Pangkalahatang Kumperensya
Tayo ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


10:0

Tayo ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Simbahan ay higit pa sa mga gusali at istruktura sa pamumuno; ang Simbahan ay tayo, ang mga miyembro, na si Cristo ang pinuno at ang propeta ang Kanyang tagapagsalita.

Matapos matanggap ang paanyayang “pumarito at tingnan,”1 dumalo ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa unang pagkakataon sa edad na 26. Kahihiwalay ko lang noon sa una kong asawa. Mayroon akong tatlong-taong-gulang na anak na lalaki. At nanghihina ako noon sa takot. Pagpasok ko sa gusali, napuspos ako ng sigla nang madama ko ang pananampalataya at galak ng mga taong nakapaligid sa akin. Tunay itong isang “kanlungan mula sa bagyo.”2 Pagkaraan ng tatlong linggo, nakipagtipan ako sa Ama sa Langit sa binyag at sinimulan ko ang aking paglalakbay bilang disipulo ni Cristo, bagama’t hindi naging perpekto ang buhay ko sa paglalakbay na iyon.

Para matanggap ko ang mga walang-hanggang pagpapalang iyon, maraming pisikal at espirituwal na elemento ang kailangan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik at naipangaral na; ang meetinghouse na iyon ay naitayo at naayos na; mayroong istruktura sa pamumuno, mula sa propeta hanggang sa mga lokal na lider; at isang branch na puno ng pinagtipanang mga miyembro ang handang tumanggap sa akin at sa aking anak nang dalhin kami sa Tagapagligtas, na “[na]pangalagaan ng mabuting salita ng Diyos,”3 at nabigyan ng mga pagkakataong maglingkod.4

Sa simula pa lamang, hinangad na ng Diyos na tipunin at ayusin ang Kanyang mga anak5 para “isakatuparan ang [ating] kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.”6 Nasasaisip ang layuning iyon, inutusan Niya tayong magtayo ng mga sambahan7 kung saan tayo ay tumatanggap ng kaalaman at mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan; gumagawa at tumutupad ng mga tipan na nagbibigkis sa atin kay Jesucristo;8 pinagkakalooban ng “kapangyarihan ng kabanalan”;9 at sama-samang nagtitipon nang madalas para alalahanin si Jesus at palakasin ang isa’t isa sa Kanya.10 Ang organisasyon ng Simbahan at ang mga gusali nito ay itinatag para sa ating espirituwal na pakinabang. “Ang Simbahan ang suporta sa pagtatatag natin ng mga walang-hanggang pamilya.”11

Habang kausap ang isang kaibigang dumaranas ng paghihirap, itinanong ko kung paano siya nakakaraos sa pananalapi. Lumuluhang tumugon siya na tinutulungan siya ng bishop gamit ang pondo ng handog-ayuno. Dagdag pa niya, “Hindi ko alam kung ano ang magiging kalagayan namin ng pamilya ko kung wala ang Simbahan.” Sumagot ako, “Ang Simbahan ay ang mga miyembro. Sila ang bukal-sa-loob at masayang nagbibigay ng mga handog-ayuno para matulungan ang mga nangangailangan sa atin. Tinatanggap mo ang mga bunga ng kanilang pananampalataya at determinasyon na sundan si Jesucristo.”

Mga kapwa ko disipulo ni Cristo, huwag nating maliitin ang kamangha-manghang gawaing ginagawa ng Panginoon sa pamamagitan natin, na Kanyang Simbahan, sa kabila ng ating mga pagkukulang. Kung minsa’y tayo ang nagbibigay at kung minsa’y tayo ang tumatanggap, ngunit isang pamilya tayong lahat kay Cristo. Ang Kanyang Simbahan ang istrukturang ibinigay Niya para gabayan at pagpalain tayo habang sinasamba natin Siya at pinaglilingkuran ang isa’t isa.

Humingi ng paumanhin ang ilang sister sa akin, na iniisip na hindi sila aktibong mga miyembro ng Relief Society dahil naglilingkod sila sa Primary o Young Women. Ang mga sister na iyon ay kabilang sa pinakaaktibong mga miyembro ng Relief Society dahil tinutulungan nila ang minamahal nating mga bata at kabataan na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Ang Relief Society ay hindi limitado sa isang silid sa isang gusali, sa isang lesson tuwing Linggo, sa isang aktibidad, o sa isang panguluhan sa lokal o pangkalahatang antas. Ang Relief Society ay ang pinagtipanang kababaihan ng Simbahan; iyon ay tayobawat isa sa atin at lahat tayo. Ito ang ating “pandaigdigang pamayanan ng pagdamay at paglilingkod.”12 Saan man tayo magtungo, bahagi tayo palagi ng Relief Society habang nagsisikap tayong tuparin ang banal na layunin nito, na maisakatuparan ng kababaihan ang gawain ng Diyos sa kani-kanyang paraan at sa kolektibong paraan13 sa pamamagitan ng pagbibigay ng ginhawa: “ginhawa mula sa kahirapan, ginhawa mula sa karamdaman; ginhawa mula sa pagdududa, ginhawa mula sa kamangmangan—ginhawa mula sa lahat ng humahadlang sa … kagalakan at pag-unlad.”14

Ang pagiging kabilang na iyon ay makikita sa mga elders quorum at organisasyon ng Simbahan para sa lahat ng edad, kabilang na ang ating mga bata at kabataan. Ang Simbahan ay higit pa sa mga gusali at istruktura sa pamumuno; ang Simbahan ay tayo, ang mga miyembro. Tayo ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na si Cristo ang pinuno at ang propeta ang Kanyang tagapagsalita. Sinabi na ng Panginoon:

“Masdan, ito ang aking doktrina—sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin, siya rin ay aking simbahan. …

“At … sinuman ang nasa sa aking simbahan, at mananatili sa aking simbahan hanggang katapusan, siya ay aking itatayo sa aking bato.”15

Mga kapatid, tantuhin natin kung gaano kalaki ang pribilehiyo nating mapabilang sa Simbahan ni Jesucristo, kung saan maaari tayong magkaisa sa ating pananampalataya, puso, lakas, isipan, at mga kamay para sa Kanya upang magawa ang Kanyang malalaking himala. “Sapagkat ang katawan [ng Simbahan ni Cristo] ay hindi iisang bahagi, kundi marami.”16

Sinabi ng isang binatilyo sa kanyang ina, “Noong maliit pa ako, bawat pagkakataong nagbigay ako ng isang dolyar sa ikapu, inakala ko na sa isang dolyar na iyon ay maitatayo ang isang buong meetinghouse. Hindi ba nakakatawa iyon?”

Naantig ang kanyang ina, at tumugon, “Maganda iyon! Nakita mo ba ang mga iyon sa isipan mo?”

“Opo!” bulalas niya. “Maganda ang mga iyon, at milyun-milyon ang mga iyon!”17

Mahal kong mga kaibigan, magkaroon tayo ng pananampalataya ng isang bata at magalak sa pagkaalam na kahit ang ating pinakamaliliit na pagsisikap ay gumagawa ng malaking kaibhan sa kaharian ng Diyos.

Ang dapat na maging layunin natin sa Kanyang kaharian ay ang dalhin ang isa’t isa kay Cristo. Tulad ng nababasa natin sa mga banal na kasulatan, ibinigay ng Tagapagligtas ang paanyayang ito sa mga Nephita:

“Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon bang … mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa.

“… Nakikita ko na sapat ang inyong pananampalataya upang kayo ay pagalingin ko.”18

Hindi ba lahat tayo ay may mga paghihirap na madadala sa paanan ng Tagapagligtas? Habang ang ilan sa atin ay may pisikal na mga hamon, marami pa ang nakikibaka sa nagtatalong damdamin, ang iba ay nahihirapang pangalagaan ang mga pakikipag-ugnayan nila sa iba, at lahat tayo’y naghahangad ng kaunting pahinga kapag may hamon sa ating espiritu. Tayong lahat ay may mga paghihirap na dinaranas.

Nababasa natin na “lahat ng tao, ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at … ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya.

“At lahat sila, kapwa sila na mga napagaling at sila na mga walang sakit, ay yumukod sa kanyang paanan, at sinamba siya.”19

Mula sa maliit na batang lalaki na nagbabayad ng ikapu nang may pananampalataya, isang nag-iisang ina na nangangailangan ng nagpapalakas na biyaya ng Panginoon, isang ama na nahihirapang tustusan ang kanyang pamilya, sa ating mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa ng kaligtasan at kaluwalhatian, hanggang sa bawat isa sa atin na nagpapanibago ng mga tipan sa Diyos bawat linggo, kailangan natin ang isa’t isa, at madadala natin ang isa’t isa sa tumutubos na pagpapagaling ng Tagapagligtas.

Mahal kong mga kapatid, sundin natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na dalhin ang ating sarili at ang ating mga paghihirap sa Kanya. Kapag lumalapit tayo sa Kanya at dinadala ang mga mahal natin sa Kanya, nakikita Niya ang ating pananampalataya. Pagagalingin Niya sila, at pagagalingin Niya tayo.

Bilang “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo,”20 nagsisikap tayong magkaroon ng “isang puso at isang isipan”21 at maging mapagpakumbaba; masunurin; maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; puno ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, at nananagana sa mabubuting gawa.22 Nagsisikap tayo na maging katulad ni Jesucristo.

Pinatototohanan ko na bilang Simbahan ni Cristo, sa pamamagitan natin, ayon sa itinuro ni Pangulong Russel M. Nelson, “ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito.”23

Sinabi na ng Panginoon:

“Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito.

At aking ibinibigay sa inyo … ang isang kautusan na sama-samang tipunin ninyo ang inyong sarili, at ayusin ang inyong sarili, at ihanda ang inyong sarili, at pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay at inyong mga paa sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis.”24

Nawa’y tumugon tayo sa banal na paanyayang ito at masaya tayong magtipon, mag-organisa, maghanda at pabanalin ang ating sarili ang aking abang dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.