ay bishops’ storehouse. Parang tindahan ito ng grocery, kaya lang hindi mo kailangang bayaran ang pagkain dito.”
Nanlaki ang mga mata ni Dominic. “Libre po lahat?”
“Parang gan’on na nga,” sabi ni Inay. “Kapag nag-aayuno tayo, maaari tayong magbayad ng handog-ayuno, tulad ng pagbabayad natin ng ikapu. Nakakatulong ang perang iyon sa pagbili ng pagkaing pumapasok sa storehouse na ito. Pagkatapos kapag may miyembro ng simbahan na walang sapat na pera, maaari siyang humingi ng tulong sa bishop at magpunta rito para makuha ang kailangan niya. Sa mga lugar na walang storehouse, may iba pang mga paraan ang bishop para makatulong.”
Lumapit si Dominic sa pintuan na kasama si Inay. “Wala pong sapat na pera ang pamilyang tinutulungan natin ngayon para makabili ng pagkain?”
“Wala sa ngayon,” sabi ni Inay. “Pero iyon ang dahilan kaya tayo tumutulong! Nagtutulungan ang lahat ng miyembro ng Simbahan, kaya walang sinuman sa atin ang nagugutom.”
Tumango si Dominic. “Natutuwa po ako na makakakuha sila ng pagkain.“
“Ako rin. Tara na! Ipapakita ko sa iyo kung paano ito gumagana.”
Pumasok sina Dominic at Inay sa storehouse. Nakahanay roon ang mga istanteng may iba’t ibang bagay sa ibabaw, na parang tindahan.
Inilabas ni Inay ang isang papel mula sa bag niya. “Ang tawag dito ay ‘food order.’ Listahan ito ng mga bagay na kailangan ng pamilya. Nagtulungan ang ating bishop at Relief Society President para tulungan silang gumawa ng listahan.”
“Lagi ka ring gumagamit ng listahan kapag namimili ka, Inay!” sabi ni Dominic.
“Tama ‘yan! Sisiguraduhin nating makuha ang lahat ng nasa listahan para makuha ng pamilya ang kailangan nila.”
Kumuha ng shopping cart si Inay. Pagkatapos ay tinulungan sila ng isang boluntaryo na mahanap ang mga nasa listahan. Si Dominic ang nagtulak sa cart habang inilalagay ni Inay ang mga bagay-bagay roon.
“OK, palagay ko’y tapos na tayo!” Muling tiningnan ni Inay ang listahan. “Siguraduhin natin na nasa atin na ang lahat. Nakakuha ba tayo ng saging?”
“Opo!” sabi ni Dominic.
“Tinapay!”
“Opo!”
Nang matapos sila, tinulungan sila ng boluntaryo na ilagay ang pagkain sa kotse nila. Kumaway na si Dominic para magpaalam.
“Ano ang pakiramdam mo?” tanong ni Inay habang sakay sila ng kotse pauwi.
“Ayos po!” sabi ni Dominic. “Pero … hindi rin po ayos.”
Mukhang nagulat si Inay. “Bakit hindi ayos ang pakiramdam mo?”
“Kasi po ginutom ako nang makita ko ang lahat ng pagkaing iyon! Puwede po ba tayong kumain ng pananghalian pag-uwi natin?”
Ngumiti si Inay. “Oo naman! Kailangan din ng pagkain ng isang masipag na manggagawang katulad mo.”
Gumanti ng ngiti si Dominic. Gumanda ang pakiramdam niya sa pagtulong sa isang tao ngayon.