Ating Tahanan, Ating Pamilya
Isang Maluwalhating Pagkikitang Muli
Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA, at naglingkod sa Ghana Accra Mission.
Maraming dekada ng paghihiwalay at sama-ng-loob ang nagwakas nang pagtagpuin ng Panginoon ang isang ama at ang anak nitong lalaki sa templo.
Isang magandang umaga iyon ng Abril 2012 nang pumasok si John Ekow-Mensah sa Accra Ghana Temple. Ang matandang lalaki, na nasa 80s na ang edad, ay naglakbay kasama ng isang grupo ng mga Banal mula sa Nkawkaw, kung saan siya namuhay na mag-isa. Plano ng grupo na matulog sa gabi sa kalapit na mga silid para sa mga temple patron at maglingkod nang dalawang araw sa templo.
Nakaupo sa loob ng templo, naghihintay si Brother Ekow-Mensah na makalahok sa mga ordenansa sa initiatory nang maupo ang isang nakababatang lalaki sa kanyang tabi. Plano ng nakababatang lalaki, edad 54, na dumalo sa isang endowment session sa umagang iyon kasama ang kanyang asawa ngunit, dahil nahuli sila ng dating para sa sesyong iyon, ipinasiya niyang magsagawa ng mga ordenansa sa initiatory.
“Tagasaan ka?” tanong ni Brother Ekow-Mensah.
“Sekondi,” sagot ng lalaki.
“Saang parte ng Sekondi?” tanong ni Brother Ekow-Mensah.
“Ketan,” sagot ng nakababata, “kung saan naroon ang mga paaralan.” Habang patuloy ang pag-uusap, kapwa nadama ng dalawa kung saan maaaring humantong ang mga tanong na ito.
Naantig ng nabubuong pakiramdam ng pagkakilala, tumingin ang nakababatang lalaki kay Brother Ekow-Mensah. “Kayo ang tatay ko,” pahayag niya. Ano ang pangalan ninyo?
“John Ekow-Mensah.”
“Iyan din ang pangalan ko,” sagot ng anak.
Matapos maglingkod sa templo, matagal na naupo ang dalawang lalaki sa silid-selestiyal, at muling pinag-uugnay ang kanilang buhay at pinag-aalab ang kanilang pagmamahal. Bagama’t lahat ng sinabi at ginawa ni Brother Ekow-Mensah Jr. ay magalang at angkop, tila hindi pa siya handang tanggapin nang buong puso ang kanyang ama—hanggang sa malaman niya kung bakit kinailangang umalis ng kanyang ama at bakit hindi niya maaaring kontakin ang kanyang pamilya.
Halos 50 taon na ang nakalipas pinakasalan ni Brother Ekow-Mensah Sr. ang isang babae na ang lola—ang pinakamatandang matriarch noong panahong iyon—ang may pinakamataas na kapangyarihan sa kanilang lipi. Ang malungkot, ayaw ipakasal ng matriarch ang kanyang apo kay John. Sa pamimilit nito naghiwalay ang mag-asawa sa huli noong apat o limang taong gulang pa lamang ang panganay na anak nilang si John Jr. Ang pagkakilala ni John Jr. sa kanyang lola-sa-tuhod ay isa itong malakas at masipag na babae, hindi isang makapangyarihang tao na nagkait sa kanya na makaugnayan ang kanyang tunay na ama nang halos 50 taon.
Lubos na naputol ang lahat ng kanilang kaugnayan nang palayasin ng pamilya ang kanyang ama. Dahil sa kawalan ng telepono o serbisyo ng koreo, nawalan ng paraan si John Sr. na makontak ang kanyang pamilya. Matagal siyang napalayo dahil sa paghahanap ng trabaho. Nanirahan siya sa Mankessim bandang 1963 hanggang 1989, kung saan siya nagtayo ng maliit na paint shop. Mula roon lumipat siya sa Ada, kung saan isang babae na may-ari ng gusaling pinipinturahan niya ang nagpakilala sa kanya sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sumapi si Brother Ekow-Mensah Sr. sa Simbahan noong 1991.
Dahil napakabata pa ni Brother Ekow-Mensah Jr. nang mawalan ng saysay ang kasal ng kanyang mga magulang, wala siyang gaanong alam tungkol sa kanyang pinagmulan. Paminsan-minsa’y sinabi ng kanyang ina na siya ay “kamukhang-kamukha” ng kanyang ama, ngunit hanggang doon lang ang alam niya.
Nang lumaki na siya at makapag-asawa, nagpasiya si John at ang kanyang asawang si Deborah na maghanap ng simbahang masasapian nila. Nasa University of Ghana sa Accra si John nang makakita siya ng isang magasing Liahona sa ibabaw ng isang istante. Dinampot niya ito at naging interesado siya sa sinabi rito. Tinandaan ni John ang naglathala: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pag-uwi ni John sa bahay niya sa Sekondi mula sa paaralan, sabik na ikinuwento sa kanya ng kanyang asawa ang tungkol sa isang simbahang ipinaalam sa kanya ng isang kaibigan. Sinabi nito sa kanya na ang pangalan ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinabi sa kanya ni John na iyon ang simbahang nabasa niya sa isang magasin sa unibersidad.
Itinuro kina John at Deborah ang ebanghelyo at nabinyagan sila noong 1999. Pagkaraan ng sampung taon ibinuklod sila sa Accra Ghana Temple, at ang tatlong pinakabata sa lima nilang anak ay ibinuklod sa kanila.
Pagkatapos sa templo noong Abril 2012, naiyak ang ama at anak nang makilala nila ang isa’t isa. Naragdagan ang kanilang kagalakan sa pagkaunawa na hiwalay silang sumapi sa Simbahan at nagkatagpo sila sa templo noong magandang umagang iyon.