2015
Ang Bintana sa May Pool
Agosto 2015


Mga Pagmumuni

Ang Bintana sa May Pool

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Matutulungan tayo ng ating mga ugnayan sa pamilya na pag-aralan, unawain, at ipamuhay ang ebanghelyo.

A young girl jumping into a swimming pool.  Her father has his arms outstretched to catch her.

Paglalarawan ni Allen Garns

Patapos na ang bakasyon namin. Habang kumakain ng waffles sa umagang iyon, nagplano kami kung paano gugugulin nang husto ang aming oras sa hotel bago pagtiisan ang limang oras na biyahe pauwi. Nagpasiya ang asawa ko na dalhin sa pool ang tatlong anak naming babae para sa huling pag-aaliw. Sasamantalahin ko namang mag-treadmill sa gym.

Ang napili kong treadmill ay nakaharap sa isang bintanang kasinglapad ng dingding kung saan tanaw ang swimming pool. Hindi nagtagal nakita ko ang isang pamilya, ang pamilya ko, papunta sa pool. Inihagis lang nila ang mga tuwalya, sapatos, at T-shirt kung saan-saan habang tuwang-tuwa silang naghandang tumalon sa tubig. Karaniwan ay kasunod nila ako, na nagtitipon ng mga damit at sapatos at, sa totoo lang, medyo kinainisan ko iyon. Sa halip, minasdan ko ang pamilyang ito mula sa labas, na para bang isang malaking screen ng sinehan ang malaking bintana sa harapan ko. Habang sumasabay ang mga paa ko sa takbo ng treadmill, nanood ako.

Nakita ko kung gaano kasaya ang lahat, sama-samang nagtatawanan at naglalaro, at naisip ko ang mga pagkakataon na nadismaya ako sa walang-kuwentang mga pagtatalong hindi maiwasang mangyari sa isang pamilya, sa pagkabalisang nadama ko, na kahit ginawa ko na ang lahat, bigo akong turuan ang aking mga anak na mahalin ang isa’t isa. Ngunit habang nanonood ako, nakita ko ang mga tao na masayang magkakasama. Natuklasan ko na hindi ako bigo sa pagtuturo sa kaniila na magmahalan; hindi ko lang napansin na kaya nilang gawin iyon.

Pinanood ko ang isa sa mga batang babae na tumatalon nang paulit-ulit mula sa gilid ng pool at sinasalo ng tatay niya. Naisip ko ang lahat ng malalaking pagtalon na gagawin niya sa buong buhay niya at umasa akong magtitiwala siya na sasaluhin siya ng Ama sa Langit sa tuwina. Alam ko na sa bawat pagtalon niya ay natututo siyang magtiwala at ang pagiging bahagi ng aming pamilya ay ligtas na paraan para matutong magtiwala nang gayon.

Isa pang anak na babae ang gustong maperpekto ang isang kahusayan sa paglangoy. Nakita ko kung paano siya nahikayat ng kanyang pamilya na patuloy na magsikap. Magkakaroon ng mga pagkakataon sa kanyang buhay na kakailanganin niya ang suportang iyon sa harap ng mas mahihirap na hamon.

At pagkatapos ay pinanood ko ang aming pangatlong anak na babae na di-sinasadyang nabundol at nahulog sa pool. Inis at galit, umahon siya mula sa tubig at naupo sa isang silya. Agad napansin ng kanyang pamilya na nawawala siya. Pinanood ko ang bawat isa na magiliw na hinikayat siya na muling sumama sa kanila. Kalaunan ay ginawa niya ito, at naisip ko ang kanyang kinabukasan, ang lahat ng pagkakataon na masasaktan siya at madarama niya na parang gusto na niyang sumuko. Umaasa ako na laging niyang masusumpungan sa pagmamahal ng kanyang pamilya ang lakas na magtiis.

Bigla, naunawaan ko: maaaring maging mahalaga ang ating mga pamilya sa kakayahan nating pag-aralan, unawain, at ipamuhay ang ebanghelyo. Napansin ni Nephi na “sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay” (1 Nephi 16:29). At gayon din sa mga pamilya. Oo, nahihirapan ang mga magulang. Ngunit bawat pagsisikap na magturo at magsanay at magmahal, gaano man kaliit, ay mahalaga.

Nagwakas ang aking maikling pelikula. Nang patayin ko ang treadmill at panoorin ko ang aking pamilya na tinitipon ang kanilang mga damit, nakadama ako ng panibagong determinasyong magpatuloy, sa paggawa ng lahat ng maliliit na bagay na kung minsan ay ipinag-aalala kong walang nagagawang kaibhan.