“Ang Scripture Theater,” Kaibigan, Hulyo 2024, 14–15.
Ang Scripture Theater
“Ilabas kaya natin ang kahon para sa araw ng Linggo?” tanong ni Jonny.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
“Naiinip ako.” Nakahiga si Jonny sa sahig ng sala.
Tumingin ang kapatid niyang si Jenna sa bintana. “Wala tayong magawa,” sabi niya.
Tumingala si Jonny sa kisame. Bakit parang hindi masaya ang mga araw ng Linggo?
Pagkatapos ay may naisip siya. “Ilabas kaya natin ang kahon para sa araw ng Linggo?” tanong ni Jonny. Ang kahon sa araw ng Linggo ay espesyal na kahon na puno ng mga laro para sa araw ng Linggo.
Napangiti si Jenna. “Masaya iyan!”
Nagmadaling pumunta sina Jonny at Jenna sa kuwarto ni Inay. Kinaladkad nila ang malaking kahon papunta sa sala.
“Ano ang una nating gagawin?” tanong ni Jonny. Binuksan niya ang kahon at kinuha ang ilang aklat ng mga larawan at isang card game.
“Maglaro tayo ng scripture hero matching game,” sabi ni Jenna.
Ang laro ay may mga kard na may mga larawan ng mga propeta sa Aklat ni Mormon. Inilatag nang pataob ni Jenna ang mga kard sa sahig. Nagsalitan sila sa pagpili ng mga kard at sa pagsisikap na hanapin ang mga katugma.
Nadampot ni Jonny ang dalawang magkaibang kard na may larawan ni Kapitan Moroni. “Nakakita ako ng magkatugma!” sigaw niya.
“Ako rin!” Nagtaas si Jenna ng dalawang kard na may larawan ni Saria.
Ilang ulit pang naglaro sina Jonny at Jenna. Masayang isipin ang mga paborito nilang kuwento mula sa Aklat ni Mormon.
Pagkaraan ng ilang sandali sinabi ni Jenna, “Iba naman ang gawin natin.”
“OK po. Isadula natin ang isa sa mga paborito nating kuwento sa banal na kasulatan. Maglaro tayo ng scripture theater!” Sinimulang damputin ni Jonny ang mga kard.
“Sige!” Tumulong si Jenna sa pagtipon ng mga kard para maitabi ito.
Naghalungkat si Jonny sa kahon hanggang sa mahanap niya ang ilan sa mga costume. Kinuha niya ang isang brown na bata at isinuot ito. “Ako si Samuel na Lamanita!” Tumuntong siya sa isang silya at nagkunwaring si Samuel, na nagtuturo na nakatuntong sa pader ng lungsod.
Binuklat ni Jenna ang aklat ng mga larawan ng Aklat ni Mormon. Naghanap siya sa mga pahina hanggang sa makarating siya kay Samuel na Lamanita. Binasa niya ito nang malakas habang isinasadula ni Jonny ang kuwento.
Pinraktis ng mga bata ang kuwento nang ilang beses. Nakadama ng sigla at saya si Jonny. Masaya ang pakiramdam na alalahanin ang mga propetang nagturo tungkol kay Jesucristo.
Nang madama nilang handa na sila, tumakbo si Jonny at sinabihan sina Inay, Itay, at ang mas bata nilang kapatid na si Makenna. “Halikayo’t panoorin ninyo ang dula-dulaan namin!”
Tumayo si Jenna sa gitna ng silid na nakaunat ang kanyang mga bisig. “Welcome sa aming scripture theater. Ngayon ay ikukuwento namin ang tungkol kay … Samuel, ang Lamanita!”
Pagkatapos ay sinimulan niya ang kuwento. “Noong unang panahon, isang propetang nagngangalang Samuel ang dumating upang turuan ang mga Nephita …”
Noong bahagi na ni Jonny, tumayo siya nang tuwid sa ibabaw ng silya. Nagsalita siya sa malakas na tinig. “Ako si Samuel, at nais ng Ama sa Langit na gumawa kayo ng mabubuting pagpili. Itigil na ang paggawa ng masasamang bagay. Dahil sa loob ng limang taon ay isisilang si Jesucristo.”
“Ang kapangyarihan ng Diyos ay na kay Samuel,” sabi ni Jenna. Tinapos niya ang pagkukuwento. Nang matapos na ito, pumalakpak sina Inay, Itay, at Makenna.
“Ang galing!” sabi ni Inay.
Yumukod sina Jonny at Jenna. Malaki ang ngiti nila.
“Gumawa tayo ng isa pang dula,” sabi ni Jonny.
“Gusto naming makapanood ng isa pa,” sabi ni Inay. Pumalakpak si Makenna at ngumiti.
Muling naghanap ng iba pang mga costume sina Jenna at Jonny sa kahon sa araw ng Linggo.
“Ang saya ng Linggo!” Gusto kong natututo ng tungkol sa mga banal na kasulatan,” sabi ni Jenna.
“At ng tungkol kay Jesus.” Ngumiti si Jonny nang makakita siya ng isa pang costume. Talagang espesyal na araw ang Linggo!