Kaibigan
Malalakas na Putok at Matitingkad na Kulay
Hulyo 2024


“Malalakas na Putok at Matitingkad na Kulay,” Kaibigan, Hulyo 2024, 10–11.

Malalakas na Putok at Matitingkad na Kulay

“Bakit hindi inaalis ng Ama sa Langit ang malakas na ingay?” tanong ni Charlotte.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Ayaw na ayaw ni Charlotte ng malalakas na ingay! Ayaw niya na parang dumadagundong sa tainga niya ang mga tunog o umaalingawngaw ito sa kanyang ulo. Kahit alam niyang ligtas siya, nababalisa pa rin siya kapag umiingit ang preno ng mga kotse, nagsisigawan ang maraming tao, o napakalakas ng tunog ng mga tambol.

At talagang ayaw ni Charlotte ang mga paputok!

Sinubukan ng kanyang pamilya ang maraming bagay para panatagin siya kapag may malalakas na ingay. Binili ni Itay ang kanyang espesyal na earmuffs para makatulong sa pagharang sa ingay. Kapag may kulog, kasama niya si Inay na nakasiksik sa ilalim ng kumot. Nagdasal din ni Charlotte na tulungan siyang hindi matakot.

Lahat ng ito ay nakatulong. Pero takot pa rin siya sa malalakas na ingay.

“Pupunta kami sa isang espesyal na firework show sa parke ngayong gabi,” sabi ni Inay kay Charlotte. “Gusto mo bang sumama?”

Sumimangot si Charlotte. “Pero napakalakas po ng mga paputok.”

“Ngayong mas matanda ka na, baka mas masaya nang panoorin ang mga paputok,” sabi ni Inay. “Lahat ng kaibigan mo ay pupunta roon. Maaari pa nga naming dalhin ang iyong espesyal na earmuffs. Sa palagay mo ba’y maaari mo itong subukan?”

Bumuntong-hininga si Charlotte. “OK po. Siguro’y susubukan ko.”

Ang ganda ng simula ng fireworks show sa parke. Tumakbo si Charlotte at ang kanyang mga kaibigan sa damuhan, nagbibigayan ng mga pagkain at naglalaro. Hindi nagtagal ay dumilim ang kalangitan. Umupo si Charlotte at hinila ang kanyang earmuffs habang kinakabahan siyang nakatingin sa kalangitan.

BOOM! BOOM! KRAK!

Bumilis ang tibok ng puso ni Charlotte, at sumikip ang kanyang dibdib. Tumalon siya at tinangkang lumayo sa malalakas na putok sa paligid niya.

Hinabol ni Inay si Charlotte at kinarga siya. Umupo silang muli, at niyakap siya ni Inay. Tumulo ang luha sa mukha ni Charlotte.

“Sori na natakot ka,” sabi ni Inay. “Andito lang ako. Magpokus tayo sa mga kulay para hindi mo gaanong mapansin ang tunog. Ano ang nakikita mo?”

Huminga nang malalim si Charlotte. “May nakikita po akong kulay ginto, at pula, at berde.”

“Ngayon ay gamitin mo ang ilong mo,” sabi ni Inay. “Ano ang naaamoy mo?”

“Naaamoy ko po ang usok at ang damo,” sabi ni Charlotte. “At popcorn!”

“Ano pa ang ibang pandamdam na magagamit mo ngayon?”

Pumikit si Charlotte. “Nadarama ko po ang mga ito. Kapag pumuputok ang fireworks, dama ko po ang pagyanig sa dibdib ko.”

“May nalalasahan ka ba?” tanong ni Inay.

Inilawit ni Charlotte ang kanyang dila. “Hindi ko po nalalasahan ang mga paputok.” Tumawa siya.

Lahat ng ito ay naging dahilan para mag-usisa si Charlotte. Paano ginagawa ng mga tao ang iba’t ibang kulay? naisip niya. Bakit sumasabog ang fireworks o paputok? Paano sila nakagagawa ng iba’t ibang hugis? Parang hindi na nakakatakot ngayon ang mga paputok.

“Inay, astig po ang mga paputok!” sabi ni Charlotte.

Larawan
Batang babae na may suot na earmuffs at ina na nakahiga sa madamong burol at magkasama silang nanonood ng mga paputok

Nang patutulugin na ni Inay si Charlotte nang gabing iyon, nagtanong si Charlotte, “Bakit po hindi sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dasal ko kapag hinihiling ko sa Kanya na alisin ang malakas na ingay?”

Nag-isip sandali si Inay. “Hindi palaging inaalis ng Ama sa Langit ang nakakatakot na mga bagay,” sabi niya. “Pero kung minsan, tinutulungan Niya tayong makita ang mga bagay sa ibang paraan o binibigyan Niya tayo ng mga taong tumutulong na panatagin tayo.”

“Tulad po ng pagtulong Niya sa akin ngayong gabi!” sabi ni Charlotte.

“Tama!” Ngumiti si Inay. “Nagpunta ka sa fireworks show kahit natatakot ka. Pagkatapos ay tinulungan ka ng Ama sa Langit na kumalma at hindi na matakot. Tinulungan ka rin Niyang makita ang kagandahan ng mga paputok sa pamamagitan ng paggamit ng iba mo pang mga pandama.”

Naisip ni Charlotte ang magagandang kulay sa kalangitan at ngumiti. Ayaw pa rin niya ng malalakas na ingay. Nakakatakot pa rin ang mga ito sa kanya. Pero alam niya na lagi siyang matutulungan ng Ama sa Langit na maging matapang.

Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Adam Howling

Print