2023
Mga Patriarchal Blessing
Mayo 2023


Mga Patriarchal Blessing

mga binatilyo

Ecuador

Ang Inyong Patriarchal Blessing—Inspiradong Patnubay mula sa Ama sa Langit

Elder Randall K. Bennett

Ng Pitumpu

Ang patriarchal blessing ko ay napakahalaga sa akin noong bata pa ako sa maraming kadahilanan. Una, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang patriarchal blessing ko ay nagpaunawa sa akin ng aking tunay na walang-hanggang identidad—kung sino ako talaga at ano ang maaari kong kahinatnan. … Nalaman ko na kilala at mahal ako ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas at Sila ay may personal na kinalaman sa buhay ko. Nakatulong ito para hangarin kong mas mapalapit sa Kanila at dagdagan ang aking pananampalataya at tiwala sa Kanila. …

Ang malaman kung sino talaga ako ay nakatulong sa akin na maunawaan at hangaring gawin ang inaasahan ng Diyos sa akin.

Hinikayat ako nitong pag-aralan ang mga tipang nagawa ko at ang mga ipinangakong pagpapala sa tipan ng Diyos kay Abraham. Binigyan ako nito ng walang-hanggang pananaw na naghikayat sa akin na mas lubos na tuparin ang aking mga tipan. …

Mahalaga noon para sa akin na matanggap ang aking patriarchal blessing habang bata pa ako at habang lumalago pa ang aking patotoo. …

Dahil sa pagpapahalaga ko sa aking patriarchal blessing habang bata pa ako ay biniyayaan ako ng lakas-ng-loob noong pinanghinaan ako ng loob, ng aliw noong mangamba ako, kapayapaan noong mabalisa ako, pag-asa noong mawalan ako ng pag-asa, at galak noong kailangang-kailangan ko ito. Ang aking patriarchal blessing ay nakatulong sa akin na pag-ibayuhin ang aking pananampalataya at tiwala sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas. Pinag-ibayo rin nito ang pagmamahal ko para sa Kanila—hanggang sa ngayon.

Kailan Tatanggap ng Inyong Patriarchal Blessing

Elder Kazuhiko Yamashita

Ng Pitumpu

Mahal kong mga kabataang lalaki, kabataang babae, magulang, at bishop, ang patriarchal blessing ay hindi lamang para sa paghahanda na maglingkod sa misyon. Ang mga karapat-dapat na nabinyagang miyembro ay maaaring tumanggap ng kanilang patriarchal blessing kapag tama ang panahon para sa kanila. …

Mga kapatid, pinatototohanan ko na ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal at Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesucristo, ay buhay. Mahal Nila tayo. Ang mga patriarchal blessing ay sagradong mga kaloob mula sa Kanila. Kapag natanggap ninyo ang inyong patriarchal blessing, matatanto at madarama ninyo kung gaano Nila kayo kamahal at kung gaano Sila nakatuon sa bawat isa sa inyo.