2015
Mga Banal na Katangian ni Jesucristo—Maamo at Mapagpakumbaba
Agosto 2015


Mensahe sa Visiting Teaching

Mga Banal na Katangian ni Jesucristo: Maamo at Mapagpakumbaba

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paanong daragdagan ng pagkaunawa sa buhay at mga tungkulin ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Jesus Christ with the twelve apostles. Christ (depicted wearing a white robe with a yellow sash), is kneeling before one of the apostles as He washes the feet of that apostle. The other eleven apostles are gathered around a table (having just completed the last supper). They are watching Christ. (John 13:1-20)

Hinuhugasan ni Jesus ang Paa ng mga Apostol, ni Del Parson

Sabi ni Jesus, “Ang lalong dakila sa inyo, ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod. Sapagka’t alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa’t ako’y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod” (Lucas 22:26–27).

“Ang Tagapagligtas ang ating [pinaka]dakilang halimbawa ng kapangyarihan ng kapakumbabaan at pagkamasunurin. Kunsabagay, ang pagsunod Niya sa kalooban ng Ama ang nagbigay-daan sa pinakadakila at maging sa pinakakagila-gilalas na pangyayari sa buong kasaysayan. Marahil ang ilan sa pinakasagradong mga salita sa buong banal na kasulatan ay, ‘Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo’ (Lucas 22:42).”1

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, lagi nating hinahangad na maging katulad Niya. “Ang kaamuan ay mahalaga para lalo tayong maging katulad ni Cristo,” sabi ni Elder Ulisses Soares ng Pitumpu. “Kung wala ito hindi mapapasaatin ang iba pang mahahalagang katangian. Ang kababaang-loob ay hindi nangangahulugan ng kahinaan, ngunit ibig sabihin nito ay pagkilos na may kabutihan at kabaitan, pagpapakita ng lakas, katahimikan, mainam na pagpapahalaga sa sarili, at pagpipigil sa sarili.”2 Habang sinisikap nating magkaroon ng katangiang ito, masusumpungan natin na ang “mapakumbabang pagsunod sa kalooban ng Ama ang naghahatid sa atin ng kaloob ng Diyos—ang kapangyarihan ng kapakumbabaan. Ito ang kapangyarihang harapin ang mga problema sa buhay, ang kapangyarihan ng kapayapaan, ng pag-asa, ng pusong puspos ng pag-ibig at patotoo sa Tagapagligtas na si Jesucristo, maging ang kapangyarihan ng pagkatubos.”3

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

Mateo 26:39; Juan 5:30; Mosias 3:19; Helaman 3:35

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Isa sa pinakamatatamis at pinakamatitinding sandali ng ministeryo ni Cristo ay nang hugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga disipulo. “[Siya] ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya’y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili. Nang magkagayo’y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya’y nakabigkis” (Juan 13:4–5).

Nang pasimulan ng Tagapagligtas ang ordenansang ito, maaaring nanggilalas nang husto ang mga disipulo na ang kanilang Panginoon at Guro ay lumuhod sa kanilang harapan at nagsagawa ng napakaabang paglilingkod. Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Jesus ang mga aral na gusto Niyang matutuhan nila at nating lahat:

“Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.

“Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” (Juan 13:14–15).

Mga Tala

  1. Richard C. Edgley, “Pinagkalooban ng Kapakumbabaan,” Liahona, Nob. 2003, 99.

  2. Ulisses Soares, “Maging Maamo at May Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Nob. 2013, 9.

  3. Richard C. Edgley, “Pinagkalooban ng Kapakumbabaan,” 99.