Alam Ba Ninyo Kung Bakit Ako Naniniwala kay Cristo Bilang Isang Kristiyano?
Mga Sipi
Isang gabi pagkatapos ng trabaho, ilang taon na ang nakararaan, sumakay ako sa lagi ko nang sinasakyan na bus pauwi sa New Jersey mula sa New York City. Napansin ng babaeng nakatabi ko ang isinusulat ko sa computer ko at nagtanong, “Naniniwala ka … kay Cristo?” …
… Mga bata at kabataan: maaari bang itanong ninyo sa inyong mga magulang o lider mamaya, “Bakit kinailangang mamatay si Jesus?” …
Ipinaalam ko sa aking bagong kaibigan na tayo ay may espiritu bukod pa sa katawan at ang Diyos ang Ama ng ating mga espiritu. … Dahil mahal Niya siya at ang lahat ng Kanyang mga anak, gumawa Siya ng plano para sa atin na tumanggap ng katawan sa larawan ng Kanyang niluwalhating katawan, maging bahagi ng isang pamilya, at bumalik sa Kanyang mapagmahal na presensya upang matamasa ang buhay na walang hanggan kasama ang ating pamilya tulad ng ginagawa Niya. Ngunit, sabi ko, mahaharap tayo sa dalawang pangunahing balakid sa mundong ito: (1) pisikal na kamatayan—ang paghihiwalay ng ating katawan mula sa ating espiritu. … At (2) espirituwal na kamatayan—ang pagkawalay natin sa Diyos dahil ang ating mga kasalanan, pagkakamali, at kapintasan ay naglalayo sa atin sa Kanyang banal na presensya. …
Pinatotohanan ko sa aking kaibigan, at pinatototohanan ko sa inyo, na si Jesucristo ang Tagapagligtas na iyon, na kinailangan Niyang magdusa, mamatay, at muling magbangon—ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala—upang tubusin ang buong sangkatauhan mula sa pisikal na kamatayan at upang maibigay ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos at ng ating pamilya sa lahat ng susunod sa Kanya. …
Ang mga hakbang na inihayag ng Diyos na dapat nating gawin upang masunod si Jesus at matanggap ang buhay na walang hanggan ay tinatawag na doktrina ni Cristo. Kabilang dito ang “pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag [sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw], pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas” [Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2004), 80].