2009
Binyag ni Lola
Oktubre 2009


Binyag ni Lola

Marilena Kretly Pretel Busto, São Paulo, Brazil

Noong Hunyo 30, 2001, gumagawa ako ng birthday cake para sa anak kong babae nang tumunog ang telepono. Kapatid ko iyon na nasa Brazil, na ipinaaalam sa akin na pumanaw na ang lola namin.

Malungkot ang balita, pero hindi ako nalungkot. Tutal, nabuhay naman ang mahal kong lola nang halos 102 taon. Masaya ako na malaya na siya sa kanyang matanda at mortal na katawan at nagpunta na sa daigdig ng mga espiritu.

Pagkatapos ay inisip ko kung bakit nataon ang pagkamatay niya sa kaarawan ng anak ko, at inisip ko kung may ibig sabihin ba ang pagkakasabay na ito. Sa pagdaan ng mga araw, natuklasan ko kung ano iyon: magiging madali para sa akin ang tandaan na magpabinyag para sa lola ko isang taon matapos siyang pumanaw. Inangkin ko ang responsibilidad na ito, batid na kailangan kong maghintay hanggang sa susunod na kaarawan ng anak ko.

Mabilis na lumipas ang taon. Gayunman, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong magpunta sa templo sa mismong anibersaryo ng kamatayan ng lola ko dahil sa Portugal ako nakatira at sa Madrid Spain Temple ako dumadalo. Pero halos walang araw na nagdaan na hindi ko naisip ang responsibilidad kong magpabinyag para kay Lola Josefina.

Oktubre 2002 na kami nakapunta sa templo. Sumama kaming mag-asawa sa anak naming si Mathew na tatanggap ng kanyang endowment sa paghahanda para sa kanyang misyon. Masaya akong makapunta sa templo, at inakala ko na may mararamdaman akong espesyal nang mabinyagan ako para sa lola ko.

Ang asawa ko ang nagsagawa ng binyag, pero wala akong naramdaman. Ang anak ko ang nagkumpirma, pero wala pa rin. Lumipas ang pag-aalala ko kung bakit wala akong naramdaman, at natuwa ako na naisagawa na ang mga ordenansa para sa lola ko.

Pagkatapos ng endowment, nagtungo kami sa silid-bukluran para ibuklod si Lola sa kanyang mga magulang. Nang lumuhod kami sa altar para isagawa ang ordenansa at magsalita na ang tagapagbuklod, para akong kinilabutan mula ulo hanggang buong katawan. Mahirap ipaliwanag, pero sa maalab na sandaling iyon, sigurado ako na nagalak si Lola Josefina na mabuklod sa kanyang mga magulang.