2015
Pakikipagkarera ni Shelly
Agosto 2015


Pakikipagkarera ni Shelly

Nitong huli parang walang sinumang makapagbigay ng tulong na kailangan ni Shelly.

“Huwag kang matakot; sapagka’t ako’y sumasaiyo: huwag kang manglupaypay; sapagka’t ako’y iyong Dios: aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka” (Isaias 41:10).

Product Shot from August 2015 Liahona

“Hoy, Shelly!” Tumingala si Shelly na noo’y nagtatali ng sintas ng lumang sapatos na pantakbo para tingnan si Rosa na kumakaway mula sa starting line. “Halika na,” sigaw ni Rosa. “Lalagpasan natin ang pinakamabilis na oras natin!”

Ngumiti si Shelly. Sinasabi ni Rosa iyon tuwing may praktis.

May dalawang bagay na gusto si Shelly sa pagpasok niyang ito sa middle school. Ang una ay ang pagsali niya sa track team. Nang tumakbo siya, gumaan ang pakiramdam niya, na parang hindi niya kailangang mag-alala tungkol sa anupaman.

Ang pangalawang gusto niya ay na walang sinuman dito ang nakakaalam na kadidiborsyo lang ng mga magulang niya.

Sinikipan pa ni Shelly ang kanyang sintas at sumama na sa iba pang mga dalagita sa relay team. Aray! Napangiwi siya sa sakit nang sumiksik ang mga daliri niya sa paa sa dulo ng sapatos niya. Paano niya sasabihin kay Itay na kailangan niya ulit ng bagong sapatos?

Pagkatapos ng karerahan, nagdiwang sina Shelly, Rosa, Becca, at Tiana sa bagong pinakamabilis na oras nila sa relay. “Sabi ko na sa inyo magagawa natin iyan ngayon!” sabi ni Rosa.

Tumawa si Shelly. Iniabot niya ang baton sa kanilang track teacher at yumuko para kalagin ang kanyang mga sintas.

“Magaling, mga bata,” sabi ni Ms. Goldmann. “Talagang nagtutulungan kayo. Huwag ninyong kalimutang bayaran ang track fee ninyo bukas.”

Naglaho ang ngiti ni Shelley. Nakalimutan niya iyon!

Habang sakay ng bus pauwi, ang tanging nasa isip ni Shelly ay ang sapatos at ang track fee. Ayaw niyang bigyan ng isa pang problema si Inay. At noong huli siyang tumawag kay Itay para humingi ng ekstrang pera, parang nayamot ito. Nitong huli parang wala nang makapagbigay ng tulong na kailangan niya.

Pagdating ng bahay, dumiretso si Shelly sa kanyang silid. Sa hapunan nag-usap at nagbiruan ang mga kapatid niya, pero pinaikut-ikot lang niya ang pagkain niya sa plato.

Pagkatapos maghapunan tinulungan ni Inay si Shelly sa pagliligpit ng mesa. “Kakausapin ko si Bishop Parker ngayong gabi,” sabi ni Inay. “Gusto mo bang sumama at humingi ng basbas ng priesthood?”

Tumango si Shelly. Talagang hinanap-hanap niya ang mga basbas na dating ibinibigay sa kanya ni Itay kapag nag-aalala siya o maysakit.

Maya-maya pa, nang mabasbasan siya ni Bishop Parker, napanatag ang loob ni Shelly. “Shelly, wala na ang tatay mo sa bahay ninyo para tulungan ka,” sabi nito sa basbas. “Pero laging nariyan ang iyong Ama sa Langit. Binabasbasan kita na magawa mong kausapin Siya tulad ng pagkausap mo sa tatay mo, at lagi kang tutulungan ng Ama sa Langit.”

Gumaan ang pakiramdam ni Shelly na matagal niyang hindi naramdaman. Panatag ang loob niya na ang mga sinabi sa kanya ng bishop ay totoo. Mahal at pakikinggan siya ng Ama sa Langit. Sa tulong Niya, baka magkalakas-loob pa siyang kausapin ang kanyang mga magulang.

Habang papauwi, sinabi niya kay Inay ang tungkol sa sapatos at sa track fee. Nang gabing iyon lumuhod siya at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan siyang magkalakas-loob na kausapin ang tatay niya. Ipinagdasal niya itong muli sa bus papasok ng eskuwela kinaumagahan. Pag-uwi niya mula sa paaralan, nagkaroon siya ng tapang na tawagan ang tatay niya. Sa pagkakataong ito parang hindi na ito nayayamot nang sabihin niya ang kailangan niya. Nasagot ang kanyang mga dalangin.

Ilang linggo kalaunan, itinali ni Shelly ang sintas ng bago niyang sapatos na pantakbo at tumakbo papunta kay Rosa at sa iba pang mga dalagita. Masarap malaman na may mahusay siyang team na sumusuporta sa kanya. Hindi niya kailangang makipagkarera nang mag-isa.

Paglalarawan ni Apryl Stott