Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan
Sa palagiang patnubay ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Isang mahalagang pahayag na ginamit ni Haring Benjamin sa kanyang mga turo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang paulit-ulit kong pinag-aaralan at pinagninilayan sa loob ng maraming taon.
Sa kanyang espirituwal na nakaaantig na sermon ng pamamaalam sa mga tao na kanyang pinaglingkuran at minahal, inilarawan ni Haring Benjamin ang kahalagahan ng malaman ang kaluwalhatian ng Diyos at malasap ang Kanyang pagmamahal, tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, laging alalahanin ang kadakilaan ng Diyos, at manalangin araw-araw at matatag na manindigan sa pananampalataya.1 Nangako rin siya na sa paggawa ng mga bagay na ito, “kayo ay laging magsasaya, at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos, at laging mananatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan.”2
Ang mensahe ko ay nakatuon sa alituntunin na panatilihin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Ang katotohanang ipinahahayag nito ay magpapalakas sa ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at gagawin tayong mas mabubuting disipulo. Dalangin ko na bigyang-inspirasyon at pasiglahin tayo ng Espiritu Santo habang pinag-uusapan natin ang mahahalagang espirituwal na katotohanan.
Espirituwal na Muling Pagsilang
Sa mortalidad dumaranas tayo ng pisikal na pagsilang at ng pagkakataon na espirituwal na muling isilang.3 Pinagsabihan tayo ng mga propeta at apostol na [magising] sa Diyos,4 na “isilang na muli,”5 at maging mga bagong nilalang kay Cristo6 sa pagtanggap sa ating buhay ng mga pagpapalang ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang “kabutihan, … awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas”7 ay matutulungan tayong madaig ang pagiging makasarili at maramot ng likas na tao at mas maging hindi makasarili, mabait, at banal. Pinapayuhan tayo na mamuhay sa paraan na tayo ay “makatayong walang bahid-dungis sa harapan [ng Panginoon] sa huling araw.”8
Ang Espiritu Santo at mga Ordenansa ng Priesthood
Ibinuod ni Propetang Joseph Smith ang mahalagang papel ng mga ordenansa ng priesthood sa ebanghelyo ni Jesucristo: “Ang [pagsilang] na muli ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa.”9 Binibigyang-diin ng tumatagos na pahayag na ito ang mga papel kapwa ng Espiritu Santo at ng mga sagradong ordenansa sa proseso ng espirituwal na pagsilang na muli.
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay isang personaheng espiritu at sumasaksi sa lahat ng katotohanan. Sa mga banal na kasulatan ang Espiritu Santo ay tinutukoy na Mang-aaliw,10 isang Guro,11 at isang Tagapaghayag.12 Bukod pa riyan, ang Espiritu Santo ay isang Tagapagpabanal13 na nililinis at sinisilaban ang dumi at kasamaan sa kaluluwa ng tao na tulad sa apoy.
Ang mga banal na ordenansa ay napakahalaga sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at sa paglapit sa Kanya at paghahangad na isilang na muli. Ang mga ordenansa ay mga sagradong gawain na may espirituwal na layunin, walang-hanggang kahalagahan, at nauugnay sa mga batas at utos ng Diyos.14 Ang lahat ng nakapagliligtas na mga ordenansa at ang ordenansa ng sakramento ay kailangang bigyang-pahintulot ng isang taong mayhawak ng kailangang mga susi ng priesthood.
Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na pinangangasiwaan sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay higit pa sa mga ritwal o simbolikong gawain. Binubuo ng mga ito ang mga awtorisadong pamamaraan para dumaloy ang mga pagpapala at kapangyarihan ng langit sa ating sariling buhay.
“At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.
“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.
“At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi makikita ng mga tao sa laman.”15
Ang mga ordenansang tinanggap at iginalang nang may dangal ay mahalaga sa pagtatamo ng kapangyarihan ng kabanalan at lahat ng pagpapalang ibinibigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Pagtatamo at Pagpapanatili ng Kapatawaran ng mga Kasalanan sa Pamamagitan ng mga Ordenansa
Para mas lubos na maunawaan ang proseso para matamo at mapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, kailangan muna nating unawain ang di-mapaghihiwalay na kaugnayan sa isa’t isa ng tatlong sagradong ordenansa na nagbibigay-daan para makamtan ang mga kapangyarihan ng langit: binyag sa pamamagitan ng paglulubog, pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, at ang sakramento.
Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan “ang panimulang ordenansa ng ebanghelyo”16 ni Jesucristo at kailangang pangunahan ng pananampalataya sa Tagapagligtas at taos-pusong pagsisisi. Ang ordenansang ito “ay isang palatandaan at isang kautusan na itinatag ng Diyos para sa [Kanyang mga anak] para makapasok sa Kanyang kaharian.”17 Ang pagbibinyag ay pinangangasiwaan sa awtoridad ng Aaronic Priesthood. Sa proseso ng paglapit sa Tagapagligtas at espirituwal na pagsilang na muli, inilalaan ng binyag ang kailangang paunang paglilinis ng ating kaluluwa mula sa kasalanan.
Kabilang sa tipan sa binyag ang tatlong napakahahalagang pangako: (1) maging handang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, (2) lagi siyang alalahanin, at (3) sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang ipinangakong pagpapala para sa paggalang sa tipang ito ay “nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin].”18 Sa gayon, mahalaga ang binyag sa paghahandang tumanggap ng awtorisadong pagkakataon na mapatnubayan palagi ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.
“Ang pagbibinyag [sa pamamagitan ng] tubig … ay kinakailangang masundan ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo upang malubos.”19 Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.”20
Binibigyang-diin ng tatlong pahayag ni Propetang Joseph Smith ang mahalagang kaugnayan ng mga ordenansa ng binyag sa paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.
Unang Pahayag: “Ang binyag ay banal na ordenansang naghahanda para matanggap ang Espiritu Santo; ito ang daluyan at susi sa pagkakaloob ng Espiritu Santo.”21
Ikalawang Pahayag: “Para kayong nagbinyag ng isang sakong buhangin kapag bininyagan ninyo ang isang tao nang hindi para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkakamit ng Espiritu Santo. Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo.”22
Ikatlong pahayag: “Ang binyag sa tubig, kung walang binyag ng apoy at pagdalo ng Espiritu Santo, ay walang kabuluhan. Kinakailangang ang mga ito ay magkasama at di-maaaring paghiwalayin.”23
Ang di-nagbabagong kaugnayan sa isa’t isa ng alituntunin ng pagsisisi, mga ordenansa ng binyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at ang maluwalhating pagpapala na mapatawad ang mga kasalanan ay paulit-ulit na binibigyang-diin sa mga banal na kasulatan.
Ipinahayag ni Nephi, “Sapagkat ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig; at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.”24
Ipinahayag ng Tagapagligtas mismo, “Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.”25
Ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo ay isang ordenansang pinangangasiwaan sa awtoridad ng Melchizedek Priesthood. Sa proseso ng paglapit sa Tagapagligtas at espirituwal na pagsilang na muli, ang pagtanggap ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo sa ating buhay ay ginawang posible ang patuloy na paglilinis ng ating kaluluwa mula sa kasalanan. Mahalaga ang masayang pagpapalang ito dahil “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos.”26
Dahil mga miyembro tayo ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, pinagpala tayo kapwa sa ating paunang paglilinis mula sa kasalanan na nauugnay sa binyag at sa potensyal na patuloy na paglilinis mula sa kasalanan na naging posible sa pamamagitan ng patnubay at kapangyarihan ng Espiritu Santo—ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.
Isipin kung paano umaasa ang isang magsasaka sa di-nagbabagong huwaran ng pagtatanim at pag-aani. Ang pag-unawa sa kaugnayan ng paghahasik ng punla sa pag-aani ay laging pinagmumulan ng layunin at iniimpluwensyahan ang lahat ng desisyon at pagkilos ng isang magsasaka sa lahat ng panahon ng taon. Sa gayon ding paraan, ang di-mapaghihiwalay na kaugnayan ng mga ordenansa ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo ay dapat makaapekto sa bawat aspeto ng ating pagkadisipulo sa lahat ng panahon ng ating buhay.
Ang sakramento ang ikatlong ordenansang kailangan para magtamo ng kapangyarihan ng kabanalan. Para mas lubos tayong manatiling walang bahid-dungis mula sa mundo, inutusan tayong magpunta sa panalanginan at ihandog ang ating sakramento sa banal na araw ng Panginoon.27 Isipin lamang na ang mga sagisag ng katawan at dugo ng Panginoon, ang tinapay at tubig, ay kapwa binasbasan at pinabanal. “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay [o ang tubig] na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain [o iinom] nito.”28 Ang ibig sabihin ng gawing banal ay gawing dalisay at sagrado. Ang mga sagisag ng sakramento ay pinababanal bilang pag-alaala sa kadalisayan ni Cristo, ng ating lubos na pag-asa sa Kanyang Pagbabayad-sala, at ng ating responsibilidad na igalang ang ating mga ordenansa at tipan sa paraan na tayo ay “makatayong walang bahid-dungis sa [Kanyang] harapan sa huling araw.”29
Ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos at espirituwal na mapanibago. Ang pakikibahagi ng sakramento, kung tutuusin, ay hindi tumutubos ng mga kasalanan. Ngunit kapag naghanda tayo nang seryoso at nakibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon. At sa palagiang patnubay ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.
Talagang tayo ay pinagpapala linggu-linggo ng pagkakataong suriin ang ating buhay sa pamamagitan ng ordenansa ng sakramento, mapanibago ang ating mga tipan, at matanggap ang pangako sa tipang ito.30
Nabinyagang Muli
Kung minsan ay ipinahahayag ng mga Banal sa mga Huling Araw na sana’y mabinyagan silang muli—at nang sa gayo’y maging malinis at karapat-dapat sila na katulad noong natanggap nila ang kanilang unang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo. Buong paggalang kong sinasabi na hindi nilalayon ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na makadama tayo ng espirituwal na pagpapanibago, pananariwa, at panunumbalik nang minsan lang sa ating buhay. Ang mga pagpapala ng pagtatamo at pagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan sa tuwina sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo ay tinutulungan tayong maunawaan na ang binyag ay isang panahon ng pagsisimula sa pagtahak sa ating espirituwal na landas sa buhay na ito; hindi ito isang hantungan na dapat nating panabikang bisitahin nang paulit-ulit.
Ang mga ordenansa ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog, pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, at sakramento ay mga kaganapang magkakaugnay at hindi magkakahiwalay; bagkus, mahalaga ang mga ito sa magkakaugnay at magkakasamang huwaran ng pagkatubos. Bawat sumunod na ordenansa ay pinararangal at pinalalaki ang ating espirituwal na layunin, hangarin, at gawain. Ang plano ng Ama, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at ang mga ordenansa ng ebanghelyo ay inilalaan ang biyayang kailangan natin upang sumulong at umunlad nang taludtod sa taludtod at tuntuntin sa tuntunin tungo sa ating walang-hanggang tadhana.
Pangako at Patotoo
Tayo ay di-perpektong mga nilalang na nagpupunyaging mabuhay sa mundong ito ayon sa perpektong plano ng Ama sa Langit sa walang-hanggang pag-unlad. Ang mga pangangailangan ng Kanyang plano ay maluwalhati, maawain, at mahigpit. Kung minsa’y maaaring matibay ang ating pagpapasiya at kung minsa’y madarama natin na may pagkukulang tayo. Maaaring isipin natin kung espirituwal pa ba nating masusunod ang utos na tumayo nang walang bahid-dungis sa Kanyang harapan sa huling araw.
Sa tulong ng Panginoon at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu na “magtuturo sa [atin] ng lahat ng mga bagay,”31 tunay ngang mapagpapala tayong matanto ang ating espirituwal na mga posibilidad. Ang mga ordenansa ay nag-aanyaya ng espirituwal na layunin at kapangyarihan sa ating buhay kapag nagpunyagi tayong maisilang na muli at maging kalalakihan at kababaihan ni Cristo.32 Mapapalakas Niya tayo sa ating mga kahinaan, at madaraig natin ang ating mga limitasyon.
Bagaman walang sinuman sa atin ang maaaring maging perpekto sa buhay na ito, maaari tayong maging higit na karapat-dapat at walang bahid-dungis kapag tayo ay “nalinis sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.”33 Nangangako ako at nagpapatotoo na pagpapalain tayo ng higit na pananampalataya sa Tagapagligtas at ng mas dakilang espirituwal na pagtiyak kapag hinangad natin na mapanatili sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at, sa huli, tumayo nang walang bahid-dungis sa harapan ng Panginoon sa huling araw. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.