Kaibigan
Ang Maibibigay Natin
Hunyo 2024


“Ang Maibibigay Natin,” Kaibigan, Hunyo 2024, 40–41.

Ang Maibibigay Natin

“Narito tayo para tumulong sa paglilinis ng mga pond,” sabi ni Auntie Nikki.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Larawan
Mga batang babaeng nakatayo sa tulay na nakatingin sa mga pagong sa tubig sa ibaba

“Nakarating na ba tayo?” Kinamot ni Aliya ang kanyang binti na kinagat ng lamok. Napakatagal na nilang nagha-hiking sa ibabaw ng lava rock! Pagod na si Aliya.

“Malapit na,” sabi ng kanyang gurong si Auntie Nikki. “At magtiwala ka sa akin. Magiging sulit ito.”

Hindi gaanong sigurado si Aliya. Nasa isang school trip sila papuntang Kiholo, isang nature preserve sa Big Island ng Hawaii. Sabik na si Aliya na matuto tungkol sa mga hayop at halaman sa kanilang isla, pero kinakabahan siya. Bago lang siya sa isla, at wala pa siyang gaanong kakilala. Mas matanda sa kanya ang lahat ng iba pang mga bata, at nagtatawanan sila sa buong paglalakad. Tahimik na naglakad si Aliya sa tabi nila. Gusto niyang makipagkaibigan, pero hindi niya alam kung paano.

Sa wakas ay nakarating sila sa cove. Nang maglakad sila sa isang mabuhanging burol, nakita nila ang mga fishpond.

“Welcome sa Kīholo,” sabi ni Auntie Nikki.

Tumingin si Aliya sa paligid. Ang ganda rito! Tama ang kanyang guro—sulit ang hiking.

Sa sumunod na ilang oras, natutuhan ni Aliya at ng kanyang mga kaklase ang lahat tungkol sa preserve. Gustong-gustong masdan ni Aliya ang paglangoy ng mga isda sa tubig.

“Ginawa ang mga fishpond upang mahuli ang ilang isda at makuha sa pond habang nananatili ang iba at lumalaki at lumalakas. Sa ganitong paraan, lahat ng bagay ay nananatiling balanse, at laging may sapat na isda,” paliwanag ni Auntie Nikki.

Pagkatapos ng tanghalian, pinapunta ni Auntie Nikki ang mga bata sa isa sa mas malalaking pond. “OK, lahat kayo, magsuot ng isang pares ng guwantes. Narito tayo para tumulong sa paglilinis ng mga pond.”

“Kailangan po ba nating gawin iyan?” tanong ng isa sa mga kaklase ni Aliya.

“Oo! Bahagi ng pagbisita sa Kīholo ang magtulungan na mapanatili itong malinis. Tungkol ito sa maibibigay natin,” sabi ni Auntie Nikki.

Sabik si Aliya na tumulong. Nagsuot siya ng guwantes at nagsimulang damputin ang basura at mga sanga ng puno mula sa paligid ng pond.

Tinabihan siya ng isa sa kanyang mga kaklase. Hindi pa siya nakausap ni Aliya dati. Nakasuot ito ng matingkad na pink na kamiseta.

Nadama ni Aliya na bumilis ang tibok ng puso niya. Gusto niyang bumati, pero takot siya. Paano kung akalain ng batang babae na kakaiba siya?

Pagkatapos ay naisip ni Aliya ang sinabi ni Auntie Nikki. Tungkol ito sa maibibigay natin. Huminga siya nang malalim at ngumiti. “Hi,” sabi niya. “Gusto ko ang kamiseta mo.”

Ngumiti ang batang babae. “Salamat! Ako si Zoe.”

“Ang pangalan ko ay Aliya.”

Ginugol ng mga bata ang buong maghapon sa pag-uusap at pagtatawanan habang nagtitipon sila ng mga plastik at papel na naiwan sa mga pond. Nang mas makilala ni Aliya si Zoe, mas sumaya siya. Napakabait ni Zoe.

Sa pagtatapos ng araw, gumawa ng siga ang guro para paligiran ito ng mga bata nang nakaupo. Masakit ang mga kalamnan ni Aliya dahil sa paglilinis ng mga pond.

“Aliya, halika rito. Kailangan mong makita ito!” Tumakbo si Zoe papunta sa kanya, na kinakawayan si Aliya para sumunod. Sumunod si Aliya kay Zoe sa isang tulay na patawid sa mga pond.

Sa ilalim ng tulay, isang malaking pagong ang nakaupo sa malinaw na tubig. Nagdaan ang naglalanguyang mas maliliit na pagong.

Napangiti si Aliya. Ang ganda niyon! Tumayo sila ni Zoe sa tulay, na magkatabi, at nakadama si Aliya ng kapayapaan. Mahirap linisin ang mga pond, pero ngayon ay puwede nang patuloy na mamuhay nang ligtas ang mga hayop na ito sa kanilang tahanan.

Tumingin si Aliya kay Zoe. May bagong kaibigan din siya ngayon, dahil lang sa nagkaroon siya ng sapat na tapang para mag-hello. Umusal ng maikling taos-pusong panalangin si Aliya. Salamat po, Ama sa Langit, sa magandang mundong ito at sa bago kong kaibigan. Salamat po sa pagtulong sa akin na magtuon sa maibibigay ko.

Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Melissa Manwill Kashiwagi

Print