2015
Tag, Taya Ka!
Agosto 2015


Tag, Taya Ka!

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Parang hindi iyon nakakatuwa—para man lang kay Ally.

“Maging mabait ang nais ko, ’pagkat ’yan ang tama” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83).

“Sabik na akong mag-recess!” sabi ni Ally kay Lauren habang ibinabalik ang mga lunch box nila sa istante sa kanilang silid-aralan. “Kasasabi lang ni Tami na maglalaro tayong lahat ng tag sa palaruan ngayon.”

“Ang saya!” sabi ni Lauren. “Gusto ko ang larong iyan.”

Masaya si Lauren at nagulat siya nang yayain ni Tami si Ally na maglaro. Matagal nang salbahe si Tami kay Ally. Natuwa si Lauren na sinikap din nitong maging mabait.

“Magsosoli lang ako ng libro sa library, kaya huwag kayong magsimula nang wala ako.” Nakangiting tumakbo si Ally pababa sa library.

Nagmadaling lumabas si Lauren sa palaruan. Pagdating niya roon, tinitipon na ni Tami nang pabilog ang ibang mga bata. Tumakbo si Lauren para sumali sa kanila.

“Bilisan ninyong lahat!” sigaw ni Tami habang sinesenyasan ang lahat na lumapit sa kanya. “May sasabihin ako sa inyo na nakakatuwa bago makarating si Ally dito.”

Masama ang kutob ni Lauren tungkol dito.

Nagsiksikan ang mga bata para makinig. “Sa halip na i-tag ang lahat tulad ng dati nating ginagawa,” sabi Tami, “si Ally lang ang i-tag natin. Pero huwag ninyong sabihin sa kanya, at kung hindi lagot kayo sa akin!” Humagikgik si Tami. Parang ipinagmamalaki niya ang sarili niya.

Tiningnan ni Lauren ang ibang mga batang nasa bilog. Marami sa mga batang ito ang salbahe kay Ally mula pa noong kindergarten. Noon talaga nagsimulang maging salbahe ang mga bata kay Ally. Pinagtatawanan at tinutukso nila ito. Kadalasan ay si Tami ang pasimuno nito at nagsusunuran ang ibang mga bata.

Kahit kailan hindi gusto ni Lauren ang pagtrato nila kay Ally. Nagdesisyon siya kaagad na hindi siya susunod sa kanila. Alam niya na bawat isa ay anak ng Diyos at dapat tratuhin nang may kabaitan.

Huminga siya nang malalim at tinitigan si Tami sa mga mata. “Hindi ako natutuwa sa ideya mo. Hindi natin dapat tratuhin si Ally nang ganyan. Kaya ayoko nang sumali.”

Iniwan ni Lauren ang grupo at bumalik nang mag-isa sa paaralan para hanapin si Ally.

Akala niya nag-iisa siya.

Pagkatapos ay narinig niya, “Hoy, teka lang!”” Lumingon si Lauren at nakita ang karamihan sa mga batang tinipon ni Tami. Hindi siya makapaniwala!

“Hanapin natin si Ally at tayu-tayo na lang ang maglaro ng tag,” sabi ni Damon.

“Gusto ko ring sumali!” sabi ni Lea. Tumango ang iba.

Ngumiti si Lauren. Hindi na masama ang pakiramdam niya.

“Magandang ideya!” sabi ni Lauren. “Hayu’t papunta na rito si Ally.”

Lumingon siya at tinapik si Damon sa balikat. “Tag, taya ka!” sigaw niya, pagkatapos ay tumakbo papunta kay Ally. At naghabulan na rin ang lahat ng bata.

Mga paglalarawan ni Steven Keele