Kaibigan
Mga Itlog at mga Mamiso
Hunyo 2024


“Mga Itlog at mga Mamiso,” Kaibigan, Hunyo 2024, 14–15.

Mga Itlog at mga Mamiso

Nag-init ang mukha ni Izzy. Ibigay ang isa sa mga mamiso niya? Hindi niya kaya!

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Batang babaeng may hawak na basket ng mga itlog at malungkot na nakatingin sa isang dakot na mga mamiso sa kamay niya

Walo … siyam … sampu!

Maingat na inilagay ni Izzy ang ika-10 itlog sa basket niya. Binayaran siya ni Lolo ng piso para sa bawat itlog. Dahil may 10 itlog, magkakaroon ng 10 piso si Izzy ngayon.

Nagkampayan at kumurokok ang mga manok nang hagisan sila ni Izzy ng pagkain. Iningatan niyang hindi marumihan ang palda niyang pangsimba. Kailangang pakainin ang mga manok araw-araw, kahit sa araw ng Linggo. At kailangang tipunin ang mga itlog.

“Salamat sa mga itlog, mga inahin!” sabi ni Izzy. “At salamat sa 10 piso!”

Tiningnan ni Izzy ang magagandang itlog sa basket niya. Hindi kakailanganin ni Lolo ang lahat ng 10 iyon. Ibibigay ni Lolo ang karamihan ng mga ito sa pamilya ni Izzy. Pero mahilig siyang mag-almusal ng isang itlog. Paluksu-lukso siyang tumawid ng bakuran at pumasok sa kusina ni Lolo.

Batang babaeng may basket ng mga itlog na tumatakbo papunta sa matandang lalaki

“Special delivery po!” pagtawag ni Izzy.

“Salamat!” Ngumiti si Lolo. “Masayang-masaya ako kapag dinadalhan mo ako ng itlog.”

Iniabot sa kanya ni Izzy ang pinakamalaking itlog mula sa basket. “Mahal ko po kayo, Lolo,” sabi niya.

Ipinukpok ni Lolo ang itlog sa gilid ng isang mainit na kawali at binasag ito. Sumagitsit ang ginintuang pula ng itlog sa kawali.

“Kunin mo na ang 10 piso mo sa garapon ko.” Niyakap ni Lolo si Izzy. “Pagkatapos ay magkita tayo sa simbahan!”

Tumakbo si Izzy pauwi dala ang siyam pang itlog sa basket niya at ang 10 makikintab na mamiso na kumakalansing sa bulsa niya.

Nang magpunta siya sa Primary, dala pa rin ni Izzy ang mga mamiso niya. Namulsa siya para hawakan ang mga iyon habang nakikinig siya sa lesson.

“Ang ikapu ay kapag ibinalik natin sa Ama sa Langit ang ikasampu ng kita natin,” sabi ni Sister Ayala. “Kaya kung may 10 piso ka, magbibigay ka ng piso bilang ikapu.”

Nag-init ang mukha ni Izzy. Ibigay ang isa sa mga mamiso niya? Hindi niya kaya! Hinigpitan pa niya ang hawak sa pera niya.

“Bakit kailangan ng Diyos ang pera natin?” tanong ng kaibigan ni Izzy na si Jaime. “Ni hindi Siya gumagamit ng pera.”

Napangiti si Sister Ayala. “Pero alam ng Diyos na kailangan ng pera para bayaran ang mga bagay gaya nitong magandang gusali ng simbahan,” sabi nito. “Hinihiling Niya na magbayad tayo ng ikapu upang matugunan natin ang mga pangangailangan ng Simbahan. Pero ang mas mahalaga, gusto Niyang pagpalain tayo. Kung magbabayad tayo ng ikapu, nangangako sa atin ang Diyos ng mga pagpapala mula sa langit.”

Kinapa ni Izzy ang mga mamiso sa bulsa niya at naisip ang itlog na kinakain ni Lolo.

Galing ang mga itlog sa mga manok niya, pero isa lang ang kinuha niya para sa sarili niya. Masayang-masaya si Lolo na makatanggap ng itlog tuwing umaga kaya gustong ibigay ni Izzy sa kanya ang pinakamaganda. Bukod pa rito, mahal niya si Lolo nang higit pa kaysa mga itlog. Iyan ang pinakamahalaga.

“Kaya,” marahang sabi ni Izzy, “ibinabalik natin sa Ama sa Langit ang kaunti ng ibinibigay Niya sa atin. Dahil gusto nating ipakita sa Kanya na mahal natin Siya.”

“Mismo!” Inabutan ni Sister Ayala ang bawat bata ng isang envelope ng ikapu.

Kinuha ni Izzy ang 10 makikintab na mamiso niya at binilang iyon sa kandungan niya.

Walo … siyam … sampu.

Masigla ang pakiramdam, kinuha ni Izzy ang pinakamakintab na piso at ipinasok iyon sa envelope niya para ibigay sa Ama sa Langit. “Salamat po sa mga mamiso,” bulong niya. “At salamat po sa mga pagpapala mula sa langit.”

Batang babaeng may hawak na envelope sa dibdib at mukhang payapa
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Alyssa Petersen