Institute
14 Mga Pangitain at Bangungot


“Mga Pangitain at Bangungot,” kabanata 14 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 14: “Mga Pangitain at Bangungot”

Kabanata 14

Mga Pangitain at Bangungot

Alkitran at Balahibo

Noong Enero 1832, sina Joseph, Emma, at ang kambal ay nakatira sa bahay nina Elsa at John Johnson sa Hiram, Ohio, mga tatlumpung milya sa timog ng Kirtland.1 Ang mga Johnson ay halos kaedad ng mga magulang ni Joseph, kung kaya’t halos lahat ng kanilang mga anak ay mga nangagsipag-asawa na at nilisan na ang maluwang nilang bahay, na nag-iwan ng maraming espasiyo para sa mga pagpupulong ni Joseph sa mga lider ng simbahan at gawin ang kanyang pagsasalin ng Biblia.

Bago ang kanilang pagbibinyag, sina Elsa at John ay mga miyembro ng kongregasyon ni Ezra Booth. Sa katunayan, si Elsa ang mahimalang napagaling ni Joseph, na siyang nagtulak kay Ezra na sumapi sa simbahan.2 Ngunit kahit nawala ang pananampalataya ni Ezra, ang mga Johnson ay patuloy na sinusuportahan ang propeta, tulad ng ginawa ng mga Whitmer at Knight sa New York.

Noong taglamig na iyon, ginugol nina Joseph at Sidney ang halos lahat ng kanilang oras sa pagsasalin sa itaas na silid sa tahanan ng mga Johnson. Sa kalagitnaan ng Pebrero, habang binabasa nila ang Ebanghelyo ni Juan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga makatarungan at hindi makatarungang kaluluwa, inisip ni Joseph kung wala nang higit pa na dapat malaman tungkol sa langit o sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kung ang Diyos ay gagantimpalaan ang Kanyang mga anak ayon sa kanilang mga gawa sa lupa, ang mga tradisyunal na palagay ba tungkol sa langit at impiyerno ay masyadong simple?3

Noong Pebrero 16, sina Joseph, Sidney, at halos labindalawa pang kalalakihan ang naupo sa isang silid sa taas ng tahanan ng mga Johnson.4 Ang Espiritu ay nanahan kina Joseph at Sidney, at sila ay natigilan habang ang isang pangitain ay nabuksan sa kanilang harapan. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumibot sa kanila, at nakita nila si Jesucristo sa kanang kamay ng Diyos. Sumamba ang mga anghel sa Kanyang trono, at isang tinig ang nagpatotoo na si Jesus ang Bugtong na Anak ng Ama.5

“Ano itong nakikita ko?” Tanong ni Joseph habang siya at si Sidney ay namangha sa mga kagila-gilalas na bagay na nakita nila. Pagkatapos ay kanyang inilarawan kung ano ang nakita niya sa pangitain, at sinabi ni Sidney na, “iyon din ang nakikita ko.” Pagkatapos ay nagtanong din nang gayon si Sidney at inilarawan ang tagpo sa kanyang harapan. Nang matapos siya, sinabi ni Joseph, “iyon din ang nakikita ko.”

Nagsalita sila nang ganito sa loob ng isang oras, at ang kanilang pangitain ay nagpakita na ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay nagsimula bago pa ang buhay sa lupa at ang Kanyang mga anak ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos ng kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo. Inilarawan din nila ang langit sa paraang hindi pa kailanman sumagi sa imahinasyon ng isa man sa nasa loob ng silid. Sa halip na isang kaharian, ito ay inorganisa sa iba’t ibang mga kaharian ng kaluwalhatian.

Pinalalawig ang paglalarawan ni Apostol Pablo sa Pagkabuhay na Mag-uli sa I Mga Taga Corinto 15, nakita at inilarawan nina Joseph at Sidney ang mga partikular na detalye tungkol sa bawat kaharian. Naghanda ang Panginoon ng kaluwalhatiang telestiyal para sa mga taong masasama at hindi nagsisisi sa lupa. Ang kaluwalhatiang terestriyal ay para sa mga taong marangal na nabuhay ngunit hindi lubusang sumunod sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang kaluwalhatiang selestiyal naman ay para sa mga taong tinanggap si Cristo, at tinupad ang mga tipan ng ebanghelyo, at namana ang kabuuan ng kaluwalhatian ng Diyos.6

May mga inihayag pa ang Panginoon tungkol sa langit at sa Pagkabuhay na Mag-uli kina Joseph at Sidney ngunit sinabihan sila na huwag itala ang mga ito. “Ito ay maaari lamang makita at maunawaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu,” paliwanag Niya, “na ipinagkaloob ng Diyos sa mga yaong nagmamahal sa kanya, at nilinis ang kanilang sarili sa harapan niya.”7

Nang natapos na ang pangitain, mukhang hinang-hina at maputla si Sidney, pinangibabawan ng kanyang nakita. Ngumiti si Joseph at nagsabing, “hindi sanay si Sidney rito na katulad ko.”8


Nang malaman ng mga Banal sa Kirtland ang dakilang pangitain ni Joseph tungkol sa langit, itinatayo naman noon ni William Phelps ang opisina ng palimbagan ng simbahan sa Independence. Siya ay isang patnugot ng pahayagan sa halos buong buhay niya, at bukod pa sa tinatrabaho niya ang Book of Commandments, umaasa siyang makapaglathala ng isang buwanang pahayagan para sa mga Banal at kanilang mga kapitbahay sa Missouri.

Nagsusulat sa matatag at kumpiyansang pananalita, sumulat si William ng isang pampublikong anunsyo sa pahayagan, na binalak niyang tawaging The Evening and the Morning Star. “Ang Star ay manghihiram ng liwanag nito mula sa mga banal na pinagmumulan,” pahayag niya, “at ilalaan sa mga paghahayag ng Diyos.” Naniwala siya na dumating na ang mga huling araw, at gusto niyang ang kanyang pahayagan ay balaan kapwa ang mabubuti at masasama na ipinanumbalik na ang ebanghelyo at ang Tagapagligtas ay malapit nang bumalik sa lupa.

Nais niyang maglimbag ng iba pang mga bagay na may halaga sa mga mambabasa, kabilang na ang mga balita at tula. Bagama’t siya ay isang taong may malakas na opinyon na bihirang pinalalampas ang pagkakataon na isatinig ang nasa isipan niya, iginiit ni William na ang pahayagan ay hindi makikialam sa pulitika o mga lokal na pagtatalo.

Siya ay dati nang patnugot na aktibo sa pulitika para sa iba pang mga pahayagan at kung minsan ay tinadtad ang kanyang mga artikulo at editoryal ng mga opinyon na ikinayamot ng kanyang mga kalaban.9 Ang hindi pagsali sa mga pagtatalo sa Missouri ay magiging isang hamon. Kahit pa, ang pagkakataong makapagsulat ng mga artikulo sa balita at editoryal ay nagbibigay-sigla sa kanya.

Si William ay tapat sa kanyang plano na ituon ang pahayagan sa ebanghelyo, at naunawaan niya na ang kanyang unang prayoridad bilang manlilimbag ng simbahan ay ilathala ang mga paghahayag. “Mula sa mga palimbagan na ito ay maaasahan, sa lalong madaling panahong sa gabay ng karunungan, ang maraming sagradong talaan,” pangako niya sa kanyang mga mambabasa.10


Samantala sa Ohio, ang pangitain nina Joseph at Sidney ay nagdudulot ng kaguluhan. Kaagad tinanggap ng maraming Banal ang bagong inihayag na mga katotohanan tungkol sa langit, ngunit ang iba ay nahihirapang itugma ang pangitain sa kanilang tradisyonal na paniniwalang Kristiyano.11 Masyadong maraming tao ba ang iniligtas ng bagong pananaw na ito tungkol sa langit? Hindi tinanggap ng ilang Banal ang paghahayag na ito at nilisan ang simbahan.

Lalo ring binagabag ng pangitain ang ilan sa kanilang mga kapitbahay, na nabahala na sa mga sulat ni Ezra Booth na nailathala sa isang lokal na pahayagan. Habang pinalalaganap ng mga liham ang pagbatikos ni Ezra laban kay Joseph, ang mga ibang dating miyembro ng simbahan ay nakiisa, nagtanim ng mga tanong sa isipan ng mga taong ang mga pamilya at kaibigan ay sumasamba kasama ng mga Banal.12

Habang palubog ang araw isang gabi noong huling bahagi ng Marso 1832, isang grupo ng mga lalaki ang nagkita sa isang pagawaan ng ladrilyo kalahating milya ang layo mula sa tahanan ng mga Johnson. Sa loob ng hurno, nagsindi ng apoy ang mga kalalakihan upang magpainit ng alkitrang mula sa palutsina. Habang dumidilim ang langit, tinakpan nila ang kanilang mga mukha ng uling at palihim na umalis.13


Gising na nakahiga si Emma sa kama nang marinig niya ang mahihinang pagtuktok sa bintana. Ang ingay nito ay sapat upang makuha ang kanyang pansin, bagama’t hindi ito bago sa kanya. Hindi niya ito pinansin.

Sa di kalayuan, si Joseph ay nakahiga sa isang tiheras, ang kanyang mahinahong paghinga ay tanda na tulog na siya. May tigdas ang kambal, at nang gabing iyon napuyat sa pagbabantay si Joseph sa mas malubha sa dalawa upang si Emma ay makatulog. Makalipas ang ilang sandali, nagising siya, kinuha ang sanggol sa kanya at sinabihan siyang magpahinga. Kailangan niyang mangaral sa umaga.

Nakakatulog na si Emma nang bumukas ang pintuan ng silid at biglang pumasok ang isang dosenang kalalakihan. Sinunggaban nila si Joseph at hinawakan ang kanyang mga braso at binti at sinimulang kaladkarin siya palabas ng bahay. Tumili si Emma.

Nagpumiglas si Joseph habang hinihigpitan ng mga lalaki ang kanilang pagkakahawak. May sumabunot sa kanyang buhok at hinila siya papunta sa pinto. Nang makawala ang isa niyang binti sa kanyang pagpihit, sinipa ni Joseph ang isang lalaki sa mukha. Napaatras ang lalaki at bumagsak sa may pintuan, hawak ang kanyang dumudugong ilong. Malat na tumatawa, tumayo siyang muli at idinuldol ang isang madugong kamay sa mukha ni Joseph.

“Lagot ka sa akin,” angil niya.

Hinila ng mga lalaki si Joseph palabas ng bahay patungo sa bakuran. Nanlaban siya sa kanilang mahigpit na pagkakahawak, pinipilit na palayain ang kanyang malalakas na bisig, ngunit may isang sumunggab sa kanyang lalamunan at pinisil ito hanggang mawalan siya ng malay.14


Nagising si Joseph sa isang parang na may kalayuan sa tahanan ng mga Johnson. Mahigpit na hawak pa rin siya ng mga lalaki, na medyo nakaangat sa lupa, kung kaya’t hindi siya makawala. Ilang talampakan ang layo, nakita niya ang walang pang-itaas na katawan ni Sidney Rigdon na nakahiga sa damuhan. Tila wala na siyang buhay.

“Mahabag kayo,” pakiusap ni Joseph sa mga lalaki. “Huwag ninyo akong patayin.”

“Humingi ka ng tulong sa Diyos mo,” sigaw ng isa. Luminga-linga si Joseph at nakita ang marami pang lalaki na sumasama sa mga mandurumog. Lumabas ang isang lalaki mula sa isang kalapit na taniman dala ang isang makapal na kahoy, at inihiga rito ng mga lalaki si Joseph at dinala siya sa mas malayong bahagi ng parang.

Nang makalayo na sila mula sa bahay, pinunit nila ang kanyang mga damit at hinawakan siya habang may isang lalaking lumapit na may dalang matalim na kutsilyo, handang saksakin siya. Pero napagmasdan ng lalaki si Joseph at tumanggi itong saksakin siya.

“Hindi ka marunong mahiya,” sigaw ng isa pang lalaki. Nilundag niya si Joseph at kinalmot ang kanyang matatalas na kuko sa balat ng propeta, kaya natuklap ang balat at nasugatan ito. “Ganyan bumaba ang Espiritu Santo sa mga tao,” sabi niya.

Narinig ni Joseph ang ilan pang mga lalaki sa di kalayuan, nagtatalo sa kung ano ang gagawin sa kanya at kay Sidney. Hindi niya naririnig ang bawat salitang sinasabi nila, ngunit pakiwari niya na parang narinig niya ang isa o dalawang pamilyar na pangalan.

Nang natapos ang pagtatalo, may nagsabing, “Lagyan natin ng alkitran ang kanyang bibig.” Maruruming mga kamay ang nagpumilit buksan ang kanyang bibig habang isang lalaki naman ang sumubok magbuhos ng isang bote ng asido sa kanyang lalamunan. Nabasag ang bote sa mga ngipin ni Joseph, na tumapyas sa isa sa kanila.

Isa pang lalaki ang sumubok magsiksik ng isang panagwan ng malagkit na alkitran sa kanyang bibig, pero mariing umiling si Joseph. “Hindi ka marunong mahiya!” sigaw ng lalaki. “Iangat mo ang ulo mo.” Isiniksik niya ang panagwan sa bibig ni Joseph hanggang dumaloy ang alkitran sa kanyang mga labi.

Mas marami pang kalalakihan na may dalang kawa ng alkitran ang dumating at ibinuhos ito sa kanya. Ang alkitran ay dumaloy sa kanyang nasugatang balat at sa kanyang buhok. Tinakpan nila siya ng mga balahibo, itinapon sa malamig na lupa at tumakas sa pinangyarihan.

Pagkaalis nila, hinablot ni Joseph ang alkitran sa kanyang mga labi at hirap na huminga. Pinilit niyang tumayo, ngunit nanghihina siya. Sinubukan niya itong muli at sa pagkakataong ito ay nagawa na niyang manatiling nakatayo. Ang mga nagkalat na balahibo ay inililipad ng hangin sa paligid niya.15


Nang makita niya si Joseph na paikang dumating sa pinto ng mga Johnson, nawalan ng malay si Emma, sigurado siyang dinumog nila ito nang halos hindi na makilala. Nang marinig nila ang kaguluhan, maraming kababaihan sa lugar ang nagsipuntahan sa bahay. Humingi si Joseph ng kumot para matakpan ang kanyang nabugbog na katawan.

Sa buong magdamag, inalagaan ng mga tao sina Joseph at Sidney, na nakahimlay sa talahiban nang matagal, na halos hindi na humihinga. Kinaskas ni Emma ang alkitran sa paa, dibdib, at likod ni Joseph. Samantala, si Elsa Johnson ay gumamit ng mantika mula sa kanyang paminggalan upang palambutin ang matitigas na alkitran sa kanyang balat at buhok.16

Kinabukasan, nagbihis si Joseph at nangaral ng isang sermon mula sa pintuan ng mga Johnson. Nakilala niya ang ilan sa mga lalaki mula sa mga mandurumog sa kongregasyon, ngunit wala siyang sinabi sa kanila. Kinahapunan, bininyagan niya ang tatlong tao.17

Gayunpaman, ang pag-atake ay nagdulot ng maraming pinsala. Bugbog at nananakit ang kanyang katawan mula sa pananakit. Nakahiga si Sidney sa kama, nagdedeliryo, halos nag-aagaw buhay. Kinaladkad siya ng mga mandurumog mula sa kanyang bahay hawak ang kanyang sakong, hinayaang walang proteksyon ang kanyang ulo habang ito ay tumatalbog sa mga baitang ng hagdan at sa kahabaan ng malamig na lupa ng Marso.

Nagdusa rin ang mga sanggol nina Joseph at Emma. Bagama’t patuloy na bumuti ang kalusugan ng kanyang kakambal na si Julia, mas lumala ang kalagayan ng munting si Joseph, at siya ay namatay sa loob ng linggong iyon. Sinisi ng propeta ang pagkamatay ng kanyang anak sa malamig na hangin na humangos sa bahay nang kaladkarin siya palayo ng mga mandurumog.18


Ilang araw matapos ang libing ng sanggol, si Joseph ay bumalik sa gawain sa kabila ng kanyang pagdadalamhati. Sumusunod sa utos ng Panginoon, umalis siya patungo sa Missouri noong Abril 1 kasama sina Newel Whitney at Sidney, na mahina pa rin bunsod ng pag-atake ngunit maayos-ayos na ang kalagayan upang maglakbay.19 Kamakilan lamang ay hinirang ng Panginoon si Newel na maglingkod bilang bishop ng mga Banal sa Ohio at inutos sa kanya na ilaan ang lahat ng sobrang pera mula sa kanyang mga kumikitang negosyo upang makatulong sa pagsuporta sa tindahan, palimbagan, at pagbili ng mga lupain sa Independence.20

Nais ng Panginoon ang tatlong lalaki na pumunta sa Missouri at makipagtipan sa mga lider sa Sion na makikipagtulungan sa ekonomiya upang matulungan ang simbahan at higit na pangalagaan ang mga maralita. Nais din Niyang palakasin nila ang mga Banal upang hindi sila malihis mula sa kanilang sagradong responsibilidad na itayo ang lunsod ng Sion.21

Nang makarating sila sa Independence, tumawag ng isang pagpupulong ng mga lider ng simbahan si Joseph at binasa ang isang paghahayag na nag-utos sa kanya, kina Edward Partridge, Newel Whitney, at iba pang mga lider ng simbahan na makipagtipan sa isa’t isa na pamahalaan ang mga negosyo ng simbahan.22

“Ibinibigay ko sa inyo ang kautusang ito, na inyong itali ang inyong sarili ng tipang ito,” pahayag ng Panginoon, “bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.” Nagkakaisa dahil dito, tinawag nila ang kanilang sarili bilang United Firm.23

Habang siya ay nasa Missouri, binisita rin ni Joseph ang mga miyembro ng lumang Colesville Branch at ang iba pang naninirahan sa lugar. Ang mga lider ng simbahan ay tila matiwasay na nagtatrabaho nang sama-sama, ang bagong tanggapan ng palimbagan ay naghahanda sa paglathala ng unang isyu ng The Evening and The Morning Star, at maraming miyembro ng simbahan ang sabik na itayo ang lunsod.24

Ngunit nadama ni Joseph ang mga hinanakit sa kanya mula sa ilan sa mga Banal, kabilang na ang ilan sa kanilang mga lider. Tila kinamumuhian nila ang kanyang pasiya na manatili sa Kirtland sa halip na permanenteng lumipat sa Missouri. At ang ilan pa ay tila masama ang loob sa nangyari noong huling pagbisita niya sa lugar, nang siya at ang ilan sa mga elder ay nagtalo tungkol sa kung saan dapat itatag ang Sion sa Missouri.

Nagulat siya sa kanilang pagkamuhi. Hindi ba nila naunawaan na iniwan niya ang kanyang nagdadalamhating pamilya at naglakbay ng walong daang milya para lamang tulungan sila?25


Habang binibisita ni Joseph ang mga Banal sa Independence, espirituwal na nahihirapan si William McLellin sa Ohio. Matapos siyang mahirang bilang isang missionary, ginugol niya ang taglamig sa pangangaral ng ebanghelyo, una sa mga bayan at nayon sa silangan ng Kirtland at pagkatapos ay sa timog. Bagama’t nakatamasa siya ng kaunting tagumpay sa simula, ang mahinang kalusugan, masamang panahon, at hindi interesadong mga tao ay iniwan siyang pinanghihinaan ng loob.26

Bilang isang guro, nasanay siya sa mga masunuring estudyante na nakikinig sa kanyang mga aralin at hindi sumasagot pabalik. Samantala, bilang missionary, madalas siyang katunggali ng mga tao na hindi iginagalang ang kanyang awtoridad. Minsan, habang naghahatid ng mahabang sermon, ilang beses siyang ginambala at tinawag na sinungaling.27

Makalipas ang mga buwan ng kabiguan, nagsimula siyang magtanong kung ang Panginoon ba o si Joseph Smith ang tumawag sa kanyang magmisyon.28 Hindi magawang pagtugmain ang mga bagay na ito sa kanyang isipan, nilisan niya ang pagmimisyon at nakahanap ng trabaho bilang kawani sa tindahan.29 Sa kanyang libreng oras, humanap siya sa Biblia ng mga katunayan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at nakipagtalo sa mga tumutuligsa tungkol sa relihiyon.

Sa panahong ito, pinili niyang huwag nang bumalik sa kanyang misyon. Sa halip, pinakasalan niya ang isang miyembro ng simbahan na nagngangalang Emeline Miller at nagpasiyang samahan ang isang grupo ng halos isang daang mga Banal patungo sa Jackson County, kung saan madaling makabili ng lupain. Sa isang paghahayag kay Joseph, pinagsabihan ng Diyos si William sa pagtalikod sa kanyang misyon, subalit naniniwala si William na maaari siyang magsimulang muli sa Sion.

Subalit, nais niyang gawin ito sa sarili niyang kondisyon. Sa tag-araw ng 1832, siya at ang kanyang mga kasama ay lumipat sa Missouri nang walang rekomendasyon mula sa mga lider ng simbahan, na hinihingi ng Panginoon mula sa mga lumilipat na mga Banal upang ang Sion ay hindi masyadong mabilis ang paglaki at sairin ang mga mapagkukunang yaman. Nang dumating siya, hindi rin siya nagpunta kay Bishop Partridge upang ilaan ang kanyang ari-arian o tumanggap ng mana. Sa halip ay bumili siya ng dalawang lote sa Independence mula sa gobyerno.30

Ang pagdating ni William at ng iba pa ay nagpalula kay Bishop Partridge at sa kanyang mga tagapayo. Marami sa mga bagong dating ay naghihikahos at napaka-kaunti ang mailalaan. Ginawa ng bishop ang lahat na kanyang makakaya upang maging komportable sila, ngunit isang hamon ang ayusin ang mga tahanan, bukirin, at trabaho para sa kanila habang mahina pa rin ang ekonomiya ng Sion.31

Gayunman, naniniwala si William na ang kanyang malaking pangkat ay tinupad ang propesiya ni Isaias na darating ang maraming tao sa Sion. Nakahanap siya ng trabaho bilang guro sa paaralan at sumulat sa kanyang mga kamag-anak tungkol sa kanyang relihiyon.

“Naniniwala kami na si Joseph Smith ay totoong propeta o tagakita ng Panginoon,” kanyang patotoo, “at siya ay may kapangyarihan at tunay na tumatanggap ng mga paghahayag mula sa Diyos, at ang mga paghahayag na ito kapag natanggap ay may banal na awtoridad sa Simbahan ni Cristo.”32

Ang mga ganitong haka-haka ay nagsimulang lumikha ng takot sa kanyang mga kapitbahay sa Missouri, lalo na kapag naririnig nila ang ilang miyembro ng simbahan na nagsasabing ang Diyos ay hinirang ang Independence bilang sentrong lugar ng kanilang lupang pangako.33 Sa pagdating ng pangkat ni William, ang bilang ng mga Banal sa Sion ay umabot na sa limang daan. Ang mga mapagkukunang yaman ay kumakaunti na, na nagpapataas sa presyo ng mga lokal na produkto.34

“Nagsisiksikan na sila,” pansin ng isang babae habang dumarami ang mga Banal na pumaligid sa kanya. “Palagay ko ay dapat silang parusahan.”35