Kaibigan
Mga Pagpapala ay Bilangin
Hunyo 2024


“Mga Pagpapala ay Bilangin,” Kaibigan, Hunyo 2024, 36–37.

Mga Pagpapala ay Bilangin

“Sana makabenta tayo nang sapat para may pamasahe tayo papuntang simbahan sa linggong ito,” sabi ni Itay.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Pilipinas.

Mag-amang naglalakad sa landas papunta sa isang nayon ng mga Pilipino

Mano po! Hello!” sabi ni Arkin kay Lola pagdating niya sa bahay. Binati niya ito sa pamamagitan ng pagyuko at pagmamano.

Ngumiti si Lola. “Hinihintay ka ng tatay mo at dala niya ang mga isda. Bilisan mo at tulungan mo siya!”

Construction worker ang tatay ni Arkin. Nagtrabaho siya nang husto para kumita ng pera para sa kanilang pamilya. Pero mahirap lang sila. At kung minsa’y walang mahanap na trabaho si Itay. Kapag nangyayari iyon, tinutulungan siya ni Arkin na magbenta ng gawang-bahay na tinapa (smoked fish).

Inilagay nina Arkin at Itay ang mga nakasupot na tinapa sa isang basket at dinala iyon sa labas.

“Salamat sa pagtulong mo sa akin,” sabi ni Itay. “Sana makabenta tayo ng sapat para may pamasahe tayo papuntang simbahan sa linggong ito.”

Nakatira ang pamilya ni Arkin sa isang maliit na nayon malapit sa mga palayan at sa isang palaisdaan. Sila lang nina Itay, Lola, at ate niya. Malayo sila sa chapel. Para makarating sa simbahan, kailangan nilang mamasahe sa tricycle (motorsiklong may sidecar). Kung wala silang pera, kailangan nilang maglakad nang dalawang oras.

“Nananalig po ako na tutulungan tayo ng Ama sa Langit,” sabi ni Arkin. “Tara na!”

Nagpunta muna sila sa bahay ng kapitbahay nilang si Aling Nena. Lagi itong bumibili ng tinapa sa kanila.

“Magandang hapon po!” sabi ni Arkin.

Pinagbuksan sila ni Aling Nena ng tarangkahan. “Ah, narito ang dalawang paborito kong tao!” sabi nito na nakangiti. Binigyan niya si Itay ng kaunting pera, at binigyan siya ni Itay ng dalawang supot ng tinapa.

“Salamat po sa pagbili ninyo sa amin!” sabi ni Arkin. “Malaking bagay po talaga ito.”

Naglakad sina Arkin at Itay pabalik sa kalsada.

“Tinapa! Tinapa! Tinapang masarap!” sigaw ni Arkin. Marami pang bumili ng isda sa kanila.

Mainit sa labas, pero balewala iyon kay Arkin. Kinanta nila ni Itay ang “Mga Pagpapala ay Bilangin” habang naglalakad sila. Araw-araw ay isang pagpapala para sa kanila!

Patuloy silang kumanta at nagbenta. Halos hindi napansin ni Arkin na wala nang laman ang basket nila.

“Tingnan n’yo po, Itay! Naibenta po natin ang lahat ng isda!” sabi ni Arkin.

Ngumiti si Itay. “Oo nga, pagpapala iyan.”

Masaya si Arkin na napakarami nilang naibentang tinapa. Makakatulong ito para mabayaran ang ilan sa mga bayarin nila, at may sapat pang natirang pamasahe para makasimba sa Linggo!

Pero Sabado bukas, at araw iyon para tumulong sa paglilinis ng simbahan. Maaga pa kinabukasan, gumising sina Arkin at Itay para simulan ang mahabang paglalakad papunta sa gusali ng simbahan. Palagi silang naglalakad para makatipid ng pera para sa araw ng Linggo.

“Hindi ka ba napapagod sa paglilinis ng simbahan ninyo tuwing Sabado?” tanong ni Lola bago sila umalis.

Inakbayan ni Itay si Lola. “Ang paglilinis po sa simbahan ay isang paraan ng paglilingkod namin sa Panginoon.”

Tumango si Arkin. “Tumatanggap kami ng mga pagpapala sa paglilinis ng simbahan. Tumutulong ang Ama sa Langit na maibenta naming lahat ang aming tinapa para makabili kami ng pagkain!”

Habang naglalakad sila, kumanta ng iba pang mga himno sina Arkin at Itay. Pagkatapos ay nagtrabaho sila nang husto para malinis nila ang simbahan. Pinunasan ni Arkin ang alikabok sa lahat ng bintana at upuan. Winalisan at nilampasuhan ni Itay ang sahig.

Nang matapos na sila, namigay ang bishop ng pandesal (sweet rolls) sa lahat ng tumulong. Kumain ng meryenda si Arkin nang may malaking ngiti. Mahabang lakaran iyon pauwi, pero masaya siya at taos-pusong nagpasalamat. Pagbalik nila sa simbahan kinabukasan, malinis na ang gusali para magalak ang lahat at maalala nila si Jesucristo. Masaya siya na nakatulong siya.

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Margarida Esteves

  • Mga Himno, blg. 147