2009
Narito Kami para Makita ang Templo
Oktubre 2009


Narito Kami para Makita ang Templo

Rees Bandley, Utah, USA

Isang araw ng taglagas habang nagtatrabaho ako sa Salt Lake Temple, dumating ang isang binata at kanyang mga kaibigan, na kitang-kitang hindi angkop ang pananamit para sa pagsamba sa templo.

“Narito kami para makita ang templo,” sabi ng binata.

“May recommend ka ba?” tanong ko.

Nag-isip sandali ang binata. At saka niya sinabi, “Opo. May kaibigang Mormon ang nanay ko sa Minnesota. Inirekomenda niyang pumunta kami at tingnan ang templo.”

Naisip kong papuntahin sa tabi ang mga kabataan at kausapin sila. Ang pangalan ng binata ay Lars. Ipinaliwanag ko sa kanya na hindi lang siya puwedeng pumunta sa templo kundi nais ng Ama sa Langit na pumunta siya. Sinabi ko kay Lars na dapat muna siyang maghanda, at ipinaliwanag ko kung paano.

Bago iyon, matagal na panahon akong di naging aktibo sa Simbahan. Nagmisyon ako pero kalaunan ay tinalikuran ko ang Simbahan nang mawili ako sa entertainment industry at gumamit ng droga at alak. Akala ko hahanga ang pamilya ko sa propesyon at yaman ko, pero ang mga ito ay hindi mahalaga sa nanay ko. Sa halip, lagi niyang isinusulat ang pangalan ko sa temple prayer roll, na ikinagalit ko.

Tumalikod din sa Simbahan ang babaeng pinakasalan ko. Nang magsimulang magtanong ang walong-taong-gulang kong anak na babae, si Tori, tungkol kay Jesucristo, bagsak na ang espirituwalidad namin. Sa kabila ng pagmimisyon ko, wala akong maalala tungkol sa Tagapagligtas.

“May mga taong karapat-dapat kang turuan tungkol kay Jesus,” sabi ko kay Tori. “Bakit hindi mo sila kausapin?”

Ilang araw ang lumipas, dalawang sister missionary ang kumatok sa pintuan namin. Pinapasok sila ni Tori at sinimulan nila ang mga talakayan. Habang lihim akong nakikinig mula sa isa pang silid, narinig ko ang mga sister na nagtuturo ng mga doktrinang alam kong totoo.

“Gusto mo bang magpabinyag?” tanong ng isa sa mga sister kay Tori matapos ang ikatlong talakayan.

“Opo,” sagot niya.

“Bibinyagan ka ba ng tatay mo?”

Dalawampung taon na akong hindi nagsisimba, pero alam kong magbabago na ang buhay ko. Nakinig ako sa huling ilang talakayan, nagsimula kaming magsimba, at nakipagkita kaming mag-asawa sa bishop. Nang makapagsisi ako, ipinasiya ko na dapat kong gawin ang lahat para mapunan ang mga taon na sinayang ko. Nagpalit ako ng propesyon, ginampanan ko ang mga tungkulin ko sa Simbahan, ibinuklod ako sa aking asawa’t anak, at naging temple worker. Sa ganitong paraan alam kong ang mausisang grupo ng mga kabataan ay maaaring maging karapat-dapat sa templo.

Nang sumunod na tagsibol, sinulatan ako ni Lars, at pinasalamatan sa pagpapaliwanag ng tunay na kahulugan ng temple recommend. “Higit pa sa temple recommend ang natutunan ko,” sulat niya. “Ang totoo, nabinyagan ako at tumanggap ng sarili kong recommend noong Enero!” Napuno ng luha ang mga mata ko nang tingnan ko ang inilakip niyang retrato niya na suot ang puting damit-pambinyag kasama ang mga misyonerong nagturo sa kanya.

Kakaiba ang paglalakbay ko pabalik sa templo, at ang malaman ang paglalakbay ni Lars ay isang napakagandang pagpapalang nagpaalala sa akin kung paano natin maaantig ang buhay ng iba sa kabutihan.