Kaibigan
Muling Sumubok si Raina
Hulyo 2024


“Muling Sumubok si Raina,” Kaibigan, Hulyo 2024, 36–37.

Muling Sumubok si Raina

“Iyon ang huling pagkakataon na susubukan ko ang anumang bagong bagay,” sabi ni Raina.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Muling binasa ni Raina ang mga salita sa flyer sa kanyang paaralan. Essay Contest: Manalo ng libreng biyahe papuntang New York City!

Ito ay paligsahan para sa mga estudyante sa maraming paaralan sa lugar. Naisip ni Raina ang kanyang sarili na nasa New York City, na may matataas na gusali na nakapaligid sa kanya at nasa kalapit na Statue of Liberty. Gusto niyang magpunta roon!

“Dapat sumali ka,” sabi ni Sydney. “Ikaw ang pinakamahusay na manunulat sa grade natin!”

Ang mga salita ni Sydney ay nagpasaya kay Raina. Wala siyang masyadong alam tungkol sa pagsusulat ng mga essay o sanaysay. Pero gusto niyang sumubok.

Pagkatapos ng eskuwela, umupo si Raina sa kanyang desk. Tak, tak, tak. Itinaktak niya ang kanyang lapis sa papel habang nag-iisip siya ng mga ideya. Sa wakas, nagsimula siyang magsulat.

Isang linggo ang kinailangan para matapos ni Raina ang isinusulat. Pero sa tulong ni Inay, sa wakas ay nadama niyang handa na siyang isumite ang kanyang sanaysay.

Lumipas ang ilang linggo. Sabik si Raina na makita kung sino ang nanalo. Di-magtatagal ay papunta na siya siguro sa New York!

“Mahigit isandaang estudyante ang sumali,” sabi ni Mr. Wright na nasa harapan ng silid. “Salamat sa inyong lahat na sumulat ng sanaysay.”

Kumabog ang puso ni Raina.

“Bagama’t wala ni isa sa ating mga estudyante ang nanalo sa paligsahan, si Raina ay nasa top five sa lahat ng entry. Congratulations, Raina,” sabi ni Mr. Wright.

Ngumiti si Raina habang pumapalakpak ang kanyang mga kaklase. Pero sa loob ay nalulungkot siya. Ang pagiging nasa top five ay hindi kasingganda ng pananalo. Nawala ang pangarap niyang makita ang New York.

Nang makauwi si Raina, sumalampak siya sa isang silya sa kusina sa tabi ng kanyang mga magulang. “Talo po ako sa contest,” sabi niya. “Huling pagsubok ko na po iyon sa isang bagay na bago sa akin. Gagawin ko lang po ang alam kong kaya kong gawin talaga.” At tinakpan niya ang kanyang ulo ng kanyang mga kamay.

Malungkot na batang babae sa mesa sa kusina kasama ang mga magulang

“Nalulungkot ako na hindi ka nanalo. Ipinagmamalaki ka namin ni Inay mo sa pagsisikap mo,” sabi ni Itay. Naupo siya sa tabi ni Raina. “Naaalala mo ba noong wala akong trabaho ilang taon na ang nakararaan?”

Tumango si Raina.

“Nag-aplay ako sa maraming trabaho at hindi ako natanggap sa alinman sa mga ito,” sabi ni Itay. “Medyo pinanghihinaan na ako ng loob noon.”

Itinaas ni Raina ang kanyang ulo. “Talaga po?”

Tumango si Itay. “Pero hindi ako sumuko. Pagkaraan ng mahabang panahon, nakahanap ako ng trabaho na tamang-tama talaga. Pero hindi sana nangyari iyon kung tumigil ako sa pagsisikap.”

Tinapik ni Inay sa likod si Raina. “Alam mo ba kung gaano karaming kuwento ang ipinadadala ko sa iba’t ibang magasin?” tanong niya. “At ilan ang hindi tinatanggap? Pero hindi ako pwedeng sumuko kung gusto kong makitang mailathala ang gawa ko. Mahalaga sa akin ang pagsusulat, kaya patuloy akong nagsisikap.”

Noon pa man ay inakala ni Raina na mahusay sa lahat ng bagay na ginagawa nila ang kanyang mga magulang. Hindi niya alam na natanggihan din sila.

Malungkot pa rin siya, pero parang kabaliwan na hindi na kailanman niya susubukang muli ang anumang bagong bagay. Hindi iyon ang gusto ng Ama sa Langit para sa kanya. Nagpasiya si Raina na hindi siya susuko. Maaari niyang subukan ang iba pang mga bagay, kahit ang mga bagay na hindi niya mahusay na nagawa kaagad.

“Palagay ko muli akong sasali sa contest sa susunod na taon,” sabi ni Raina. Hindi kailangang maging katapusan ng kanyang mga pangarap ang pagkatalo sa paligsahan.

Nagpunta si Raina sa kanyang mesa at kinuha ang kanyang lapis. Masaya ang pagsusulat. Tak, tak, tak. Kaya ano kayang bagong bagay ang susunod niyang isusulat?

Batang babaeng nakangiti na nakaupo sa desk o mesa na may lapis at papel
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Vivian Mineker