2015
Mga Lalaking Banal sa mga Huling Araw at Diborsyo
Agosto 2015


Kalalakihang Banal sa mga Huling Araw at Diborsyo

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Bagama’t ang matibay na pagsasama ng mag-asawa ay uliran, nakakalungkot na may ilang mag-asawang nagdidiborsyo. Kung kayo ay diborsyado, narito ang ilang paraan para manatiling malapit sa inyong mga anak at matatag sa ebanghelyo.

illustration of hands reaching toward each other

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson

“Ang pinakalayunin ng lahat ng ating itinuturo ay mapagkaisa ang mga magulang at mga anak sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, nang maging masaya sila sa tahanan, at mabuklod sa walang-hanggang kasal.”1 Sa kabila ng inspiradong turong ito mula kay Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, may mga nagdidiborsyo pa rin. Masakit ang diborsyo: yaong mga sangkot ay maaaring magimbal, magkaila, malito, malungkot, at magalit, at magkaroon din ng mga pisikal na sintomas na tulad ng hindi makatulog sa gabi at hindi makakain o sobrang kumain.

Sa karanasan ko bilang tagapayo, natuklasan ko na, bagama’t maraming nararanasan ang mga lalaki at babae sa diborsyo na magkapareho, may ilang pagkakaiba:

  • Habang kasal pa, mas malamang na maliitin ng mga lalaki ang mabibigat na problema sa pagsasama nilang mag-asawa. Ang kanilang pagkabigla sa diborsyo ay maaaring magpahina ng kanilang loob.

  • Ang mga kalalakihan ay di-gaanong nagsasabi ng kanilang nararamdaman, kaya mas malamang na hindi sila matuto sa kanilang karanasan.

  • Mas gusto ng mga lalaki na maging abala, kaya mas malamang na hindi sila humingi ng payo at sa halip ay itinatago nila ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang maraming oras o pagtutuon nang husto sa isang libangan.

  • Dahil sa mga problema sa pera at sa negatibong epekto sa kanilang ego, ang ilang lalaki ay dumaranas ng mga pagsubok na gaya ng depresyon, pagbigat ng timbang, pag-inom ng alak, at pagiging di-gaanong aktibo sa Simbahan.

Ang tanging ligtas na landas para makayanan ang diborsyo ay sa pananatiling tapat sa ebanghelyo. Para makaakma, kailangan ay kaya ninyong maging mabait kahit parang ayaw ninyo, manatiling tiwala at may pagpapahalaga sa sarili, tiisin ang sakit ng damdamin habang patuloy kayong kumikilos, magpasensya sa ibang mga sangkot dito, maging patas at huwag maghiganti, at manatiling matatag sa espirituwal, na mas maglalapit sa inyo sa Panginoon, na “nagpakababa-baba” sa lahat ng bagay at na ang Pagbabayad-sala ay sapat para paghilumin ang mga sugat at pasiglahin kayo (D at T 122:8).

Sinuman ang may mas malaking kasalanan sa inyong diborsyo, hindi darating ang paghilom hangga’t walang pagsisisi at kapatawaran. Tulad ng itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Alisin natin ang ating mga hinanakit. … Alalahanin, karaniwan ang pangyayaring ito sa mga naroon sa langit: Sila ay [pin]atawad. At sila ay nag[pa]patawad.”2

Pagpapanatili ng Pakikipag-ugnayan sa Inyong mga Anak

Marahil walang anumang bagay na higit na nagpapahirap ng damdamin kaysa sa kung kanino mapupunta ang anak. Kapag ang karaniwang kasama ng anak ay ang kanilang ina, madaling madama ng ama na parang naging bisita na lang siya sa kanyang sariling mga anak. Maaaring ipadama nito sa kanya na wala siyang magawa at kontrolado siya ng batas. Gayunman, maliban kung may potensyal na may pang-aabuso o iba pang nakapipinsalang pag-uugnayan, makabubuting patuloy na makipag-ugnayan ang mga anak sa dalawa nilang magulang. Mabuti na lang, karamihan sa mga dating mag-asawa ay natututong magtulungan para sa kapakanan ng kanilang mga anak.

Ang regular na pakikipag-ugnayan sa inyong mga anak ay dapat unahin palagi, gaano man kayo kalayo o mag-asawa man kayong muli. Kahit kulang ang inilaang oras sa inyo na makasama sila, gawing positibo ang mga pagbisita at huwag magsabi ng mga negatibong bagay sa mga anak tungkol sa kanilang ina. Mas malamang na tagumpay na makaakma ang mga anak sa pagdidiborsyo ng mga magulang kapag handa ang kanilang ina at ama na unahin ang kaligayahan at katatagan ng mga anak kaysa sarili nilang nasaktang damdamin.

Pananatiling Aktibo sa Simbahan

illustration of a hand holding on to the iron rod

Ilang kalalakihan ang nagsabi na walang nakapagpahina ng kanilang patotoo maliban sa diborsyo. Totoo ito lalo na kung naging tapat sila sa pagiging aktibo sa Simbahan at taimtim nilang ipinagdasal na malutas ang mga problema nilang mag-asawa. Ang paghinang ito ng patotoo ay maaaring magpadama sa isang lalaking diborsyado na hindi na siya komportableng magsimba, lalo na kung naniniwala siya na iniisip ng iba na hindi siya naging tapat sa kanyang asawa.

Subalit ang patuloy na pagsisimba ay ilalantad tayo sa mga tamang alituntunin at paliligiran tayo ng mga taong nagmamalasakit. Kung tila hindi kayo natutulungan ng mga miyembro ng Simbahan, huwag maghinanakit. Malamang na hindi nila alam kung ano ang gagawin o sasabihin. Magtiis at tulungan ang inyong sarili. Humanap ng support network. Sumangguni sa inyong quorum president, bishop, o stake president at isiping humingi ng payo sa isang propesyonal, tulad ng LDS Family Services, kung mayroon. Tutulungan kayo nitong suriin ang sarili ninyong pag-uugali at makita ang mga bagay-bagay nang mas malinaw.

Ang mga lalaking diborsyado ay malugod na tinatanggap sa Simbahan tulad din ng pagtanggap sa mga lalaking may-asawa. Sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maraming mabubuting miyembro ng Simbahan na nagdiborsyo” at binigyang-diin na “kung hindi nakagawa ng mabigat na kasalanan ang miyembrong nakipagdiborsyo, maaari siyang makakuha ng temple recommend batay sa gayunding mga pamantayan ng pagkamarapat na angkop sa iba pang mga miyembro.”3

Paglago sa Kabila ng mga Hirap

Sinasabi ng ilang kalalakihan na bagama’t hindi na nila gustong maranasan iyong muli, natuto na sila mula rito. Nakakabangon sila at nagpapatuloy sa kanilang buhay. Ang paraang iyon ay ipinahayag ng lalaking ito na pinayuhan ko: “Hindi ko pa rin maunawaan ang konsepto na diborsyado na ako, pero totoo. Hindi ko ito inasahan kailanman, pero nangyari, at tanggap ko ito. Ang mithiin ko ngayon ay gawin ang lahat ng makakaya ko para manatiling tapat kay Cristo, magbuo ng matatag at bagong pamilya, at maging mabuting halimbawa sa aking mga anak at mga anak sa una ng aking asawa hangga’t kaya ko.”

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “The Shield of Faith,” Ensign, Mayo 1995, 8.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 77.

  3. Dallin H. Oaks, “Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 70–71.