Saan ang Simbahan Ninyo?
Dee Jepson, Idaho, USA
Noong mga taon ko sa military, kung minsan ay mahirap hanapin ang chapel ng mga Banal sa mga Huling Araw. Halos walang abiso, basta na lang ako ipinapadala sa isang bagong lungsod o bansa.
Isang araw ng Linggo ay nasa Amsterdam, Holland, ako. Alas-8:30 n.u. biglang ibinalita ng aming koronel na day off namin. Suot ang uniporme, kinumbinsi ko ang isang kaibigan na ihatid ako sa simbahan. Sa kotseng inupahan niya, ganito ang naging pag-uusap namin:
Kaibigan: “Saan ang simbahan ninyo?”
Ako: “Hindi ko alam kasi ngayon lang ako nakarating sa lungsod na ito. Pero kung makakarating tayo sa kabayanan nang kinse minutos bago mag-alas-nuwebe, makikita natin iyon.”
Kaibigan: “Bakit? Ano ang nangyayari kinse minutos bago mag-alas-nuwebe?”
Ako: “Iyon ang sandaling makikita natin ang mga Mormon missionary na papunta sa chapel.”
Kaibigan: “Akala ko ba ngayon ka lang nakarating dito?”
Ako: “Oo nga.”
Kaibigan: “E, paano mo nalaman na may chapel dito?”
Ako: “Siguradong may chapel dito at mga Mormon missionary.”
Kaibigan: “OK, narito na tayo sa kabayanan. Labinlimang minuto na lang alas-nuwebe na, at wala akong nakikitang mga missionary.”
Ako: “Hayun sila.”
Kaibigan: “Saan? Ibig mong sabihin iyong nasa malayong iyon na patawid ng kalsada? Ni hindi nga natin makita kung sino ang mga iyon mula rito.”
Nang malapit na ang mga missionary, lumabas ako ng sasakyan at masayang nakipag-usap sa kanila, nakipagkamay, nagkipagbiruan, at nakipagtawanan, at nakipagngitian.
Ako: “Salamat sa paghahatid.”
Kaibigan: “Akala ko ba hindi mo kilala ang mga lalaking iyon?”
Ako: “Hindi nga. Ngayon lang kami nagkakilala.”
Kaibigan: “Hindi nag-uusap nang gayon ang mga tao maliban kung kilala na nila ang isa’t isa.”
Ako: “Ipapaliwanag ko sa iyo mamaya.”
Kaibigan: “Hindi ko sigurado kung makikita ko pang muli ang lugar na ito, at hindi mo pa sinasabi kung anong oras kita susunduin.”
Ako: “Tatlong oras ang mga miting namin. Pagkatapos ay iimbitahan ako ng isang pamilya sa hapunan. Pagkatapos naming kumain at mag-usap sandali, ihahatid nila ako sa headquarters.”
Kaibigan: “Hindi mo pa alam kung may magyayaya sa iyong maghapunan at maghahatid sa iyo pabalik.”
Tiniyak ko sa kanya na magiging maayos ako at pinasalamatan ko siyang muli.
Nakakasigla ang mga miting. Tinanggap ko ang una sa tatlong paanyaya sa hapunan. Sa hapunan masaya kaming nag-usap-usap tungkol sa paglago ng Simbahan sa Holland.
Mapalad akong makakita ng mga miyembro ng Simbahan nang maraming beses sa buhay ko. Kung minsan nagkakakilala kami sa mararangyang lugar at kung minsan sa abang mga kubo. Kung minsan naman sa inabandona at maalikabok na mga kuwartel. Kung minsan sa mga kapilya ng ospital. Kung minsan sa loob ng malalaking tolda o sa labas sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan.
Saanman kami magkita, lagi akong masaya na sinikap kong matagpuan ang Simbahan. Tulad ng sabi ng Panginoon, “Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila” (Mateo 18:20).