“Ang Scripture Hunt,” Kaibigan, Hunyo 2024, 18–19.
Ang Scripture Hunt
Mahal ba siya talaga ng Ama sa Langit?
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
“Good night po, Inay.” Nahiga na si Calan sa kama.
“Good night. Mahal kita, at mahal ka rin ng Ama sa Langit.” Niyakap siya ni Inay at pinatay ang ilaw.
Tumitig si Calan sa kisame. Laging sinasabi sa kanya nina Inay at Itay na mahal siya ng Ama sa Langit. Pero totoo ba iyon? Hindi perpekto si Calan, at kung minsa’y nakakagawa siya ng mali. Mahal ba siya talaga ng Ama sa Langit?
Pabiling-biling siya sa kama niya. Nagpakita ng pagmamahal ang kanyang mga magulang sa kanya sa maraming paraan, tulad ng pagyakap niya. Pero hindi pa siya nayakap ng Ama sa Langit. Kaya paano Niya mararamdaman ang pagmamahal ng Ama sa Langit?
Kinabukasan ay Linggo. Nang magbihis si Calan ng damit-pangsimba, inisip pa rin niya kung mahal siya ng Ama sa Langit. Paano niya malalaman kung ano talaga ang nadarama ng Ama sa Langit sa kanya?
Sa simbahan, sinikap ni Calan at ng kanyang mga kapatid na maupo nang tahimik at makinig sa mga tagapagsalita. Nagpasa si Inay ng ilang krayola at papel kay Sierra, at kalong ni Itay si Jonny sa kandungan niya.
Pero pinag-iisipan pa rin ni Calan ang tanong niya. Pagkatapos ay may naisip siya.
Binuklat niya ang kanyang mga banal na kasulatan. Sinabi nina Inay at Itay na ikinuwento sa Aklat ni Mormon ang mga bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman natin. Baka masagot ng Aklat ni Mormon ang tanong ni Calan.
Sinimulang buklat-buklatin ni Calan ang mga pahina. Nakita niya ang mga talata tungkol sa Nakababatang Alma at kay Samuel na Lamanita. Pero wala siyang nakitang anumang mga salita tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit.
Noong oras na para sa Primary, dinala ni Calan ang kanyang Aklat ni Mormon. Binasa niya ang iba pang mga talata. Sa likod ng Aklat ni Mormon nakakita siya ng listahan ng mga banal na kasulatan tungkol sa pagmamahal. Hinanap niya ang ilang talata, pero wala pa rin siyang nakitang anuman kung paano siya minahal ng Ama sa Langit.
Pagkatapos ay oras na ng klase. Binigyan nina Brother at Sister Walters ng oras ang klase para maghanap ng isang talata sa Aklat ni Mormon na sa tingin nila ay mahalaga sa bawat isa sa kanila.
Muling binuklat ni Calan ang kanyang mga banal na kasulatan.
Sa huli ay nakakita siya ng isang talata na hindi pa niya nababasa. Tungkol iyon kay Nephi nang makita niya ang isang pangitain at nakipag-usap siya sa isang anghel.
Sumigla ang pakiramdam ni Calan nang mabasa niya ang mga salita ni Nephi tungkol sa Ama sa Langit. “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak” (1 Nephi 11:17). Binasang muli ni Calan ang talata. May matindi siyang nadama sa puso niya. Parang mahigpit na yakap iyon. Mahal nga siya ng Ama sa Langit!
Pagkatapos ng Primary, nasabik si Calan na sabihin kay Inay ang nalaman niya. “Mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Iyan mismo ang sinasabi rito sa Aklat ni Mormon,” sabi ni Calan. “At ibig sabihin niyan ay mahal Niya ako!”
Niyakap siya nang mahigpit ni Inay. “Totoo ’yan. Mahal na mahal ka ng Ama sa Langit.”
Napakasaya ni Calan. Maaaring hindi siya magawang yakapin ng Ama sa Langit, pero ang madama ang Espiritu Santo ay kasing-sarap din nito.