2015
Mga Disipulo at ang Pagtatanggol sa Usapin ng Kasal
Agosto 2015


Mga Disipulo at ang Pagtatanggol sa Usapin ng Kasal

Mula sa isang mensahe sa pagtatapos sa BYU, “Disciples of Christ—Defenders of Marriage,” na ibinigay noong Agosto 24, 2014. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder Russell M. Nelson

Ang mga disipulo ng Panginoon ay mga tagapagtanggol ng tradisyonal na kasal. Hindi tayo maaaring magpabaya. Hindi ang kasaysayan ang hahatol sa atin. Hindi ang sekular na lipunan ang hahatol sa atin. Diyos ang hahatol sa atin!

Hands holding and protecting a family cut out from paper. (Scherensnitte)  They are holding hands.

Paglalarawan ni SychuginaElena/iStock/Thinkstock

May dakilang kapangyarihan sa malakas na pagtutuwang. Ang mga tunay na magkatuwang ay mas maraming makakamit kaysa sa kabuuan lamang ng bawat pagkilos. Sa mga tunay na magkatuwang, ang isa dagdagan ng isa pa ay higit pa sa dalawa. Halimbawa, binuo ni Dr. William J. Mayo at ng kanyang kapatid na si Dr. Charles H. Mayo ang Mayo Clinic. Ang mga abugado at iba pa ay bumubuo ng mahahalagang pagtutuwang. At sa mag-asawa, mabubuo ng isang lalaki at isang babae ang pinakamahalagang pagtutuwang sa lahat—isang walang-hanggang pamilya.

Ang masusuportahang mga pagbabago sa anumang adhikain ay depende sa pagtutulungan at kasunduan. Ang magagaling na lider at magkatuwang ay nagkakaroon ng kasanayang magbahagi ng mga ideya at pagsisikap at ng huwaran sa pagbuo ng mga bagay-bagay. Ang mga dakilang magkatuwang ay lubos na tapat sa isa’t isa. Pinipigilan nila ang kanilang pagkamakasarili kapalit ng pagiging bahagi ng paglikha ng isang bagay na mas malaki kaysa sa kanila. Ang magagaling na pagtutuwang ay depende sa pagkakaroon ng bawat katuwang ng kanyang personal na pag-uugali.

Mga Tagapangalaga ng Kabanalan

Tila ngayon ang oras ko para dumalo sa mga libing. Nasaksihan ko na ang maraming pamilya na namamaalam sandali sa mga mahal nila sa buhay at kung kanino sila nabuklod. Madalas kong lisanin ang mga libing na nag-iisip na, “Ano kaya ang gugustuhin kong sabihin nila tungkol sa akin sa libing ko?”

Panahon na para itanong din ninyo ito. Ano ang gusto ninyong sabihin nila tungkol sa inyo sa libing ninyo?

Umaasa ako na sasabihin nila na kayo ay isang mabuting asawa at ama o ina, na kayo ay isang taong may integridad, na kayo ay mabait at matiyaga, na kayo ay mapagpakumbaba at masipag, at na kayo ay isang taong banal.

Ang pinakadakilang mga tagapangalaga sa lahat ng kabanalan ay ang kasal at pamilya. Ito ang partikular na nangyayari sa mga banal na katangiang kalinisang-puri at katapatan, na kapwa kailangan sa paglikha ng tumatagal at lubos na nakasisiyang pagtutuwang sa kasal at mga ugnayan sa pamilya.

Ang lalaki at babae ay nilikha para sa kanilang magagawa at maaaring kahinatnan—nang magkasama. Kailangan ng isang lalaki at isang babae para magluwal ng isang bata sa mundo. Ang mga ina at mga ama ay hindi maaaring magpalit ng tungkulin. Ang mga lalaki at mga babae ay magkaiba at pinupunan ang mga pagkukulang ng isa’t isa. Ang mga bata ay nararapat bigyan ng pagkakataong lumaki na may isang ina at isang ama.1

Malamang na mararanasan ninyo ang dumaraming debate tungkol sa kahulugan ng kasal. Marami kayong kapitbahay, kasamahan, at kaibigan na hindi maririnig kailanman ang makatwiran at inspiradong mga katotohanan tungkol sa kahalagahan ng kasal ayon sa pakahulugan ng Diyos mismo. Magkakaroon kayo ng maraming pagkakataong palakasin ang pag-unawa sa mga argumentong iyan na panig sa Panginoon sa pamamagitan ng kagalingan ng inyong mga halimbawa, bilang mga indibiduwal at bilang mga pamilya.

Nakinita ni Apostol Pablo ang ating sitwasyon nang sabihin niyang:

“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.

“Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,

“Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,

“… mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios.”

At nagtapos siya: “Lumayo ka rin naman sa mga ito” (II Kay Timoteo 3:1–5).

Pagkatapos ng kanyang kahanga-hangang propesiya tungkol sa ating panahon, idinagdag ni Pablo ang babalang ito: “Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig” (II Kay Timoteo 3:12).

Pag-isipan ninyo iyan! Nangangahulugan ito na sa mapanganib na mga panahong ito, ang buhay ay hindi magiging komportable para sa mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo. Ngunit kakasihan Niya tayo. Ibinigay Niya sa atin ang katiyakang ito: “Mapapalad silang lahat na pinag-uusig dahil sa aking pangalan, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit” (3 Nephi 12:10).

Sa madaling salita, bilang mga disipulo, bawat isa sa atin ay susubukan. Anumang oras ng anumang araw, may pribilehiyo tayong pumili sa pagitan ng tama at mali. Napakatagal na ng digmaang ito na nagsimula bago pa tayo isinilang. At ang digmaang iyan ay mas tumitindi araw-araw. Ang katatagan ng inyong pagkatao ay higit na kailangan ngayon kaysa noon.

Walang Part-Time na Disipulo

A man is holding some paper doll art of a family. He is cupping it in his hands.

Lipas na ang araw na maaari kayong manahimik at mapanatag bilang Kristiyano. Ang inyong relihiyon ay hindi lamang tungkol sa pagsisimba sa araw ng Linggo. Ito ay tungkol sa pagiging tunay na disipulo mula Linggo ng umaga hanggang Sabado ng gabi—24/7! Walang part-time na disipulo ng Panginoong Jesucristo.

Inaanyayahan ni Jesus ang sinumang gustong maging Kanyang disipulo na pasanin ang kanyang krus at sumunod sa Kanya (tingnan sa Mateo 16:24; Marcos 8:34; D at T 56:2; 112:14). Handa ba kayong sumama? O ikahihiya ninyo ang ebanghelyo? Ikahihiya ba ninyo ang inyong Panginoon at ang Kanyang plano? (tingnan sa Mormon 8:38). Magpapatangay ba kayo sa tinig ng mga tao na nagyayaya sa inyong sumama sa kanila sa popular na panig ng makabagong kasaysayan?

Hindi! Hindi mag-aatubili ang mga kabataan ng Sion! Naniniwala ako na magiging matapang kayo at ipapahayag ninyo ang katotohanan ng Diyos nang buong linaw at kabaitan, kahit hindi popular sa karamihan ang Kanyang katotohanan! Ipinakita ni Pablo ang huwarang iyon nang sabihin niyang, “Hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo]: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya” (Mga Taga Roma 1:16; tingnan din sa II Kay Timoteo 1:8).

Ang mga disipulo ng Panginoon ay mga tagapagtanggol ng tradisyonal na kasal. Hindi tayo maaaring magpatangay sa iba. Hindi kasaysayan ang hahatol sa atin. Hindi ang sekular na lipunan ang hahatol sa atin. Diyos ang hahatol sa atin! Para sa bawat isa sa atin, ang Araw ng Paghuhukom ay gaganapin sa paraan at oras na itinakda ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 2:5; Alma 33:22; Eter 11:20; D at T 88:104; 133:38).

Ang kinabukasan ng kasal at ng buhay ng napakaraming tao ay ipapasiya ng inyong kahandaan na taimtim na patototohanan ang Panginoon at mamuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo. Malaking proteksyon ang sasaatin kapag tayo ay nabinyagan at tinaglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Haring Benjamin: “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae” (Mosias 5:7; tingnan din sa talata 8).

Pinasasalamatan ko ang pahayag ni Sister Sheri Dew, dating miyembro ng general Relief Society presidency, sa Brigham Young University Women’s Conference kamakailan. Sabi niya: “Ang tuntunin ng pagiging mga disipulo ay gawin ang ipinapangako nating gawin tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento—ang ‘laging alalahanin’ ang Panginoon. Ibig sabihin nito ay aalalahanin Siya kapag pinipili natin kung sa anong media natin gustong malantad ang ating espiritu. Ibig sabihin nito ay aalalahanin Siya sa kung paano natin gugugulin ang ating oras at kapag pumipili tayo sa pagitan ng popular na kultura at ng Salita ng Diyos. Ibig sabihin nito ay aalalahanin Siya sa gitna ng labanan o kapag may paparating na tukso. Ibig sabihin nito ay aalalahanin Siya kapag inaatake ng mga kritiko ang Kanyang Simbahan at nililibak ang katotohanan. Ibig sabihin nito ay aalalahanin na tinaglay natin ang Kanyang pangalan.”2

Ang mensahe ni Sister Dew ay nakaayon sa isang mensahe ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), na nagsabing: “Kung ang ating buhay at ating pananampalataya ay nakasentro kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, walang anumang magiging permanenteng mali kailanman. … Kung ang ating buhay ay hindi nakasentro sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo, walang anumang magiging permanenteng tama kailanman.”3

Ipahayag ang Kalooban ng Diyos

family cutout with hands protecting it

Saanman tayo magpunta, tayo bilang mga disipulo ng Panginoon ay may sagradong responsibilidad na ipahayag ang kalooban ng Diyos sa lahat ng tao. At ang isa sa mas mahihirap na pagkakataon sa ating panahon ay ang manindigan para sa katotohanan hinggil sa kasagraduhan ng kasal.

Ang ating mensahe ay hinubog ng banal na doktrina, na itinanghal sa Biblia:

“Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1).

“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:27).

“At sila’y binasbasan ng Dios, at sa kanila’y sinabi ng Dios, Kayo’y [magbunga], at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa” (Genesis 1:28).

“Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman” (Genesis 2:24).

“At tinawag na Eva ng lalake ang kaniyang asawa, sapagka’t siya ang ina ng lahat ng mga nabubuhay” (Genesis 3:20; tingnan din sa Moises 4:26).

Ang Diyos ang Ama ng lahat ng lalaki at babae. Sila ay mga anak Niya. Siya ang nag-orden ng kasal bilang pag-iisang-dibdib ng isang lalaki at isang babae. Ang kasal ay hindi nilikha ng mga taong hukom o mambabatas. Hindi ito nilikha ng mga grupong nagsasaliksik o sa pamamagitan ng botohan o ng madalas banggiting mga blogger o kritiko. Hindi ito nilikha ng mga lobbyist. Ang kasal ay nilikha ng Diyos!

Ipinagbawal ng Sampung Utos ang pangangalunya at kasakiman (tingnan sa Exodo 20:14, 17; Deuteronomio 5:18, 21).

Ang mga sinaunang utos na iyon ay ibinigay kalaunan sa mga tao sa panahon ng Bagong Tipan (tingnan sa Mateo 5:27–28; 19:18; Mga Taga Roma 13:9) at sa panahon ng Aklat ni Mormon (tingnan sa Mosias 13:22, 24; 3 Nephi 12:27). Sa makabagong paghahayag muling pinagtibay ng Panginoon, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22).

Ang tunay na intimasiya, ayon sa plano ng ating Lumikha, ay nararanasan lamang sa loob ng sagradong pag-iisang-dibdib ng isang mag-asawang lalaki at babae dahil ito ay pinagyaman ng katotohanan at pinasigla ng paggalang sa mga tipang ginawa ng mag-asawang lalaki at babae sa isa’t isa at sa Diyos. Mahalagang pansinin na ipinagbabawal ng lubos na katapatan sa mga tipang iyon ang pornograpiya, pagnanasa, o pang-aabuso sa anumang paraan.

Ang mga impluwensya ng lipunan at pulitika na baguhin ang mga batas tungkol sa kasal ay nauwi sa mga gawaing salungat sa kalooban ng Diyos hinggil sa likas na kawalang-hanggan at mga layunin ng kasal. Hindi basta magagawang moral ng tao ang ipinahayag na ng Diyos na imoral. Ang kasalanan, gawin mang legal ng tao, ay kasalanan pa rin sa mga mata ng Diyos.

Mga kapatid, na nasusuportahan ng katotohanang walang alinlangan, ipahayag ang pagmamahal ninyo sa Diyos! Ipahayag ang inyong pagmamahal sa lahat ng tao, “nang walang malisya, na may pagmamahal para sa lahat.”4 Sila bilang mga anak ng Diyos ay ating mga kapatid. Pinahahalagahan natin ang kanilang mga karapatan at damdamin. Ngunit hindi natin maaaring palagpasin ang mga pagtatangkang baguhin ang banal na doktrina. Hindi tao ang dapat magbago niyan.

Ang Pagmamahal ay Pagsunod

Mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak. At kung Siya ay mahal nila, ipapakita nila ang pagmamahal na iyan sa pagsunod sa Kanyang mga utos (tingnan sa Juan 14:15, 21; I Ni Juan 5:2; D at T 46:9; 124:87), kabilang na ang kalinisang-puri bago ang kasal at lubos na katapatan pagkatapos ng kasal. May babala sa mga banal na kasulatan na ang pag-uugaling salungat sa mga utos ng Panginoon ay hindi lamang magkakait sa mga mag-asawa ng intimasiyang inaprubahan ng Diyos kundi maghahatid din ng mababagsik na paghatol ng Diyos (tingnan sa Levitico 26:15–20; Awit 89:31–32; Mateo 5:19).

Ang lubhang kinasasabikan ng puso ng tao ay isang kasal na magtatagal hanggang sa kabilang-buhay. Ang lubos na katapatan sa mga tipang ginawa sa mga banal na templo ay magtutulot sa mag-asawa na mabuklod sa buong kawalang-hanggan (tingnan sa D at T 132:7, 19).

Mabigat ang pasanin ng pagkadisipulo. Bilang mga disipulo ng Panginoon, kayo ay maninindigan bilang mga tagapagtanggol ng kasal. At kapag kayo ay tunay at tapat, hindi lamang Niya kayo tutulungan at poprotektahan (tingnan sa D at T 84:88), kundi pagpapalain din Niya ang inyong pamilya (tingnan sa Isaias 49:25; D at T 98:37).

Kayo ay nakikinabang sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Panginoon. Dahil sa Kanya, kayo kalaunan ay gagantimpalaan ng imortalidad. At dahil sa Kanya, matatamasa ninyo ang pagpapala ng buhay na walang hanggan sa piling Niya at ng inyong pamilya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Sheri L. Dew, “Sweet above All That Is Sweet” (Brigham Young University Women’s Conference address, Mayo 1, 2014), 7, ce.byu.edu/cw/womensconference/transcripts.php.

  3. Howard W. Hunter, “Fear Not, Little Flock” (Brigham Young University devotional, Mar. 14, 1989), 2, speeches.byu.edu.

  4. Abraham Lincoln, “Second Inaugural Address,” Mar. 4, 1865.

Kaliwa: larawang kuha ni Shauna Jones Nielsen

Kanan: Mesa Arizona Temple