Institute
42 Ihanda ang Iyong mga Balikat


“Ihanda ang Inyong mga Balikat,” kabanata 42 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 42: “Ihanda ang Iyong mga Balikat”

Kabanata 42

Nangangaral si Joseph

Ihanda ang Iyong mga Balikat

Noong unang bahagi ng Nobyembre 1843, sinalubong ni Phebe Woodruff si Wilford mula sa isang apat na buwang misyon sa mga estado sa silangan. Dumating siyang may dalang regalo para sa kanyang pamilya at isang bagon na puno ng kagamitan para sa tanggapan ng Times and Seasons, kung saan nakatira sina Phebe at ang mga bata.1

Nagsilang sa isa pang anak na babae noong Hulyo si Phebe, at hinintay niya sa loob ng isang buwan ang pagdating ni Wilford. Lubhang malapit sa isa’t isa ang mga Woodruff at ayaw nilang magkahiwalay kapag nasa mga misyon si Wilford. Hindi tulad ng ibang mga apostol at kanilang mga asawa, gayunpaman, hindi pa sila nabubuklod sa buhay ngayon at sa walang hanggan, at nasasabik silang matanggap ang ordenansa.

Habang nasa malayo si Wilford, sumulat si Phebe sa kanya, itinatanong kung iniisip niya kung ang kanilang pagmamahalan ay hindi magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan. Tumugon si Wilford sa pamamagitan ng isang tula na nagpapahayag ng kanyang pag-asam na ang pagmamahalan nila ay uunlad pa pagkatapos ng kamatayan.2

Noong Nobyembre 11, isang linggo matapos ang pagbabalik ni Wilford, dumalaw ang mga Woodruff sa tahanan nina John at Leonora Taylor. Doon ay itinuro ni Hyrum ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, at kadakilaan sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan. Pagkatapos ay ibinuklod niya sina Phebe at Wilford sa panahon at kawalang hanggan, at lahat sila ay masayang nagsama-sama nang gabing iyon.3 Hindi nagtagal ay naghanda ang mga Woodruff na tanggapin ang endowment.

Noong unang bahagi ng taglagas na iyon, sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit na isang taon, nagsimula si Joseph na bigyan ng endowment ang mas marami pang mga Banal. Tulad ng ipinangako, ibinigay niya ang endowment sa mga kababaihan, at noong Setyembre 28, pinangasiwaan niya ang ordenansa kay Emma sa Nauvoo Mansion.4 Hindi nagtagal, hinugasan at pinahiran ng langis ni Emma sina Jane Law, Rosannah Marks, Elizabeth Durfee, at Mary Fielding Smith. Iyon ang unang pagkakataon na nanguna ang isang babae sa ordenansa sa templo sa mga huling araw.5

Sa sumunod na mga linggo, nagsagawa si Emma ng ordenansa para kina Lucy Smith, Ann Whitney, Mercy Thompson, Jennetta Richards, Leonora Taylor, Mary Ann Young, at iba pa. Hindi nagtagal ang iba pang kababaihan ay nagsagawa ng ordenansa sa ilalim ng pamamahala ni Emma.6

Noong Disyembre naman, sina Phebe at Wilford ay hinugasan, pinahiran ng langis, at binigyan ng endowment.7 Sa pagtatapos ng taon, apatnapu’t dalawang babae at lalaki ang tumanggap ng endowment. Madalas silang magtipon sa silid sa itaas ng tindahan ni Joseph upang manalangin at matutuhan ang tungkol sa mga bagay ng kawalang-hanggan.8


Noong taglagas na iyon, habang regular na kausap ang mga Banal na binigyan na ng endowment, itinago ni William Law kina Joseph at Hyrum ang katotohanan na siya ay nagkasala ng pangangalunya. Sa paggawa ng kasalanan, pakiramdam ni William ay lumabag siya laban sa kaniyang sariling kaluluwa.9

Sa panahong ito, binigyan siya ni Hyrum ng kopya ng paghahayag tungkol sa kasal. “Iuwi mo ito at basahin,” atas ni Hyrum, “pagkatapos ay pag-ingatan ito at ibalik itong muli.” Pinag-aralan ni William ang paghahayag at ipinakita ito sa kanyang asawang si Jane. Pinagdudahan ni William ang awtentisidad nito, subalit nakatitiyak si Jane na totoo ito.

Dinala ni William ang paghahayag kay Joseph, na nagkumpirma na ito ay tunay.10 Nagmakaawa sa kanya si William na talikdan ang mga turo nito, ngunit nagpatotoo si Joseph na iniutos ng Panginoon sa kanya na ituro ang maramihang pag-aasawa sa mga Banal at mapaparusahan siya kung susuway.11

Sa isang punto, nagkasakit si William at sa huli ay ipinagtapat kay Hyrum ang kanyang pakikiapid, inaamin sa kanyang kaibigan na hindi niya nadaramang karapat-dapat na mabuhay o mamatay. Subalit nais niyang mabuklod nang walang hanggan kay Jane, at tinanong niya si Joseph kung posible ito. Isinangguni ni Joseph ang tanong sa Panginoon, at inihayag ng Panginoon na hindi matatanggap ni William ang ordenansa dahil sa siya ay nangangalunya.12

Ngayon ang puso ni William ay nagsimulang magliyab sa galit kay Joseph.13 Noong huling bahagi ng Disyembre, tumigil siya at si Jane na makipagpulong sa mga Banal na binigyan na ng endowment.14 Ipinayo ni Jane na tahimik nilang ipagbili ang kanilang ari-arian at lisanin na lamang ang Nauvoo. Ngunit nais ni William na durugin si Joseph.15 Nagsimula siyang palihim na magplano kasama ng iba pang hindi sang-ayon sa propeta, at hindi nagtagal, nawala ang kanyang puwesto sa Unang Panguluhan.

Ipinahayag ni William na siya ay natutuwa na maging malaya na mula sa kanyang ugnayan kay Joseph. Ngunit sa halip na umalis sa Nauvoo at patuloy na mamuhay, tulad ng iminungkahi ni Jane, siya ay naging mas determinado, higit kailanman, na labanan ang propeta at pabagsakin ito.16


Nakalulungkot ngunit hindi bago ang pag-apostasiya ni William Law. “Sinikap ko sa loob ng ilang taon na maihanda ang isipan ng mga Banal sa pagtanggap ng mga bagay ukol sa Diyos,” sinabi ni Joseph sa isang kongregasyon noong isang maginaw na Linggo sa unang bahagi ng 1844, “subalit malimit na makakita kami ng ilan sa kanila, na matapos magpakasakit para sa gawain ng Diyos, ay nawawala katulad ng salaming madaling mabasag sa sandaling may dumating na anumang salungat sa kanilang mga kaugalian.”

Mula nang itatag ang simbahan, nakita ni Joseph ang mga lalaki at babae na tinalikuran ang pananampalataya kapag hindi sila sumasang-ayon sa mga alituntuning itinuro niya o kapag hindi siya pumapasa sa kanilang ideya sa kung ano dapat ang isang propeta. Ang mga humiwalay sa simbahan ay madalas umaalis nang payapa. Subalit sa ipinakita ng mga lalaking tulad nina Ezra Booth, Warren Parrish, at John Bennett, na kung minsan ang mga taong tumatalikod ay kinakalaban ang propeta, ang simbahan, at mga turo nito, na madalas na nauuwi sa karahasan laban sa mga Banal. Ang daang tatahakin ni William ay hindi pa nakikita.

Samantala, nagpatuloy si Joseph na ihanda ang mga Banal sa pagtanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa na matatagpuan sa templo. “Hinihiling ko sa Diyos na ang templong ito ay matapos na ngayon upang tayo ay makapasok rito,” sinabi niya sa malaking kongregasyon ng mga kalalakihan at kababaihan. “Papayuhan ko ang mga Banal na gawin ang lahat ng kanilang makakaya at tipunin ang lahat ng buhay nilang kamag-anak sa lugar na ito, upang sila ay mabuklod at maligtas,.”17

Alam niya, gayunpaman, na magagawa lamang ito ng mga Banal kung matatapos nila ang templo. Inaalala na ni Joseph ang lumalaking kaguluhan sa mga komunidad sa paligid ng Nauvoo. Matapos ang halalang pang-estado noong nakaraang tag-araw, nagtipon ang mga bumabatikos sa kanya bilang pagtutol, pinaparatangan siya sa pag-impluwensya ng boto ng mga Banal. “Ang ganitong tao,” pahayag nila, “ay hindi mabibigo na maging pinakamapanganib na nilalang, lalo na kung mailalagay niya ang kanyang sarili na maging pinuno ng isang napakalaking kuyog.”18

Batid kung gaano kabilis lumalala ang mga kaguluhan, umasa si Joseph na makahanap ng mga kaalyado sa pambansang pamahalaan na maaaring magtanggol sa mga Banal sa harap ng madla. Ilang buwan bago iyon, sumulat siya sa limang kandidato sa pagkapangulo sa darating na pambansang halalan, umaasang malaman kung susuportahan nila ang mga pagsisikap ng mga Banal na mabawi ang kanilang pagkalugi sa Missouri. Sumulat ang tatlo sa mga kandidato. Dalawa sa kanila ang nangatwiran na ang mga bayad-pinsala ay usaping pang-estado, at hindi ng pangulo. Ang pangatlo ay maawain ngunit sa huli ay walang ipinangako.19

Nayamot sa kawalang-kagustuhan ng mga kandidato na tumulong, nagpasya si Joseph na tumakbo mismo bilang pangulo ng Estados Unidos. Maliit ang tsansa na magwagi sa halalan, subalit nais niyang gamitin ang kanyang kandidatura upang ipagtanggol ang mga hinaing ng mga Banal at isulong ang mga karapatan ng iba na sumailalim sa di-makatarungang pagtrato. Inaasahan niya na daan-daang mga Banal ang mangangampanya sa buong bansa para sa kanya.

Noong Enero 29, 1844, pormal na hinirang ng Korum ng Labindalawa si Joseph bilang isang kandidato para sa pagkapangulo, at tinanggap niya ang kanilang nominasyon. “Kung makakamit ko man ang silya sa pagkapangulo,” pangako niya, “poprotektahan ko ang mga tao sa kanilang mga karapatan at kalayaan.”20


Samantala, habang sakay ng isang barkong panghuli ng balyena mula sa dalampasigan ng South Africa, pinanood ni Addison Pratt ang mga kapwa niya tripulante na nagbaba ng apat na maliliit na bangka sa karagatan at buong lakas silang nagsagwan para sundan ang isang malaking balyena. Itinabi ang kanilang mga bangka sa hayop, naghagis ang mga lalaki ng sibat sa likod nito, na nagdulot ditong sumisid sa ilalim ng tubig at hilahin ang kanilang mga bangka sa bulubunduking dibuho ng mga alon.

Pinutol ng mabilis na galaw ang lubid, at muling lumitaw ang balyena, sa pagkakataong ito malapit sa barko. Umaakyat sa tuktok ng poste upang makakuha ng mas magandang bista, nakita ni Addison ang dambuhalang nilalang na nagwawala, nag-iingay, at nagbubuga ng tubig habang tinatangka nito na makalaya mula sa dalawang sibat na nakatusok sa malakas na kalamnan nito. Nang nakalapit ang mga bangka, muli itong sumisid upang makaigtas sa isa pang pagsalakay at lumitaw na muli sa mas malayong bahagi ng dagat. Sinubukan ng mga lalaki na muli itong habulin, ngunit nakatakas na ang balyena.

Ang panonood ng pangangaso ay nagpaalala kay Addison ng patriarchal blessing na natanggap niya ilang sandali lamang matapos lumipat sa Nauvoo. Dito, nangako si Hyrum Smith sa kanya na siya ay “lalabas at papasok at hahayo sa balat ng lupa.” Pagkatapos ng basbas, sinabi ni Hyrum, “palagay ko ay kailangan ninyong manghuli ng mga balyena.”21

Ilang buwan nang nasa karagatan sina Addison at kapwa niya mga missionary, naglalayag sa timog patawid ng Dagat Atlantiko at sa paligid ng Cape of Good Hope, tungo sa mga kapuluang lampas ng Australia. Hindi makahanap ng isang barko na patungo sa Hawaii, sumakay sila ng barkong pang-balyena papunta sa mas malayong timog sa Tahiti. Magtatagal nang halos isang taon ang paglalakbay, at sinusubukan na nina Addison at ng mga missionary na talakayin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga kapwa nila tripulante.

Karamihan sa mga araw sa barkong panghuli ng balyena ay kaaya-aya, ngunit ang mga gabi ni Addison kung minsan ay nababagabag ng masasamang panaginip. Isang gabi, nanaginip siya na si Joseph at ang mga Banal ay lulan ng isang barko na naglalayag nang diretso sa isang bagyo. Dumaan ang barko sa mga bato at tumama sa sahig ng karagatan, na sumira sa katawan ng barko. Sa pagtagas ng tubig sa barko, nagsimulang lumubog sa ilalim ng tubig ang unahan nito. Ilan sa mga Banal ay nalunod habang ang iba ay nagawang tumakas mula sa lumulubog na barko, upang masila lamang ng mga pating na gutom.22

Sa isa pang panaginip, ilang gabi ang makalipas, nakita niya ang kanyang pamilya at ang simbahan na nilisan ang Nauvoo. Naghanap siya nang matagal bago niya natagpuan ang mga ito na nanirahan sa isang matabang lambak. Sa panaginip na ito, sina Louisa at ang mga anak nila ay nakatira sa gilid ng burol sa isang maliit na bahay na napapaligiran ng mga binungkal na bukid. Binati niya si Addison at inanyayahan itong maglakad kasama niya upang makita ang kuwadra at pastulan ng baka sa bandang dulong itaas ng bukid. Walang harang ang bakuran at pinahihirapan siya ng mga baboy, subalit may magaling na aso si Louisa na nagbabantay sa ari-arian.23

Nagising si Addison mula sa mga panaginip na nasasabik para sa kanyang pamilya at takot na muling pinahihirapan ng mga kaaway ang mga Banal.24


Noong taglamig na iyon, naglikom sina Mercy Fielding Thompson at Mary Fielding Smith ng mga barya mula sa mga kababaihan ng Nauvoo bilang bahagi ng pangangalap ng pondo para sa templo. Noong huling bahagi ng nakaraang taon, habang nagdarasal na malaman kung ano ang magagawa niya para tumulong na itayo ang Sion, nabigyang-inspirasyon si Mercy na simulan ang proyekto ng pangangalap ng barya. “Sikapin na hikayatin ang mga kababaihan na magbigay ng isang sentimo kada linggo,” bulong sa kanya ng Espiritu, “para sa layunin ng pagbili ng mga bubog at pako para sa templo.”

Iminungkahi ni Mercy ang ideya kay Joseph, at sinabihan siya nito na ituloy ito at pagpapalain siya ng Panginoon. Masiglang tumugon ang mga babae sa plano ni Mercy. Bawat linggo, siya at si Mary ay nangongolekta ng mga barya at maingat na itinatala ang mga pangalan ng mga kababaihan na nangakong magbigay ng kanilang suporta.

Tinulungan din ni Hyrum ang mga kababaihan sa proyekto at binigyan ito ng buong rekomendasyon ng Unang Panguluhan. Sinabi niya na ang bawat babae na nag-ambag ng kanyang mga barya ay dapat maitala ang kanyang pangalan sa Aklat ng Kautusan ng Panginoon, kung saan itinatala ni Joseph at ng kanyang mga tagasulat ang ikapu, mga paghahayag, at iba pang banal na kasulatan.25

Nang nagsimula ang proyekto ng pangongolekta barya sa Nauvoo, nagpadala ang magkapatid ng sulat sa tanggapan ng Millennial Star sa England upang makalikom ng mga barya mula sa kababaihan ng simbahan doon. “Ito ay para ipaalam sa inyo na nagsimula kami rito ng isang maliit na lingguhang pagbibigay ng donasyon para sa mga pondo sa templo,” ang isinulat nila. “Isang libo na ang sumali, habang marami pa ang inaasahang sasali, kung saan nagtitiwala tayo na tutulong para sumulong nang tunay ang dakilang gawain.”26

Hindi nagtagal ang mga babae sa British mission ay ipinadadala ang kanilang mga barya patawid ng karagatan patungo sa Nauvoo.


Sa tulong ni William Phelps, nakabuo si Joseph ng isang sariling platapormang pampresidente at nagbalangkas ng polyeto upang ipakalat ito sa buong bansa.27 Iminungkahi niya na magkaloob sa pangulo ng karagdagang kapangyarihan na lupilin ang mga mandurumog, palayain ang mga alipin sa pamamagitan ng pagbibigay ng danyos sa kanilang mga amo, gawin ang mga bilangguan bilang lugar ng pag-aaral at reporma, at palawakin ang bansa pakanluran, ngunit kung may buong pagsang-ayon lamang ng mga American Indian. Nais niyang malaman ng mga botante na siya ay ang tagapagtaguyod ng lahat ng mga tao, hindi lamang ng mga Banal sa mga Huling Araw.28

Naniniwala siya na ang teokratikong demokrasya, kung saan pinili ng mga tao na mamuhay ayon sa mga batas ng Diyos, ay makapagtatatag ng isang makatarungan at mapayapang lipunan upang ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito. Ngunit kung ang kanyang kampanya ay mabibigo at ang mga pinahihirapan at inaapi ay maiiwang walang tagapagtanggol, nais niyang magtayo ng isang lugar upang maprotektahan ang mga ito sa mga huling araw, sa isang lugar sa labas ng Estados Unidos.

Ang mga palagiang pagbabanta sa Missouri at Illinois, pati na ang patuloy na pagdami ng mga Banal, ang naghikayat kay Joseph nitong mga huling araw na tumingin pakanluran para sa ganoong lugar. Hindi niya layon na lisanin ang Nauvoo, ngunit inasahan niyang lalago ang simbahan nang higit pa sa makakayanan ng lunsod. Nais ni Joseph na makahanap ng lugar kung saan maitatatag ng mga Banal ang kaharian ng Diyos sa lupa at maipatutupad ang mga makatarungang batas na pamamahalaan ang mga tao ng Panginoon sa panahon ng Milenyo.

Isinasaisip ito, kinunsidera ni Joseph ang mga lugar tulad ng California, Oregon, at Texas, na pawang lahat noon ay nasa labas ng mga hangganan ng Estados Unidos. “Magpadala ng isang delegasyon at siyasatin ang mga lugar na ito,” utos niya sa Labindalawa. “Humanap ng magandang lugar kung saan tayo maaaring lumipat matapos mabuo ang templo at magtayo ng isang lunsod sa loob ng isang araw at magkaroon ng ating sariling pamahalaan na may malusog na kapaligiran.”29

Noong Marso 10 at 11, bumuo ang propeta ng bagong kapulungan ng mga lalaki na siyang mangangasiwa sa pagtatatag ng kaharian ng Panginoon sa mundo.30 Ang konseho ay nakilala bilang Konseho ng Kaharian ng Diyos, o ang Konseho ng Limampu. Nais ni Joseph ng masiglang debate sa kapulungan at hinikayat niya ang mga miyembro nito na ipahayag ang nasa kanilang isipan at sabihin kung ano ang nasa kanilang mga puso.

Bago isinara ang kanilang unang pulong, masiglang nagsalita ang mga miyembro ng konseho tungkol sa paglikha ng sarili nilang pamahalaan sa ilalim ng isang bagong saligang batas na sumasalamin sa isipan ng Diyos. Naniwala sila na ito ay magsisilbing pamantayan sa mga tao at isasakatuparan ang propesiya ni Isaias na ang Panginoon ay magtatatag ng isang sagisag sa mga bansa upang tipunin ang Kanyang mga anak sa mga huling araw.31

Sa panahong ito, tila nahihirapan si Joseph sa mga pagpupulong kasama ang mga lider ng simbahan. Naniniwala siya na may mahalagang bagay na mangyayari. “Maaaring patayin ako ng aking mga kaaway,” sabi niya, “at sakali mang gawin nila iyon, at hindi ko naigawad sa inyo ang mga susi at kapangyarihan, mawawala ang mga ito sa mundo.” Sinabi niya na nadarama niyang kailangan niyang igawad sa Labindalawang Apostol ang lahat ng susi ng priesthood upang siya ay mapanatag na magpapatuloy ang gawain ng Panginoon.32

“Sa mga balikat ng Labindalawa dapat nakaatang ang responsibilidad na pamunuan ang Simbahang ito hanggang sa humirang kayo ng mga taong papalit sa inyo,” sabi niya sa mga apostol. “Sa gayon ang kapangyarihang ito at ang mga susing ito ay magpapatuloy sa mundo.”

Ang daan pasulong ay hindi magiging madali, babala sa kanila ni Joseph. “Kung kayo ay tinawag upang ialay ang inyong buhay, mamamatay kayo na tulad ng mga tunay na lalaki,” sabi niya. “Matapos nila kayong patayin, hindi na nila kayo maaari pang mapinsala. Kung kinakailangan ninyong pumasok sa mga panganib at mga panga ng kamatayan, huwag matakot sa masama. Namatay si Jesucristo para sa inyo.”33

Ibinuklod ni Joseph sa mga ulo ng mga apostol ang lahat ng susi ng priesthood na kailangan nila upang ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon kung wala siya, kabilang na ang sagradong mga susi ng kapangyarihang magbuklod.34 “Inililipat ko ang dalahin at responsibilidad ng pamumuno sa Simbahang ito mula sa aking mga balikat patungo sa inyo,” sabi niya. “Ngayon, balikatin ninyo ito at manindigan kayo bilang mga tunay na lalaki; dahil ako’y pagpapahingahin muna ng Panginoon.”

Hindi na mukhang nabibigatan si Joseph. Ang kanyang mukha ay maliwanag at puno ng kapangyarihan. “Pakiramdam ko ay kasinggaan ako ng isang tapon. Pakiramdam ko ay malaya ako,” sinabi niya sa mga lalaki. “Pinasasalamatan ko ang aking Diyos sa paglayang ito.”35