Kaibigan
Si Elise na Engineer
Hunyo 2024


“Si Elise na Engineer,” Kaibigan, Hunyo 2024, 30–31.

Si Elise na Engineer

Siguro ay hindi sapat ang talino ko, naisip ni Elise.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Kenya.

“Elise, gumising ka na,” sabi ni Inay.

Dumaing si Elise at pumihit. Gusto pa niyang matulog!

Ipinikit pa niya sandali ang mga mata niya. Pagkatapos ay naisip niya ang mga kaibigan niya sa eskuwela at ang mga bagay na matututuhan niya roon. Sa huli ay gumapang siya pababa ng kama para magdasal.

“Mahal na Ama sa Langit,” dasal niya, “salamat po sa isang bagong araw. Tulungan Mo po akong makarating sa eskuwela sa oras. Tulungan Mo po akong matuto at maging mabait sa iba. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Alas-4:00 ng umaga iyon, at madilim pa rin sa labas. Malayo ang paaralan ni Elise. Kaya kinailangan niyang gumising nang napakaaga. Pero alam niya na mahalagang mag-aral. Bukod pa rito, kailangan niyang pumasok sa paaralan kung gusto niyang maging engineer balang-araw!

Bago siya umalis, kinuha ni Elise ang kanyang book bag at ilang chapati para sa almusal. Natapos niyang kainin ang flatbread habang hinihintay niya ang bus.

Pagdating ng bus doon, nakasilip ang araw sa mga gusali sa malayo. Pumasok si Elise at natagpuan ang kanyang upuan. Tumingin siya sa labas ng bintana at nag-isip tungkol sa pagiging engineer. Balang-araw, gagawa siya ng mga makina para matulungan ang mga tao.

Pagbaba niya ng bus, may ilang bloke pa ring lalakarin si Elise papunta sa paaralan. Tiningnan niya ang oras at nagsimulang tumakbo. Hindi siya puwedeng mahuli!

“Welcome, class,” sabi ni Auntie Claudia. “Auntie” ang tawag nila sa kanilang guro. “Ngayo’y mag-aaral tayo tungkol sa fractions.”

Mas tumuwid ng upo si Elise sa kanyang upuan. Gustung-gusto niya ang mathematics!

Pero nang isulat ni Auntie Claudia ang equation sa pisara, nalito si Elise. Tiningnan niya ang kanyang aklat sa math, pagkatapos ay sa notebook niya. Walang katuturan ang mga numero.

“Tapusin sana ninyo ang assignment sa pahina 42 bukas,” sabi ni Auntie Claudia. “Maaari ninyong gamitin ang natitirang oras para gawin ito.”

Larawan
Batang babae sa klase na mukhang nalilito sa homework

Isinulat ni Elise ang unang problem. Sinimulan niyang i-solve iyon, pero napatigil siya. Bumuntong-hininga siya. Siguro puwedeng makatulong ang kaibigan niyang si Jessie.

“Jessie,” bulong ni Elise. “Maaari mo ba akong tulungan sa unang problem?”

Umiling si Jessie. “Sinisikap kong tapusin ang homework ko bago matapos ang klase.”

Sumimangot si Elise. Bumaling siya sa kaibigan niyang si Miguel. “Alam mo ba kung paano gawin ang una?” tanong niya.

Pero abalang-abala rin si Miguel. “Sorry,” sabi nito, at itinuloy ang ginagawa.

Sumama ang loob ni Elise. Kadalasa’y napakahusay niya sa maths!

Pag-uwi ni Elise, madilim na ulit. Pagod na pagod siya. At kailangan pa rin niyang tapusin ang homework niya.

Muling sinimulan ni Elise na i-solve ang problem. Pero hindi pa rin niya ma-solve iyon. Sumakit ang ulo niya sa mga numero! Siguro hindi talaga siya maaaring maging engineer.

Sa sandaling iyon, umupo ang ate ni Elise na si Emma sa tabi niya. “OK ka lang ba?” tanong nito.

Dumaing si Elise. “Hindi ko alam kung paano i-solve ang mga problem na ito! Alam ng lahat ng iba pa sa klase kung paano. “Hindi sapat ang talino ko.”

Tumawa si Emma. “Ikaw ay matalino!” sabi nito. “Hindi dahil mahirap ang isang bagay, hindi ka na matalino. Ibig sabihin lang niyan ay magpraktis ka pa. Halika, ipakita mo sa akin ang ginagawa mo. Tuturuan kita.”

Ipinakita sa kanya ni Elise ang equation, at nagsimulang sumulat si Emma ng mga numero. Pagkaraan ng ilang minuto, nagsimulang magkaroon ng katuturan ang lahat. Kinuha ni Elise ang lapis mula sa kamay ni Emma at tinapos ang problem.

“Nagawa mo!” sabi ni Emma. “Magpraktis ka pa. Kung mapatigil ka ulit, tutulungan kita.”

Sumaya si Elise nang sinimulan niyang i-solve ang sumunod na problem. Nasagot ng Ama sa Langit ang dasal niya kaninang umaga at tinulungan siyang matuto! Nagpasalamat siya na nabigyan Niya siya ng isang matiyagang ate para ipaliwanag ang mga math problem sa kanya. Sa tulong ng Ama sa Langit at sa kaunting pagsisikap, talagang puwede siyang maging engineer balang-araw!

Larawan
Batang babaeng gumagawa ng homework kasama ang kanyang ate habang nangangarap sa sarili niya na isa na siyang adult na may jumpsuit, goggles, at clipboard
Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Simini Blocker

Print