Isang Natatanging Dakilang Tungkulin
Bilang mga kababaihang may pananampalataya, magagamit natin ang mga alituntunin ng katotohanan mula sa mga karanasan ni Propetang Joseph na nagbibigay ng mga kaalaman tungkol sa pagtanggap ng paghahayag para sa ating sarili.
Nagpapasalamat akong maituon ang aking mensahe ngayon sa patuloy na mga tungkulin ng kababaihan sa Pagpapanumbalik. Malinaw na sa buong kasaysayan ay may natatanging bahagi ang kababaihan sa plano ng ating Ama sa Langit. Itinuro ni Pangulong Russell M.Nelson, “Hindi masusukat ang impluwensya ng … kababaihan, hindi lamang sa mga pamilya kundi sa Simbahan ng Panginoon, bilang asawa, ina, at lola; bilang mga kapatid at tiya; bilang mga guro at lider; at lalo na bilang mga uliran at tapat na tagapagtanggol ng pananampalataya.” 1
Sa Relief Society noon sa Nauvoo, 178 taon na ang nakalipas, ipinayo ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan na “maging marapat sa [kanilang] mga pribilehiyo.” 2 Ang kanilang halimbawa ay nagtuturo sa atin ngayon. Nagkakaisa silang sumunod sa tinig ng isang propeta at namuhay nang may matatag na pananampalataya kay Jesucristo nang tumulong silang ilatag ang pundasyong kinatatayuan natin ngayon. Mga kapatid, tayo naman ang kikilos. May isang banal na utos sa atin ang Panginoon, at ang ating matapat at natatanging kontribusyon ay napakahalaga.
Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang maging mabuting babae sa huling panahon ng mundong ito, bago ang ikalawang pagparito ng ating Tagapagligtas, ay natatanging dakilang tungkulin. Maaaring higit sa sampung beses ang lakas at impluwensya ng mabuting babae ngayon kaysa noong mga panahong mas mapayapa.” 3
Nakiusap din si Pangulong Russell M. Nelson: “Hinihiling ko sa aking mga kapatid na babae sa [Simbahan] … [na tumulong]! Gawin ang inyong responsibilidad sa inyong tahanan, komunidad, at kaharian ng Diyos—nang mas mahusay kaysa rati.” 4
Kamakailan, nagkaroon ako ng pribilehiyo, kasama ang isang grupo ng mga bata sa Primary, na makausap si Pangulong Russell M. Nelson sa replika ng tahanan ng pamilya Smith sa Palmyra, New York. Makinig habang itinuturo ng ating pinakamamahal na propeta sa mga bata kung ano ang magagawa nila para makatulong.
Sister Jones: “Gusto kong malaman kung may gusto kayong itanong kay Pangulong Nelson. Kasama ninyo rito ang propeta. Mayroon ba kayong matagal nang gustong itanong sa propeta? Sige, Pearl.”
Pearl: “Mahirap po bang maging propeta? Talaga po bang marami kayong ginagawa?”
Pangulong Nelson: “Siyempre mahirap. Lahat ng ginagawa para maging higit na katulad ng Tagapagligtas ay mahirap. Halimbawa, nang gustong ibigay ng Diyos ang Sampung Utos kay Moises, saan Niya pinapunta si Moises? Sa tuktok ng bundok, sa tuktok ng Bundok ng Sinai. Kaya kinailangang umakyat ni Moises sa tuktok ng bundok na iyan para makuha ang Sampung Utos. Ngayon, maaari namang sabihin ng Ama sa Langit na, ‘Moises, diyan ka magsimula, at dito naman ako, at magkita tayo sa gitna.’ Pero hindi, nais ng Panginoon na may pagsisikap, dahil naghahatid ito ng mga gantimpala na hindi darating kung wala ito. Halimbawa, nag-aral na ba kayong magpiyano?”
Mga Bata: “Opo.”
Pearl: “Nag-aaral po ako ng biyolin.”
Pangulong Nelson: “At nagpapraktis ba kayo?”
Mga Bata: “Opo.”
Pangulong Nelson: “Ano’ng mangyayari kung hindi kayo magpraktis?”
Pearl: “Nakakalimutan po.”
Pangulong Nelson: “Tama, hindi ka uunlad, ’di ba? Kaya ang sagot ay oo, Pearl. Kailangang magsikap, magsipag nang husto, mag-aral nang mabuti, at walang katapusan iyan. Mabuti iyan! Mabuti iyan, dahil lagi tayong umuunlad. Kahit sa kabilang buhay, umuunlad pa rin tayo.”
Ang sagot ni Pangulong Nelson sa mahal na mga batang ito ay para din sa bawat isa sa atin. Nais ng Panginoon na may pagsisikap, at ang pagsisikap ay naghahatid ng mga gantimpala. Patuloy tayong nagpapraktis. Palagi tayong umuunlad hangga’t nagsisikap tayong sumunod sa Panginoon. 5 Hindi Niya tayo inaasahang maging perpekto ngayon. Patuloy nating inaakyat ang ating personal na Bundok ng Sinai. Tulad noong araw, ang paglalakbay natin ay talagang nangangailangan ng pagsisikap, sipag, at pag-aaral, ngunit ang determinasyon nating umunlad ay maghahatid ng walang-hanggang mga gantimpala. 6
Ano pa ang matututuhan natin mula kay Propetang Joseph Smith at sa Unang Pangitain tungkol sa pagsisikap, sipag, at pag-aaral? Ang Unang Pangitain ay nagbibigay sa atin ng direksyon sa ating natatangi at patuloy na mga tungkulin. Bilang mga kababaihang may pananampalataya, magagamit natin ang mga alituntunin ng katotohanan mula sa mga karanasan ni Propetang Joseph na nagbibigay ng mga kaalaman tungkol sa pagtanggap ng paghahayag para sa ating sarili. Halimbawa:
-
Kumikilos tayo kahit nahihirapan.
-
Nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan upang tumanggap ng karunungan kung paano kikilos.
-
Ipinapakita natin ang ating pananampalataya at tiwala sa Diyos.
-
Taimtim tayong sumasamo sa Diyos na tulungan tayong hadlangan ang impluwensya ng kaaway.
-
Ipinapasakop natin sa Diyos ang mga naisin ng ating puso.
-
Nakatuon tayo sa Kanyang liwanag na gumagabay sa mga desisyon natin sa buhay at nananatili ito sa atin kapag bumabaling tayo sa Kanya.
-
Nauunawaan natin na kilala Niya ang bawat isa sa atin sa pangalan at may mga tungkuling gagampanan ang bawat isa sa atin. 7
Bukod pa riyan, ipinanumbalik ni Joseph Smith ang kaalaman na tayo ay may banal na potensyal at walang-hanggang kahalagahan. Dahil sa kaugnayan nating iyan sa ating Ama sa Langit, naniniwala ako na inaasahan Niya tayong tumanggap ng paghahayag mula sa Kanya.
Pinagbilinan ng Panginoon si Emma Smith na “[tanggapin] ang Espiritu Santo,” matuto ng marami, “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, … hangarin ang mga bagay na mas mabuti,” at “tuparin ang mga tipan na [kanyang] ginawa” sa Diyos. 8 Ang pagkatuto ay mahalaga sa pag-unlad, lalo na’t itinuturo sa atin ng palagiang patnubay ng Espiritu Santo kung ano ang kailangang isantabi ng bawat isa sa atin—ibig sabihin yaong mga nakakagambala sa atin o nakakaantala sa ating pag-unlad.
Sabi ni Pangulong Nelson, “Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.” 9 Patuloy kong inaalala ang mga salita ng ating propeta habang iniisip ko ang kakayahan ng kababaihan na tumulong. Nakikiusap siya sa atin, na nagpapahiwatig ng prayoridad. Itinuturo niya sa atin kung paano espirituwal na manatiling ligtas sa isang mundong puno ng kasamaan sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa paghahayag. 10 Kapag ginawa natin ito, na iginagalang at ipinamumuhay ang mga utos ng Panginoon, pinangakuan tayo, maging katulad ni Emma Smith, ng “isang putong ng kabutihan.” 11 Itinuro ni Propetang Joseph ang kahalagahan na alam natin na sinasang-ayunan ng Diyos ang landas na ating tinatahak sa buhay na ito. Kung wala ang kaalamang iyan, “mapapagal ang [ating] mga isipan at manghihina” tayo. 12
Sa kumperensyang ito, makakarinig tayo ng mga katotohanan na humihikayat sa atin na baguhin, pagbutihin, at dalisayin ang ating buhay. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, mapipigilan natin ang tinatawag ng ilan na “nakapupuspos na epekto ng pangkalahatang kumperensya”—kapag determinado tayo sa pag-alis natin na gawin itong lahat ngayon. Maraming tungkulin ang kababaihan, ngunit imposible, at hindi kailangan, na gawin ang mga ito nang sabay-sabay. Tinutulungan tayo ng Espiritu na matukoy kung aling gawain ang pagtutuunan ngayon. 13
Tinutulungan tayo ng mapagmahal na impluwensya ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman ang Kanyang prayoridad para sa ating pag-unlad. Ang pagtalima sa personal na paghahayag ay humahantong sa personal na pag-unlad. 14 Nakikinig at kumikilos tayo. 15 Sabi ng Panginoon, “Humingi sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo, na nagpapahayag ng lahat ng bagay na kinakailangan.” 16 Ang ating patuloy na tungkulin ay tumanggap ng patuloy na paghahayag.
Kapag nagtatamo tayo ng mas matinding antas ng kahusayan sa paggawa nito, makatatanggap tayo ng karagdagang kapangyarihan sa kani-kanya nating tungkulin na maglingkod at isagawa ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan—upang tunay na “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti.” 17 Sa gayon ay mas epektibo nating mahihikayat ang ating bagong henerasyon na gawin din iyon.
Mga kapatid, hangad nating lahat ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. 18 May magandang pagkakaisa sa kababaihan at kalalakihan sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos ngayon. Matatanggap natin ang kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng mga tipan, na unang ginawa sa mga tubig ng binyag at pagkatapos ay sa loob ng mga banal na templo. 19 Itinuro sa atin ni Pangulong Nelson, “Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos.” 20
Inaamin ko ngayon na bilang isang babae ay hindi ko natanto, noong bata pa ako, na magagamit ko, sa pamamagitan ng aking mga tipan, ang kapangyarihan ng priesthood. 21 Mga kapatid, dalangin ko na makikilala at mapapahalagahan natin ang kapangyarihan ng priesthood habang ating “[tinutupad] ang [ating] mga tipan,” 22 tinatanggap ang mga katotohanan ng mga banal na kasulatan, at pinakikinggan ang mga salita ng ating mga buhay na propeta.
Buong tapang nating ipahayag ang ating katapatan sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas, “na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.” 23 Masaya tayong magpatuloy sa paglalakbay na ito patungo sa ating pinakamataas na espirituwal na potensyal at tulungan natin ang mga nasa paligid natin na magawa rin ito sa pamamagitan ng pagmamahal, paglilingkod, pamumuno, at habag.
Magiliw na ipinaalala sa atin ni Elder James E. Talmage, “Ang pinakadakilang tagapagtanggol ng kababaihan ay si Cristo Jesus.” 24 Sa huling pagsusuri tungkol sa patuloy na mga tungkulin ng kababaihan sa Pagpapanumbalik, at para sa ating lahat, anong tungkulin ang pinakadakila? Pinatototohanan ko na iyon ay ang pakinggan Siya, 25 sundin Siya, 26 magtiwala sa Kanya, 27 at ipadama sa iba ang Kanyang pagmamahal. 28 Alam ko na Siya ay buhay. 29 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.