2009
Pagkapit sa Matitibay na Ugat
Oktubre 2009


Pagkapit sa Matitibay na Ugat

Melsida Hakobyan, Armenia

Noong bata pa ako at nag-aaral sa Russia, may nabasa akong nakakatakot na kuwento tungkol sa dalawang batang lalaking nakasalubong ng oso sa gubat. Pagkaraan ng ilang taon, noong guro na ako, isinama ako ng ilang kaibigan sa pangongolekta nila ng mga kabute. Takot pa rin ako sa gubat, pero pumayag akong sumama sa kanila.

Pagpasok sa gubat, dumampot ako ng isang patpat para maipagtanggol ko ang aking sarili sakaling makasalubong ako ng oso. Di nagtagal ay nakita ng mga kaibigan ko ang kulay tsokolateng mga kabuteng hinahanap nila. Ako naman, sa kabilang banda, ay naghanap ng mga kabuteng matingkad na pula ang ibabaw, kaya nagsimula akong maghanap sa ibang direksyon. Bigla ko na lang nalaman, nag-iisa na pala ako.

Habang naghahanap ako, nadulas ako at bumagsak. Tumilapon ang basket ko ng mga kabute, pero kumapit ako nang mahigpit sa patpat ko. Nang tangkain kong tumayo, napansin ko na maputik ang pinagbagsakan ko. Nagulat akong malaman na napunta ako sa isang latian! Mabilis na napuno ng tubig ang mga bota ko, at nagsimula akong lumubog. Tinangka kong igalaw ang mga binti ko, pero sa halip na makaahon, lalo akong lumubog. Nang umabot sa baywang ko ang putik, natakot ako nang husto.

Tinawag ko ang mga kaibigan ko para matulungan nila ako, pero ang tanging sagot na narinig ko ay nagmula sa tunog ng paglipad ng mga tutubi at pagkokak ng mga palaka. Nang magsimula akong umiyak, bigla kong naalala ang lola ko. Tuwing nasa masamang sitwasyon siya, nagdarasal siya. Madalas niya akong yayaing magdasal, pero lagi akong tumatanggi, at sumasagot ng, “Walang Diyos.”

Pero sa latiang humihigop sa akin pailalim, wala akong ibang magawa kundi magdasal at humingi ng tulong sa Diyos. “Kung buhay Ka, tulungan mo naman ako!” sabi ko.

Halos kaagad kong narinig ang isang magiliw na tinig na sinasabi sa akin, “Maniwala ka at huwag kang matakot. Kapitan mo ang matibay na ugat ng puno.”

Nang tumingin ako sa paligid, nakita ko ang isang malaking ugat ng puno sa likuran ko. Gamit ang aking patpat, nakuha kong kumawit doon. May nagbigay sa akin ng lakas na hatakin ang sarili ko paahon sa latian.

Puno ng putik, bumagsak ako sa lupa at pinasalamatan ko ang Diyos sa pagsagot sa aking dalangin. Naniwala na ako na Siya ay buhay. Nadama ko ang Kanyang presensya at narinig ang Kanyang tinig, at binigyan Niya ako ng lakas na hatakin ang sarili ko paahon.

Di naglaon, nang ituro sa akin ng mga full-time missionary na nakatanggap ng sagot si Propetang Joseph Smith sa kanyang dalangin sa Sagradong Kakahuyan, pinaniwalaan ko sila. Dahil na rin sa sinagot ng Diyos ang panalangin ko sa gubat. Kumapit ako sa matitibay na ugat ng ebanghelyo, nabinyagan pagkatapos, at naglilingkod ngayon sa Gyumri Branch sa Armenia.

Alam ko na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak, at nagpapasalamat akong maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpapasalamat din ako sa marami pang pagpapalang natanggap ko mula sa Ama sa Langit, lalo na sa Kanyang sagot sa panalangin sa gubat ng isang taong hindi naniniwala sa Diyos maraming taon na ang nakararaan.

Nang umabot sa baywang ko ang putik, natakot ako nang husto. Tinawag ko ang mga kaibigan ko para matulungan nila ako, pero ang tanging sagot na narinig ko ay nagmula sa tunog ng paglipad ng mga tutubi at pagkokak ng mga palaka.