“Ang Pagpili sa Linggo,” Kaibigan, Hulyo 2024, 4–5.
Ang Pagpili sa Linggo
“Ano ang sakramento?” tanong ni Anita.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Iceland.
“Taasan mo pa!” sabi ni Evolett sa kaibigan niyang si Anita. Tinitingnan nila kung gaano kataas ang matatalon nila sa trampoline ni Evolett.
Sa sandaling iyon, tumalon si Anita nang napakataas. Nang muling makalapag ang kanyang mga paa, tumalbog pataas si Evolett! Parehong bumagsak ang dalawang bata sa trampoline. Nagtawanan sila.
“Sobrang nakakatuwa ito,” sabi ni Anita. “Puwede ba tayong maglaro ulit bukas?”
Tumalbog sa kanyang likuran si Evolett. “Sige! Gusto ko ring maglaro.”
“Puwede tayong maglaro sa bahay ng lola ko.” Ilang bahay lang ang layo ng lola ni Anita mula sa bahay ni Evolett.
At naalala ni Evolett na kinabukasan ay Linggo. Gusto niyang pumunta sa Primary. Masayang makipaglaro kay Anita, pero gusto niyang gumawa ng mabuting pagpili.
“Naalala ko, hindi pala ako puwede,” sabi ni Evolett. “Sori ha. Magsisimba ako bukas kasama ang pamilya ko.”
Tumayo si Anita at muling tumalon-talon. “Bakit?”
Nagsimula ring tumalon si Evolett. “Kasi, gusto kong sundin si Jesucristo. Nagsisimba ang pamilya ko tuwing Linggo para malaman ang tungkol sa Kanya at tumanggap ng sakramento.”
“Ano ang sakramento?” tanong ni Anita.
“Iyon ang oras na kumakain kami ng kapirasong tinapay at umiinom ng kaunting tubig sa maliit na cup para alalahanin si Jesucristo,” sabi ni Evolett. “Pagkatapos ay pinag-uusapan ng mga tao kung paano sila tinutulungan ni Jesus. At pagkatapos niyon, may espesyal na klase para sa mga bata!”
“Mukhang masaya iyan!” sabi ni Anita. “Puwede ba akong sumama?”
“Oo naman!” Ngumiti si Evolett.
Tumakbo si Anita pauwi para tanungin ang kanyang lola kung maaari siyang magsimba kasama ni Evolett. Kinaumagahan, sinundo ni Evolett at ng kanyang pamilya si Anita habang daan.
Pagdating nila sa simbahan, inilibot ni Evolett si Anita. Ipinakita niya kay Anita ang silid ng Primary, ang gym, at ang chapel.
Hindi nagtagal ay oras na para sa sacrament meeting. Magkatabing umupo sina Evolett at Anita. Sinikap ni Evolett na isipin si Jesucristo sa oras ng sakramento. Pagkatapos ay nakinig sila sa mga mensahe.
Sa wakas, oras na para sa Primary! Ipinakilala ni Evolett si Anita sa ilan sa kanyang mga kaibigan.
“Ito ang kaibigan kong si Anita,” sabi ni Evolett.
“Masaya kaming narito ka ngayon. Ako si Sister Magnusson,” sabi ng Primary teacher.
Habang nakikinig sina Evolett at Anita sa lesson tungkol kay Jesucristo, masaya ang pakiramdam ni Evolett. Gusto niyang kasama sa simbahan si Anita. Lumingon siya at ngumiti kay Anita. Gumanti ng ngiti ang kaibigan niya.
“Salamat sa pag-imbita mo sa akin,” sabi ni Anita habang pauwi.
Natuwa si Evolett na kaya niyang sundin si Jesucristo. At natuwa siya na gusto ring malaman ni Anita ang tungkol kay Jesus.
Masayang tumalon sa isang trampoline at lumipad sa hangin, pero mas maganda ang pakiramdam ni Evolett sa kanyang kalooban.