“Sa Buhay Man o sa Kamatayan,” kabanata 9 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 9: “Mabuhay Man Ako o Mamatay”
Kabanata 9
Mabuhay Man Ako o Mamatay
Noong Linggong matapos maorganisa ang simbahan, nangaral si Oliver sa pamilya Whitmer at sa kanilang mga kaibigan sa Fayette. Marami sa kanila ay nagbigay-suporta sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon ngunit hindi pa sumasapi sa simbahan. Pagkatapos magsalita ni Oliver, anim na tao ang humiling sa kanya na binyagan sila sa kalapit na lawa.1
Habang dumarami ang mga tao na sumasapi sa bagong simbahan, ang bigat ng mga atas ng Panginoon na ibahagi ang ebanghelyo sa buong mundo ay naramdaman ni Joseph. Inilathala niya ang Aklat ni Mormon at inorganisa ang simbahan ng Panginoon, ngunit mahina ang benta ng aklat at halos lahat ng naghangad ng binyag ay pawang kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Bukod doon ay marami pang dapat matutuhan si Joseph tungkol sa langit at lupa.
Ang mga taong sumapi sa Simbahan ay madalas pumunta na hinahangad ang mga kaloob ng Espiritu at iba pang mga himalang nabasa nila sa Bagong Tipan.2 Ngunit ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nangako sa mga mananampalataya ng bagay na mas dakila kaysa sa mga kababalaghan at tanda. Itinuro ni Benjamin, na isang matalinong propeta at hari sa Aklat ni Mormon, na kung susunod ang mga tao sa Banal na Espiritu, matatalikdan nila ang pagiging likas na makasalanan at magiging mga banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.3
Para kay Joseph, ang hamon ngayon ay kung paano maisusulong ang gawain ng Panginoon. Alam nila ni Oliver na dapat silang mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao. Ang bukirin ay handa nang anihin, at ang halaga ng bawat kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos. Ngunit paano magagawa ng dalawang batang apostol—isang magsasaka at isang guro sa paaralan, kapwa higit lamang nang kaunti sa dalawampung taon ang edad—na isulong ang gayong kadakilang gawain?
At paano magagawa ng isang maliit na simbahan sa kanayunang bahagi ng New York na bumangon mula sa abang simulain nito at umunlad hanggang sa mapuno ang buong mundo?
Matapos ang mga pagbibinyag sa Fayette, sinimulan ni Joseph ang isang-daang-milyang paglalakbay pabalik sa kanyang sakahan sa Harmony. Abala man siya sa bagong simbahan, kailangan niyang magtanim agad sa kanyang bukid kung gusto niya ng matagumpay na ani sa taglagas. Ang kanyang mga bayad para sa sakahan ng ama ni Emma ay huli na sa takdang araw, at kung hindi magiging maganda ang kanyang ani, kailangan niyang humanap ng iba pang paraan upang bayaran ang kanyang pagkakautang.
Sa kanyang pag-uwi, napadaan si Joseph sa sakahan nina Joseph at Polly Knight sa Colesville, New York. Matagal nang sumusuporta ang mga Knight sa kanya, pero hindi pa rin sila sumasapi sa simbahan. Si Joseph Knight ang partikular na nais mabasa ang Aklat ni Mormon bago niya yakapin ang bagong pananampalataya.4
Ilang araw na nanatili si Joseph sa Colesville, nangangaral sa mga Knight at sa kanilang mga kaibigan. Si Newel Knight, isa sa mga anak nina Joseph at Polly, ay madalas makipag-usap sa propeta tungkol sa ebanghelyo. Isang araw, inanyayahan siya ni Joseph na manalangin sa isang pulong, ngunit sinabi ni Newel na mas nais niyang manalangin sa kakahuyan nang mag-isa.
Kinabukasan, nagpunta sa kakahuyan si Newel at sinubukang manalangin. Nakadama siya ng pagkabalisa, at lalo itong lumala noong nagsimula na siyang umuwi. Nang makarating siya sa kanyang bahay, napakabigat ng kanyang pakiramdam kung kaya’t nakiusap siya sa kanyang asawang si Sally, na sunduin ang propeta.
Nagmamadaling lumapit kay Newel si Joseph at natagpuan ang mga kapamilya at kapitbahay nito na takot na takot na pinagmamasdan ang binata na namimilipit. Nang makita ni Newel si Joseph, humiyaw siya ng, “Itaboy mo ang demonyo!”
Hindi pa nasusubukan ni Joseph na magtaboy ng diyablo o magpagaling ng isang tao, ngunit alam niya na ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang kapangyarihang gawin ito. Agad na kumilos, hinawakan niya ang kamay ni Newel. “Sa pangalan ni Jesucristo,” sabi niya, “lumayo ka sa kanya.”
Pagkasabing-pagkasabi ni Joseph ng mga salitang ito, tumigil ang pamimilipit. Nasubsob si Newel sa sahig, pagod na pagod ngunit hindi nasaktan, ibinubulong na nakita niya ang diyablo na iniwan ang kanyang katawan.
Ang mga Knight at ang kanilang mga kapitbahay ay nagulat sa nagawa ni Joseph. Habang tinutulungan niya silang dalhin si Newel sa higaan, sinabi sa kanila ni Joseph na ito ang unang himalang isinagawa sa simbahan.
“Ito‘y gawa ng Diyos,” patotoo niya, “at sa kapangyarihan ng kabanalan.”5
Ilang daang milya sa kanluran, isang magsasakang nagngangalang Parley Pratt ang nadama ang Espiritu na humihimok sa kanya na lisanin ang kanyang tahanan at pamilya upang mangaral ng mga propesiya at espirituwal na kaloob na natagpuan niya sa Biblia. Ipinagbili niya ang kanyang sakahan nang mas mababa sa halaga nito at nagtiwalang pagpapalain siya ng Diyos sa pagsuko niya ng lahat ng bagay para kay Cristo.
Dala lamang ang ilang damit at sapat na salapi upang maisagawa ang paglalakbay, nilisan niya at ng kanyang asawang si Thankful ang kanilang tahanan at tumulak pasilangan upang bisitahin ang kanilang pamilya bago niya simulan ang pangangaral. Gayunman, habang naglalakbay sila sa kanal, bumaling si Parley kay Thankful at sinabi sa kanya na magpatuloy nang hindi siya kasama. Nadama niya ang Espiritu na nagsasabi sa kanya na bumama ng bangka.
“Mabilis lamang ako,” pangako niya. “May kailangan akong gawin sa lugar na ito.”6
Bumaba si Parley at naglakad ng sampung milya papasok sa probinsya, kung saan napunta siya sa tahanan ng isang Baptist na deacon na nagsabi sa kanya tungkol sa isang kakaibang bagong aklat na nabili niya. Di-umano ito ay isang sinaunang tala, sabi ng lalaki, na isinalin mula sa mga laminang ginto sa tulong ng mga anghel at pangitain. Hindi dala ng deacon ang nasabing aklat, ngunit ipinangako niya na ipakikita ito kay Parley kinabukasan.
Kinabukasan, bumalik si Parley sa bahay ng deacon. Sabik niyang binuklat ang aklat at binasa ang pahina ng pamagat nito. Pagkatapos ay tiningnan niya ang huling bahagi ng aklat at binasa ang mga patotoo ng ilang saksi. Naakit siya ng mga salita, at sinimulan niyang basahin ang aklat mula sa umpisa. Lumipas ang mga oras, ngunit hindi niya mapigil ang pagbabasa. Ang pagkain at pagtulog ay naging pasanin. Ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanya, at alam niya na ang aklat ay totoo.7
Agad nagpunta si Parley sa kalapit na nayon ng Palmyra, determinadong makilala ang tagasalin ng aklat. Itinuro sa kanya ng mga tao sa bayan ang isang bukid na ilang milya ang layo. Habang naglalakad si Parley sa direksyong iyon, nakita niya ang isang lalaki at nagtanong dito kung saan niya matatagpuan si Joseph Smith. Sinabi ng lalaki sa kanya na si Joseph ay nakatira sa Harmony, isang daang milya sa timog, ngunit ipinakilala nito ang sarili bilang si Hyrum Smith, na kapatid ng propeta.
Halos magdamag silang nag-usap, at pinatotohanan ni Hyrum ang Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng priesthood, at ang gawain ng Panginoon sa mga huling araw. Kinaumagahan, may mga nakaiskedyul na pangangaral si Parley na kailangang isagawa, kung kaya’t binigyan siya ni Hyrum ng kopya ng aklat at hinayaan siyang humayo.
Binuklat ni Parley ang aklat nang sumunod na magkaroon siya ng pagkakataon at natuklasan, sa kanyang kagalakan, na ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay binisita ang mga tao sa sinaunang Amerika at itinuro sa kanila ang Kanyang ebanghelyo. Ang mensahe ng aklat, napagtanto ni Parley, ay mas mahalaga pa sa lahat ng kayamanan ng mundo.
Nang matapos ang kanyang mga nakaiskedyul na pangangaral, bumalik si Parley sa bahay ng mga Smith. Malugod siyang tinanggap ni Hyrum at inanyayahan siyang bisitahin ang sakahan ng mga Whitmer, kung saan niya matatagpuan ang isang lumalaking kongregasyon ng mga miyembro ng simbahan.
Sabik na madagdagan ang mga nalalaman, tinanggap ni Parley ang paanyaya. Makalipas ang ilang araw, siya ay nabinyagan.8
Sa huling bahagi ng Hunyo 1830, naglakbay si Emma kasama sina Joseph at Oliver patungong Colesville. Ang balita tungkol sa himalang nagawa ni Joseph noong tagsibol na iyon ay kumalat sa buong lugar, at ngayon ang mga Knight at ilan pang pamilya ay nais nang sumapi sa simbahan.
Handa na ring magpabinyag si Emma. Tulad ng mga Knight, naniwala siya sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa pagkakahirang sa kanyang asawa bilang isang propeta, ngunit hindi pa siya sumapi sa simbahan.9
Pagdating sa Colesville, nagtrabaho si Joseph kasama ang iba pa sa paggawa ng dike sa isang kalapit na sapa upang sila ay makapagsagawa ng pulong para sa pagbibinyag kinabukasan. Subalit, sa pagsapit ng umaga, natuklasan nila na may sumira sa dike nang magdamag na iyon upang pigilang maganap ang mga pagbibinyag.
Nabigo, nagdaos sila sa halip ng pulong para sa araw ng Sabbath, at nangaral si Oliver tungkol sa binyag at Espiritu Santo. Pagkatapos ng sermon, isang lokal na ministro at ilang miyembro ng kanyang kongregasyon ang nagpahinto sa pulong at sinubukang hilahin palayo ang isa sa mga mananampalataya.
Pamilyar na nang husto si Emma sa pagsasalungat kay Joseph at sa kanyang mensahe. May ilang tao na tinawag siyang manlilinlang at inakusahan siya na pineperahan ang kanyang mga tagasunod. Ang iba naman ay hinahamak ang mga mananampalataya, binabansagan silang “Mormonite.”10 Nag-iingat na makaiwas sa mga kaguluhan, bumalik si Emma at ang iba pa sa batis kinabukasan nang maaga at inayos ang dike. Nang naging sapat na ang lalim ng tubig, lumusong dito si Oliver at bininyagan sina Emma, Joseph at Polly Knight, at sampung iba pa.
Sa gitna ng mga pagbibinyag, may mga kalalakihang nakatayo sa pampang, hindi kalayuan sa likuran, at nanggulo sa mga mananampalataya. Sinikap silang balewalain ni Emma at ng iba pa, subalit noong nagsimulang maglakbay ang grupo pabalik sa bukid ng mga Knight, sumunod ang mga kalalakihan, humihiyaw ng mga pagbabanta sa propeta sa kanilang pagdaan. Sa bahay ng mga Knight, ninais nina Joseph at Oliver na kumpirmahin ang mga babae at lalaki na mga bagong binyag, pero ang grupo ng mga nanggugulo na nasa labas ay lumaki at naging limampung tao na maingay na nandurumog.
Nag-aalala na baka sila ay sugurin, ang mga mananampalataya ay tumakas sa isang kalapit na bahay, umaasang matapos ang kumpirmasyon nang mapayapa. Ngunit bago pa nila maisagawa ng mga ordenansa, dinakip si Joseph ng isang constable at dinala siya sa kulungan dahil sa dulot na kaguluhan sa komunidad ng pangangaral tungkol sa Aklat ni Mormon.
Nagpalipas ng gabi si Joseph sa piitan, hindi tiyak kung darakpin siya ng mga mandurumog at isasakatuparan ang kanilang mga pagbabanta. Samantala, si Emma ay takot na naghintay sa bahay ng kanyang kapatid habang siya at ang kanilang mga kaibigan sa Colesville ay nagdasal para sa ligtas na pagpapalaya kay Joseph.11
Nang sumunod na dalawang araw, nilitis sa korte si Joseph at pinawalang-sala, para lamang muling arestuhin at litisin sa kahalintulad na mga kaso. Pagkatapos ng kanyang pangalawang paglilitis ay pinalaya siya, at sila ni Emma ay bumalik sa kanilang bukirin sa Harmony bago nakumpirma si Emma at ang mga Banal sa Colesville na maging mga miyembro ng simbahan.12
Sa kanilang tahanan, sinikap muli ni Joseph na magtrabaho sa kanyang bukid, ngunit binigyan siya ng Panginoon ng bagong paghahayag sa kung paano niya dapat gugulin ang kanyang panahon. “Iyong ilalaan ang lahat ng iyong paglilingkod sa Sion,” pahayag ng Panginoon. “At sa mga temporal na gawain ikaw ay hindi magkakaroon ng lakas, sapagkat ito ay hindi mo tungkulin.” Inutusan si Joseph na magtanim sa kanyang bukid at pagkatapos ay kumpirmahin ang mga bagong miyembro sa New York.13
Ang paghahayag na ito ay nag-iwan ng labis na kawalang-kasiguraduhan sa buhay ni Emma. Paano sila kikita ng pera kung inilaan ni Joseph ang lahat ng kanyang panahon sa mga Banal? At ano ang gagawin niya habang wala ito at naglilingkod sa simbahan? Dapat ba siyang manatili sa bahay, o nais ba ng Panginoon na sumama siya kay Joseph? At kung ito ang nais Niya, ano ang kanyang magiging tungkulin sa simbahan?
Nababatid na hangad ni Emma ng patnubay, kinausap siya ng Panginoon sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph. Siya ay pinatawad sa kanyang mga kasalanan at tinawag siyang isang “hinirang na babae.” Kanyang iniutos kay Emma na sumama kay Joseph sa kanyang mga paglalakbay at nangako, “Ikaw ay oordenan sa ilalim ng kanyang kamay upang magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, at upang manghikayat sa simbahan.”
Pinayapa rin Niya ang kanyang mga pangamba tungkol sa kanilang pananalapi. “Ikaw ay hindi dapat matakot,” pagtitiyak Niya, “sapagkat ang iyong asawa ay tutulong sa iyo.”
Pagkatapos ay inatasan siya ng Panginoon na pumili ng mga banal na himno para sa simbahan. “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso,” sabi Niya.14
Matapos ang paghahayag na ito, nagtungo sina Joseph at Emma sa Colesville, kung saan si Emma at ang mga Banal doon sa wakas ay kinumpirma. Nang matanggap ng mga bagong miyembro ang kaloob na Espiritu Santo, napuspos ng Espiritu ng Panginoon ang silid. Nagsaya ang lahat at nagpuri sa Diyos.15
Kalaunan noong tag-init na iyon, nabayaran nina Joseph at Emma ang kanilang sakahan sa tulong ng mga kaibigan at lumipat sa Fayette upang mapag-ukulan ni Joseph nang mas maraming oras ang simbahan.16 Gayunman, nang dumating sila, nalaman nila na si Hiram Page, isa sa mga Walong Saksi at isang guro sa Aaronic Priesthood, ay nagsimulang maghanap ng mga paghahayag para sa simbahan sa pamamagitan ng inaakala niyang isang bato ng tagakita.17 Maraming Banal, kabilang na si Oliver, at ilang kasapi ng pamilya Whitmer, ay naniwala na ang mga paghahayag na ito ay mula sa Diyos.18
Alam ni Joseph na nahaharap siya sa isang krisis. Ang mga paghahayag ni Hiram ay iginaya sa pananalita ng banal na kasulatan. Nagsasaad ang mga ito ng pagtatatag ng Sion at ang pag-organisa ng simbahan, ngunit kung minsan ay sinasalungat ng mga ito ang Bagong Tipan at ang mga katotohanang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph.
Hindi tiyak kung ano ang gagawin, magdamag na nanalangin si Joseph, humihingi ng patnubay. Dumanas siya ng oposisyon noon, ngunit hindi mula sa kanyang mga kaibigan. Kung kikilos siya nang masyadong marahas laban sa mga paghahayag ni Hiram, maaari niyang masaktan ang mga naniwala sa mga ito o hadlangan ang matatapat na Banal mula sa paghahangad ng paghahayag sa kanilang sarili.19 Ngunit kung hindi niya kokondenahin ang mga maling paghahayag, maaaring ilagay ng mga ito sa kompromiso ang awtoridad ng salita ng Panginoon at hatiin ang mga Banal.
Pagkaraan ng maraming oras na walang tulog, tumanggap si Joseph ng isang paghahayag na para kay Oliver. “Walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith,” pahayag ng Panginoon, “sapagkat lahat ng bagay ay kailangang maisagawa nang may kaayusan, at sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan.” Iniutos ng Panginoon kay Oliver na ituro ang alituntuning ito kay Hiram.
Nang maglaon ay inatasan ng paghahayag si Oliver na maglakbay ng halos isang libong milya ang layo sa kanlurang dako ng Estados Unidos upang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga American Indian, na mga labi ng sambahayan ni Israel. Sinabi ng Panginoon na ang lungsod ng Sion ay itatayo malapit sa mga taong ito, inuulit ang mga pangako sa Aklat ni Mormon na ang Diyos ay magtatatag ng Bagong Jerusalem sa kontinente ng Amerika bago ang Ikalawang Pagparito ni Cristo. Hindi niya tinukoy ang eksaktong lokasyon ng lungsod, ngunit ipinangako Niya na ihahayag ang impormasyong iyon kalaunan.20
Pagkalipas ng ilang araw, sa isang kumperensya ng simbahan, itinatwa ng mga Banal ang mga paghahayag ni Hiram at buong pagkakaisang sinang-ayunan si Joseph bilang tanging makatatanggap ng paghahayag para sa simbahan.21
Tinawag ng Panginoon sina Peter Whitmer Jr., Ziba Peterson, at Parley Pratt na samahan si Oliver sa misyon sa Kanluran.22 Samantala, si Emma at ang iba pang kababaihan, ay nagsimulang gumawa ng mga damit para sa mga missionary. Nagtatrabaho nang maraming oras, nag-ikid sila ng lana para gawing yarn, naghabi o ginatsilyo ang yarn para maging tela, at tinahi ang mga tela nang paunti-unti.23
Kababalik pa lamang ni Parley sa Fayette kasama si Thankful matapos ibahagi ang ebanghelyo sa kanya at sa iba pang miyembro ng kanyang pamilya. Nang umalis siya papuntang Kanluran, nakitira si Thankful kay Mary Whitmer, na masayang pinatuloy siya sa kanyang tahanan.
Habang papunta sa Missouri, nagplano si Parley na magsama ng iba pang mga missionary sa estado ng Ohio, kung saan nakatira ang kanyang dating pastor na si Sidney Rigdon. Umasa si Parley na magiging interesado siya sa mensahe nila.24
Noong tag-init ding iyon, sa isang bayan na dalawang araw na paglalakbay ang layo mula sa Fayette, natagpuan ni Rhoda Greene si Samuel Smith, ang kapatid ng propeta, sa kanyang pintuan. Nakilala ni Rhoda si Samuel noong simula ng taong iyon nang nag-iwan ito ng kopya ng Aklat ni Mormon sa bahay niya. Ang kanyang asawang si John ay isang naglalakbay na mangangaral ng ibang relihiyon, at inakala niya na ang aklat ay walang katuturan, ngunit nangako siyang dadalhin ito sa kanyang pag-iikot at titipunin ang mga pangalan ng sinumang interesado sa mensahe nito.
Inanyayahan ni Rhoda si Samuel sa loob ng bahay at sinabi sa kanya na wala pang nagpapakita ng interes sa Aklat ni Mormon sa ngayon. “Kailangan mong kunin ang aklat,” sabi niya. “Tila hindi nais ni Ginoong Greene na bilhin ito.”
Kinuha ni Samuel ang Aklat ni Mormon at aalis na sana nang nabanggit ni Rhoda sa kanya na binasa at nagustuhan niya ito. Napahinto si Samuel. “Ibibigay ko sa iyo ang aklat na ito,” sabi niya, na ibinabalik ang kopya. “Ang Espiritu ng Diyos ay nagbabawal sa aking kunin ito.”
Napuspos ng damdamin si Rhoda nang kinuha niyang muli ang aklat. “Humingi ka sa Diyos ng isang patotoo sa katotohanan ng gawain,” sabi ni Samuel, “at makadarama ka ng pag-iinit ng dibdib, na siyang Espiritu ng Diyos.”
Kalaunan, nang makauwi ang kanyang asawa, sinabi sa kanya ni Rhoda ang tungkol sa pagbisita ni Samuel. Noong una ay atubili si John na ipagdasal ang tungkol sa aklat, ngunit kinumbinsi siya ni Rhoda na magtiwala sa pangako ni Samuel.
“Alam ko na hindi siya magsasabi ng kasinungalingan,” sabi niya. “Alam ko na siya ay isang mabuting tao kung mayroon mang isa.”
Nagdasal sina Rhoda at John tungkol sa aklat at tumanggap ng patotoo sa katotohanan nito. Pagkatapos ay ibinahagi nila ito sa kanilang pamilya at mga kapitbahay, pati na sa nakababatang kapatid ni Rhoda na si Brigham Young at sa kaibigan nitong si Heber Kimball.25
Noong taglagas, ang tatlumpu’t walong taong gulang na si Sidney Rigdon ay magalang na nakinig habang si Parley Pratt at ang kanyang tatlong kasamahan ay nagpatotoo tungkol sa isang bagong banal na kasulatan, ang Aklat ni Mormon. Ngunit si Sidney ay hindi interesado. Sa loob ng ilang taon, hinikayat niya ang mga tao sa loob at paligid ng bayan ng Kirtland, Ohio, na magbasa ng Biblia at bumalik sa mga alituntunin ng simbahan sa Bagong Tipan. Ang Biblia ang laging gumagabay sa kanyang buhay, sinabi niya sa mga missionary, at sapat na iyon.26
“Dinala mo ang katotohanan sa akin,” ipinaalala ni Parley kay Sidney. “Hinihiling ko ngayon bilang isang kaibigan na basahin mo ito alang-alang sa akin.”27
“Hindi ka dapat nakikipagtalo sa akin tungkol sa paksang ito,” giit ni Sidney. “Pero babasahin ko ang iyong aklat at titingnan ko kung ano ang kaugnayan nito sa aking pananampalataya.”28
Tinanong ni Parley si Sidney kung maaari silang mangaral sa kanyang kongregasyon. Bagama’t may pag-aalinlangan sa kanilang mensahe, binigyan sila ni Sidney ng pahintulot.
Pagkaalis ng mga missionary, binasa ni Sidney ang mga bahagi ng aklat at natanto niya na hindi niya magagawang balewalain ito.29 Nang nangaral na sina Parley at Oliver sa kanyang kongregasyon, wala na siyang hangad na balaan ang sinuman laban sa aklat. Nang tumayo siya upang magsalita sa pagtatapos ng pulong, inulit niya ang nasasaad sa Biblia.
“Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay,” sabi niya, “at ingatan ninyo ang mabuti.”30
Ngunit nanatiling hindi tiyak si Sidney sa kung ano ang gagawin. Ang pagtanggap sa Aklat ni Mormon ay nangangahulugang mawawala ang kanyang trabaho bilang isang pastor. Mayroon siyang isang magandang kongregasyon, at nagbibigay sila sa kanya, sa kanyang asawang si Phebe, at sa kanilang anim na anak ng maginhawang buhay. Ang ilang tao pa nga sa kongregasyon ay nagtatayo ng tahanan para sa kanila.31 Magagawa ba niya talagang hilingin sa kanyang pamilya na talikuran ang kaginhawaang kanilang tinatamasa?
Nagdasal si Sidney hanggang sa nakaramdam siya ng kapanatagan. Alam niyang totoo ang Aklat ni Mormon. “Sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo,” bulalas niya, “kundi ng aking Ama na nasa langit.”32
Ibinahagi ni Sidney ang kanyang nadarama kay Phebe. “Mahal ko,” sabi niya, “minsang sinundan mo ako sa kahirapan. Handa ka bang muling gawin iyon?”
“Pinag-isipan ko ang kapalit nito,” sagot niya. “Hangarin kong gawin ang kalooban ng Diyos, sa buhay man o sa kamatayan.”33