Kailangan ng mga Tagapamayapa
Mga Sipi
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong maging halimbawa kung paano pakitunguhan ang iba—lalo na kapag magkakaiba ang ating opinyon. [Ang] isa sa pinakamadadaling paraan para makilala ang isang tunay na [alagad] ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao. …
… Ang Kanyang tunay na mga disipulo ay nagpapatatag, nagpapasigla, naghihikayat, at nagbibigay-inspirasyon—gaano man kahirap ang sitwasyon. Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay mga tagapamayapa. …
Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas magagawa nating madaig ang lahat ng kasamaan—pati na ang pagtatalo. …
Mahal kong mga kapatid, napakahalaga kung paano natin pakitunguhan ang isa’t isa! Napakahalaga kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang ibang tao sa tahanan, sa simbahan, sa trabaho, at online. Ngayon, hinihiling ko sa atin na makipag-ugnayan sa iba sa mas dakila at mas banal na paraan. …
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang lunas sa pagtatalo. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang espirituwal na kaloob na tumutulong sa atin na iwaksi ang likas na tao, na makasarili, mapagtanggol sa sarili, palalo, at mainggitin. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang nangungunang katangian ng isang tunay na [alagad] ni Jesucristo. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nakikita sa isang tagapamayapa. …
… Inaanyayahan ko kayong alalahanin si Jesucristo. Manalangin na magkaroon ng tapang at karunungan na sabihin o gawin ang Kanyang sasabihin o gagawin. Kapag sinusunod natin ang Prinsipe ng Kapayapaan, tayo ay magiging mga tagapamayapa Niya. …
… Ngayon ay inaanyayahan ko kayo na suriin ang inyong pagkadisipulo ayon sa pakikitungo ninyo sa iba. Binabasbasan ko kayo na gumawa ng anumang kinakailangang pagbabago upang ang inyong pag-uugali ay maging marangal, magalang, at kumakatawan sa isang tunay na tagasunod ni Jesucristo.