“Pagbisita kina Lolo at Lola,” Liahona, Hulyo 2024, 30–31.
Pagbisita kina Lolo at Lola
Gustong ibahagi ni Ernesto ang natutuhan niya sa Primary.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Indonesia.
Naglagay si Ernesto ng isa pang polo sa kanyang bag. Tumingin siya sa paligid ng kuwarto. Ano pa ang kailangan niyang dalhin? Nakita niya ang kanyang Aklat ni Mormon sa ibabaw ng mesa. Hindi niya malilimutan iyon!
Bakasyon iyon sa tag-init. Bibisitahin ng pamilya ni Ernesto sila Lolo’t Lola. Sabik na sabik na siyang makita ang kanyang lolo’t lola.
Nang dumating si Ernesto at ang kanyang pamilya, niyakap siya ni Lolo. “Masayang-masaya ako na narito kayo!
Na-miss namin kayo!” Ngumiti rin si Lola at niyakap din si Ernesto.
“Matagal kong hinintay ang araw na ito. Gustung-gusto po naming bumibisita,” sabi ni Ernesto.
“Pasok na tayo,” sabi ni Lolo. “Iluluto ni Lola ang lahat ng paborito mong pagkain.”
Pumasok si Ernesto sa bahay kasama sila Lolo’t Lola. Sabik na sabik siyang makasama sila.
Kinaumagahan, nagising si Ernesto sa amoy ng nilulutong kanin. Nakita niyang abala si Inay at si Lola sa kusina. Hinagkan niya silang dalawa sa pisngi. Pagkatapos ay tumakbo na siya papunta sa bakuran.
Nakaupo sina Itay at Lolo at nag-uusap sa labas, habang umiinom sa mga tasa.
“Magandang umaga. Gusto mo ba ng tsaa?” Iniabot ni Lolo ang kanyang tasa kay Ernesto.
Tiningnan ni Ernesto ang tasa ng tsaa at pagkatapos ay tumingin siya kay Lolo. Gusto niyang ibahagi ang natutuhan niya sa Primary. “Hindi na po, salamat po, Lolo,” sabi niya. “Nalaman ko po sa simbahan ko na ang tsaa, kape, at tabako ay hindi mabuti para sa ating katawan. Gusto ko pong sundin ang nais ipagawa sa akin ni Jesus.”
Ngumiti si Itay. “Sinusunod ng pamilya natin ang Word of Wisdom, pero iba ang paniniwala ni Lolo, at OK lang iyan.”
“Salamat sa pagbabahagi ng pinaniniwalaan mo,” sabi ni Lolo kay Ernesto. “Mabait kang bata. Maaari ka na lang uminom ng mainit na tubig tulad ng tatay mo.” Nilagyan ni Lolo ang tasa ni Ernesto ng mainit na tubig mula sa takure.
Humigop si Ernesto. Masayang-masaya siya sa pagpili sa tama.
Sa tanghalian, kinain ni Ernesto ang mga paborito niyang pagkain. Gumawa si Lola ng nasi goreng, isang lutuin na may kanin, itlog, karne, at mga gulay. Napakasarap talaga. At gustung-gusto ni Ernesto na makipag-usap kina Lolo at Lola habang kumakain sila.
Sa hapon, naglaro ang pamilya ng taguan. Kahit sila Lolo at Lola ay naglaro!
“Nakikita kita sa likod ng punong iyan, Ernesto!” Tumawag si Itay, na nagmamadaling lumapit sa kanya. Natawa si Ernesto habang sinisikap niyang makalayo. Masaya ang makipaglaro sa kanyang pamilya.
Nang gabing iyon, nakaupo ang lahat sa paligid ni Lolo habang nagkukuwento siya. Nang matapos si Lolo, naalala ni Ernesto na hindi pa sila nagbasa ng mga banal na kasulatan.
Biglang tumayo si Ernesto. “Babalik po ako kaagad.”
Tumakbo siya at kinuha ang kanyang Aklat ni Mormon. Nang bumalik siya, itinanong niya, “Puwede ba tayong magbasa?”
“Natutuwa ako’t naalala mo.” Kinuha ni Inay ang aklat mula kay Ernesto at binuklat niya ang aklat sa paborito niyang talata. Binasa niya ito nang malakas. Pagkatapos ay lumuhod silang lahat.
“Gusto po ba ninyong magdasal na kasama namin?” tanong ni Ernesto sa kanyang lolo’t lola.
“Oo, maganda iyan,” sabi ni Lola. Lumuhod siya sa tabi ni Lolo.
Si Itay ang nanalangin. Pinasalamatan niya ang Ama sa Langit na nagkaroon sila ng oras bilang pamilya.
Pagkatapos ng panalangin, niyakap ni Lolo si Ernesto. “Mabuti na nagdarasal ang pamilya ninyo,” sabi niya. “Masaya ako na gusto mong maging malapit sa Diyos. Tutulungan nito ang inyong pamilya na manatiling matatag.”
Nakadama ng init at kapayapaan si Ernesto. Mahilig siyang magbahagi ng kanyang mga paniniwala—isang bagay na gustung-gusto niya—kina Lolo’t Lola—sa mga taong mahal niya.